♚ ♚ ♚
Madali ko nang narating ang pinakahuling palapag ng Torre ng mga Bathala pagkatapos ng engkwentro ko kay Coren. Malamang binantayan niya talaga ako kaya nalaman niya agad kung nasaan ako. Buti na lang at naunahan ko siya. Nakakalungkot man na kailangan nilang mawala, sa ngayon ay hindi ko muna iyon iindahin. Mas mahalaga sa ngayon na mailigtas ko ang anak ko mula sa Diyos ng Kamatayan.
Muntik pa akong madulas sa hagdan dahil sa basa na ito mula sa natutunaw ng yelo ni Coren. Naglalaho na rin yata ang majika ni Coren na siyang dahilan kung bakit nagkaroon ng delubyo na gawa sa yelo sa buong kalupaan. Pero inakyat ko pa rin ang hagdan at nasa tuktok pa lang ako nito ay nakita ko na kung ano ang nagaganap doon. Isang labanan ang kasalukuyang nagaganap sa pagitan ng Diyos ng Kamatayan at ng ilang katao. Nang lumapit ako ay nakilala ko sila bilang sina Santelma, Xenon, Binibining Gaga, at Sailor Swift. Sabay-sabay nilang nilulusob ang Diyos ng Kamatayan ngunit wala pa rin silang panama dito.
Kakaiba ngayon ang suot na kalasag ng Diyos. Itim ito at kumikinang, na kutob kong kagagawan ng isang kakaibang majika. Sa tingin ko nga ay isa ito sa mga naging paghahanda niya laban sa akin.
Hinanap ko naman ang anak ko at nakita ko siyang nakahandusay sa sahig na tila wala ng malay. "COREN!" Nanggagalaiti na ako sa galit dahil sa itsura ng anak ko, at hindi ko sinasadyang makapaglabas ng Armageddon na tumama sa lahat ng taong narito sa tuktok ng torre.
Agad kong tinakbo ang anak ko at niyapos habang nakatingin naman sa'kin ang lahat. "Yohan, andito ka na!"
"Master Yohan, itakas niyo na po ang anak niyo!"
Pero hindi ko sila pinapansin, dahil abala ako sa kakahaplos sa mukha ng anak ko. "Rowan anak...gumising ka. Andito na ako."
"Mahina na ang anak mo, Yohan," dinig kong saad ng Diyos ng Kamatayan na naglalakad papunta sa direksiyon ko. Naririnig ko pa nga ang tunog ng bakal na paa niya habang lumalangitngit ito sa sementong sahig. "Hindi na magtatagal ang buhay niya."
"Hayop ka!" Sigaw ko at ngumisi siya.
"Isusunod naman kita, Yohan. Masyado na kasi kayong sagabal sa mga plano ko," sabi niya pa. "Naiinip na ang mga ninuno ko sa loob ng Butas. Gusto na nilang lumabas."
"Paano kung ayoko?" Hamon ko naman. "Tatapusin na kita ngayon."
"Tatapusin?" Natatawang singhal niya. "Ni hindi mo nga ako kayang tapusin ng ikaw lang! Palagi kang may kinakapitan, hindi ba? Una si Aravella. Tapos ang Alyansa at ang Kartel. At ngayon naman itong mga kaibigan mong walang kwenta."
"Baliktad yata, Zafari Vavalu?" Pang-aasar ko rin kahit ang bigat na ng dibdib ko dahil sa nangyari kay Coren. "Hindi ba ako ang dapat nagsasabi niyan? Hindi mo ako mapatay-patay! At kailangan mo pa ang serbisyo ng mga kaibigan ko na ginawa mong Sandata, di ba? Diyos ka ngang naturingan pero ikaw ang hindi kaya ang isang tulad ko nang mag-isa!"
"Para sa isang nilalang na nagmula sa akin, isa kang tampalasan."
"Hindi na ako galing sa'yo," giit ko. Hindi mo ba naiintindihan? Ako ang totoong huling Alkemista, hindi si Alexar. Si Alexar ang piraso ng alaala mo at hindi ako!"
"Kahit ano pa ang sabihin mo Yohan, sa akin ka pa rin nagmula," aniya na ilang hakbang na lang ang distansiya niya mula sa akin at ng anak ko. "Wag ka nang magyabang. Kaya tumabi ka na dahil tatapusin ko na ang anak mo na sinasabi niyong makakatalo sa akin. Natapos ko na sana siya kanina pa kung hindi lang nakialam ang mga pesteng ito. Akala ba ng mga kutong lupa na 'to na matatalo nila ako?"
BINABASA MO ANG
Quiarrah
FantasyCollaboration with Hraefn Ang pinakagwapong bida sa balat ng mala-telepantasyang Wattpad story. At ang pinakamaalindog na dalaga sa mundong hindi mo inakala. Ito ang kwentong may malakas na fighting spirit. SOON TO BE YOUR FAVORITE.