108. Mundo

1.2K 66 7
                                    

xxxxx

Noong nasa Centuriapolis ako, nangyari ang isang bagay na hindi ko inaasahan.

"Maligayang pagdating sa iyong bagong mundo, Centurion. Ikaw ay ganap ng kaisa namin," bati ng isang Centurion na mukhang may mataas na katungkulan. Narito ako ngayon sa loob ng kanilang palasyo. Kinuha kasi nila ako mula sa dagat kung saan ako bumagsak. Samantalang sinubukan nilang paslangin si Zafaro Vander, ngunit hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa kanila dahil iniwan na namin sila doon sa karagatan.

"Napagtagumpayan mo na ang pagsubok namin sa iyo. Nagawa mong makarating dito, ibig sabihin, nagamit mo na ang kakayahan mo bilang isang ganap na Centurion."

Tumango ako. Wala akong masabi.

"Ngayon naman, ikaw ay bibigyan na namin ng iyong panibagong pangalan. Sa oras na marinig mo ang pangalang ito, iyon na ang simula ng pagkakaroon mo ng ibayong kapangyarihan. Kaya humanda ka na..."

Pumikit na ako. Nararamdaman ko na ang paglapit nila sa akin. May naramdaman akong mga kamay sa ulo ko. Hinahaplos ako.

Nangilabot ako sa narinig kong boses. At kakaiba na ang pakiramdam ko. Para bang...ako ay gumagaan... tapos biglang magiging mabigat ang pakiramdam ko sa aking katawan.

At walang ano-ano'y kaya ko nang gawin ang mga nagagawa nila. Ang aking pagkilos at istilo ng pakikipaglaban ay katulad na ng sa kanila. Nagsanay ako sa kanilang bulwagan. Mabilis naman akong natuto. Hanggang sa naihanay na ako sa pangkat ni Ur, na siyang nangangasiwa sa aming mundo.

"Sina Yohan Caleb ang iyong kailangang tapusin. Kailangan niyang mawala sapagkat mapanganib ang pananatili niya sa mundo niyo. Nagagambala na ang dimensyong ito dahil sa taglay niyang majika. Sa patuloy na paggamit nila ng majika na may kinalaman sa buhay at kamatayan, pati ang majika sa mundong ito ay nakukuha niya. Humihina na ang ating mga kapangyarihan. Pansin mo ba kung bakit kailangan na naming mag-ipon ng majika rito? Iyon ay dahil sa dalawang nilalang na yun! Hinahatak na nila ni Zafaro Vander ang majika dito patungo sa inyong mundo. At kapag nagpatuloy pa ito, maglalaho ang dimensyong ito. Kaya kailangan mong magtagumpay!"

"P-Pero bakit ako? Bakit ako ang kailangang gumawa ng bagay na iyon? Baguhan lamang ako!"

"Alam mo na ang sagot diyan," tugon ni Ur. "Higit na mas kilala mo sila kesa sa amin. Mas magagawa mo ang misyon kung ikaw ang gagawa. Tandaan mo, ito na ngayon ang dahilan ng iyong buhay. Sa oras na talikuran mo ang misyon mo, maglalaho ka."

Kinabahan ako. Hindi ko gusto ang mga nangyayari. Hindi ko kayang paslangin si Yohan. Hinding-hindi. Mas nanaisin ko na lang na maglago. Tama, hindi na ako babalik doon upang hindi ko na magawa ang bagay na iyon. Sa mga oras na ito, siguro'y nakabalik na si Yohan. At siguro'y nagkita na sila ni Rowan.

Si Rowan...ang anak ko. Sana ay nagtagumpay akong ilihim ang kanyang pagsilang. Sana'y ligtas siya...

Naglakad-lakad ako hanggang sa makarating ako sa isang kakaibang silid. Pabilog ito at sa gitna nito'y may isang kakaibang bagay na nakapatong sa isa ring pabilog na mesa. Isa itong hugis-parisukat na bagay. Kulay itim ito at parang isa itong kakaibang uri ng kahon na may maliliit na mga butas sa gilid. Meron din itong mahabang patpat na yari sa bakal sa gilid. May buntot rin ito na kulay itim rin ngunit kakaiba ang dulo nito. Basta, hindi ko iyon maipaliwanag.

QuiarrahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon