-- ✡ KABANATA 2: Indescent Proposal ✡ --
.
.
KAPWA nag-agawan sa telepono sina Evebon at Calvin nang tumunog ito, pero mas mabilis ang binata. Ito ang nakasagot.
Napahalukipkip si Evebon.
"Bagong biktima?" Babae ang ibig niyang sabihin.
Umungol ito. "Sandali," inabot sa kanya ang telepono. "Si Ara."
Sumenyas siya na kunwa'y wala siya.
"Running away from a situation has never solved it, kailangan mo siyang tanggihan kahit ngayon lang." Ang sabi nito sa kanya. "Mahirap bang sabihin na hindi mo siya matutulungan?"
Kinuha ni Evebon ang telepono. Tinakpan ang mouthpiece. "Hindi naman kasi mahirap ang pinagagawa niya."
Nagtaas ng boses ang binata. "Alin? Ang patulugin ang lalaki para bigyan ng leksyon?"
"Your mouth, Vin."
Itinaas na lamang nito ang dalawang kamay.
"Hello,"
"Eve, sa Saturday siya magdi-dinner sa bahay. May anim na araw ka pa para maghanda."
"Pero, Ara,"
"Kaibigan kita, Eve, huwag mo akong bibiguin." Bago pa siya makatutol ay binabaan na siya nito ng telepono.
Hinarap siya ni Calvin. "Hinahayaan mong diktahan ka ng babaeng iyon?"
"Hindi niya ako dinidiktahan, Vin. Nanghihingi siya ng tulong. Alangan namang tanggihan ko siya."
"Kahit na mapahamak ka sa pinapagawa niya sa iyo?"
"Hindi naman siguro."
"Mahilig siyang lumutas ng problema sa pamamagitan mo."
"Ako lang kasi ang kaibigan niya."
"Dahil masama ang ugali niya-- at masyado siyang molestiyador."
"Vin--"
"Okey, okey, nag-promise pala akong hindi magsasalita against her but, God! Raven! Inaabuso ka na niya. Kung ayaw niyang pakasalan si Rink Benidez ay hindi siya mapipilit."
"She can't avoid him by saying no. Kilalang tao si Rink Benidez, marami siyang kilalang mga pulitiko. Naitutuwid ang baluktot."
"Kaya nga ako nag-aalala sa iyo."
"Huwag kang mag-alala, Vin. Kung magkaroon man ng problema ay tiyak makakalusot ako."
Napabulalas si Calvin. "Napakatigas ng ulo mo."
KANINA pa nahihilo si Rink sa kapaparoo't-parito ng ina. At sa madalas na pagsulyap nito sa labas na tila may hinihintay.
"I invited Evebon na mag-dinner dito pero bakit kaya wala pa siya? Naligaw siguro siya sa sketch na binigay ko."
Nasagot din ang kanyang mga katanungan.
Sa kabilang banda, bahagyang tumalon ang kanyang puso. Magkikita silang muli ni Evebon. Ilang beses na niyang tinangka na makita ito at isagawa ang kanyang plano. Hindi niya alam na mabilis na aaksyon ang ina.
Tinitigan niya ng husto ang ina. "May binabalak ba kayo, Mom?"
"Matagal kang umaksyon, iho. Simulan na natin ang pustahan."
Nang tumunog ang door bell ay ang kanyang ina na ang nagbukas ng pinto.
"Evebon, iha, salamat at pinagbigyan mo ako. Halika na at nakahanda na ang mesa. Nagkakilala na ba kayo ng anak ko?"