114. Armageddon

1K 70 5
                                    

♚♚♚


Hinanda ko na ang sarili ko sa pagsugod na gagawin namin ni Jung. Inilagay ko na nga ang piraso ng Quiarrah na nakuha ko mula kay Putan sa isa sa mga bago kong mga kamay na yari sa bakal. Agad naman itong nag-ibang anyo at nagkaroon ng mga talim sa gilid na parang ang aking Excalibur. Hindi napigilan ni Jung ang mamangha dito.

"Kuya, ang galing naman yan! Sino ang gumawa niyan?"

"Isang panday ang gumawa nito. Astig no?"

Tumango-tango siya. "Sinong Panday?"

"Si Panday Coco."

"Ha? Eh di ba kuya pulis yun?"

"Iba naman 'yung sinasabi mo," tugon ko. "Si Panday Coco eh 'yung gumagawa ng mga espada at mga kanyon doon sa may bundok."

"Narinig ko na ang tungkol sa kanya, Kuya! Siya 'yung isa sa mga gumawa ng tren noon! Isa iyong alamat! Yun nga lang nagtatago siya sa Diyos ng Kamatayan dahil hinahanap siya nito!"

Nagtaas ako ng kilay kay Jung. "Paano namang isang alamat ang lasenggerong yun?"

Tila kuminang pa ang mga mata ni Jung habang nagkukwento sa akin. "Isa siyang Cavalier, kuya. Kilala mo ba sila? Yung pamilya ng sinaunang Alyansa na may kakayahang gumawa ng mga kakaiba at malalakas na sandata."

"Oo kilala ko sila," sabi ko habang inaalala si Flavio Cavalier na nakilala ko noon pa man. "Hindi ko alam na malaki pala ang pamilya nila." Yun lang kasi ang nakikita kong dahilan kung bakit hindi sila naubos ng mga Sandata ng Diyos ng Kamatayan. Parang sa mga Pyrei lang, hindi lahat napaslang ang mga Cavalier dahil sa dami nila. Kaya nakaligtas sina Hassein at itong si Panday Coco.

"Basta Kuya, malupet 'yang si Panday Coco. May kakayahan kasi siyang patibayin at palakasin ang kanilang mga ginagawang sandata ng sampung beses sa orihinal na kakayahan nito. Tingnan mo na lang ang tren at mga riles na ginawa niya. Hindi ito nagawang wasakin ng mga kampon ng Diyos ng Kamatayan."

"Ganun ba? Hindi ko alam yun ah," sagot kong biglang napaisip. Kung isa nga si Panday Coco sa mga gumawa at bumuo ng mga tren sa ilalim ng lupa, ibig sabihin kakilala siya ni ama. Kaya naman pala mabait ang lalaking yun sa akin. Doon ko lang pinagmasdan nang maigi ang mga bagong likha kong mga kamay. "Ibig sabihin sobrang lakas ng mga kamay ko ngayon."

"Opo Kuya!"

"Bwahahaha!" Halakhak ko sabay taas ng mga kamay ko sa ere. "Ibig sabihin kung may roong sandatang paa ang hinayupak na yun ako naman eh may mga sandatang kamay! Bwahahaha! Dalawa lang ang mga kamay ko pero ako yata talaga ang may lakas ng sampung kamay!"

"Ayos kuya, lupet!" Hirit din ni Jung at nagtawanan na kaming dalawa. Naglakad na kami ni Jung paakyat sa ibabaw ng lupa. Pakubli lang kami kung kumilos sa takot na baka agad kaming makita ng mga alipores ng Diyos ng Kamatayan. Sa isang malawak na kapatagan na balot ng yelo kami lumabas, at ilang metro na lang ang layo namin sa mismong matayog na torre. Napansin kong walang mga kawal sa paligid na siyang ipinagtaka ko kaya naging alerto din ako agad. Dahan-dahan kaming naglakad patungo sa isa sa mga pader na yari sa matataas na posteng bakal kung saan ako dumaan noon kasama ang mga miyembro ng Kartel.

"Kuya? Ano na ang gagawin natin ngayon? Hindi tayo makakadaan diyan..."

"Alam ko. At kung sisirain ko naman yan, matutunugan na nilang nandito tayo. Siguro humanap na lang tayo ng ibang dadaanan."

QuiarrahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon