HULING KABANATA
ACTING WORKSHOP
EVEBON's POV
TAHIMIK dito sa teatro. Walang ingay o kaluskos sa nakabibinging tanghalan. Tanging ang musikang idinulot ng kampay ng alon na pinaghirapan ng music director ang maririnig sa ere.
Lahat kami na kasama sa workshop ay pumusisyon ng komportable. Nakapiring ang aming mga mata. Hinayaan kong makondisyon ang aking malayang imahinasyon. Sumabay akong maglakad at makipagsayaw sa alon. Bukas ang tenga ko para sa voice over.
"Maglakad ka sa magulong daan..." utos ng voice over.
Ginawa ko naman. Biglang nagbago ang background music. Ang aking imahinasyon ay ibinabatay ko sa musika sa paligid. Pakiramdam ko ay magulo... parang nakikidigma.
"Marami kang makakasalubong na nakasuot ng maskara."
Natigilan ako. Nagsulputan sa aking imahinasyon ang iba't ibang uri ng maskara. Pumaikot ang mga 'yon sa akin.
Maya-maya ay tinanong ako ng voice over.
"Anong mararamdaman mo, Evebon, sa sandaling lumitaw sa karamihan ang isang nilalang... handang ibigay sa 'yo ang kanyang kamay?"
Nalito ako. Hindi pangkaraniwan ang workshop na 'to!
Nagpatuloy ang voice over sa pagsasalita. "Handa niyang pawiin ang iyong pagkalito..." Tumigil ito sa pagsasalita upang mabigyan ako ng pagkakataon na mag-react. Subalit wala akong emosyon na ipinakita kaya nagpatuloy ito. "Subalit binigo mo siya."
"This is crazy!" bulalas ko.
Mabilis kong tinanggal ang aking piring.
Namangha ako sa aking nakita. Ang eksena sa aking imahinasyon ay nakikita ko ng totoo. Mga maskarang nakabitin. At nagdadagsaan pababa! Tumingin ako sa itaas, nasilip ko ang propsmen na ginagawa ang nakaatang na trabaho sa kanya. Kumaway pa nga siya sa akin.
Inilibot ko ang aking paningin. Ako na lang ang tao sa entablado.
Itinutok sa akin ang spot light kasabay ng paghawi ng malaking kurtina. Ang mga kasama ko kanina dito sa entablado ay nakihalo sa mga audience. Nanonood.
Nagdagsaan ang mga tao. Anong ginagawa ko dito? Walang sinabi si Calvin na may on-the-spot monologue ako. Ang alam ko lang talaga ay may workshop. 'Yon lang naman ang ipinunta ko rito.
Hinintay ko ulit na magsalita ang voice over.
Hindi ko napigilang mag-isip.
Sa kalagitnaan ng aking pag-iisip ay may biglang itinapat sa mukha ko.
Anong ginagawa ng maskarang ito?
"Better to use a real mask than imaginary."
Napigil ko ang paghinga at hindi ko makuhang kumilos dahil sa boses na 'yon.
"Para hindi ko mabasa ang tunay mong damdamin... you're such a great actress. Nagawa mo pa akong linlangin. Pinaniwala mo ako sa isang bagay na matagal kong pinaniniwalaan. Ni hindi mo ako itinama. Salamat na lang kay Calvin." may hinanakit sa tinig ni Rink. Inalis niya sa mukha ko ang maskara.
Pinihit niya ako paharap. Wala akong maapuhap na salita. Nalunok ko yata ang aking dila. Para akong nakakita ng multo. Ang pagsulpot niya ay talagang ikinagulat ko. Ang buong akala ko ay nasa ibang bansa na siya. Ang tagal naming hindi nagkita pero walang nagbago sa aking nararamdaman. Buong akala ko ay tanggap ko na ang mga nangyayari...
Napaigtad ako ng haplusin niya ang aking buhok, na nakalimutan kong itali dahil sa pagmamadali kanina. Bumulong sa akin si Rink. "Ang alam ko sa mga nagtatanghal ay hindi tumatalikod sa audience."