Kabanata Isa

396 25 6
                                    


Tirik na tirik ang araw pero eto kami ni mommy, walang ginawa kundi mag-akyat-panaog ng mga bagahe namin sa bahay mula sa kotse. Nakakapagod pala ito. Tumatagaktak na ang pawis ko. Tama ba namang alilain ako sa kakabuhat ng dalampu yata n'yang mga maleta na mas mabibigat pa yata sa akin? Samantalang ang sa akin ay isang backback at dalawang maliit na bagahe lang.

Kunot ang noo kong ibinagsak ang katawan sa unang upuan na nakita ko sa sala ng nilipatan naming bahay. Pinunasan ko ang mga pawis ko at bumuntong-hininga. Ang hirap naman kasi, makikipag-boyfriend at kapag nakipaghiwalay, alsa-balutan ang drama namin. Palagi na lang pero hindi na ako nasanay. Hindi ba pwedeng iyong lalaki naman ang palayasin namin minsan?

Aba! Nakakailang lipat na kami ah. Nakakasawa na. Sa dami ng mga naging boyfriend ni mommy, ganun na rin yata karami kung ilang beses kaming naglipat. Nalibot na namin ang buong Metro Manila. Tapos ngayon dito naman kami napadpad sa Lian, Batangas. Hindi ko alam kung paano at bakit naman naisipan na sa ganito kalayong lugar siya nakahanap ng bagong malilipatan namin. Ngayon lang ako nakarating dito sa Batangas eh. Ayoko dito! Malayo ito sa mga kaibigan kong naiwan namin sa San Juan City na mga dalawang buwan ko na rin namang naging close. Mga kaibigan na basta-basta ko na lang iniwan na naman. Sa totoo lang, wala akong nagtatagal na mga kaibigan. Kapag napapalapit na ang loob ko sa kanila, biglang lilipat na naman kami ng bahay o matutuluyan. Gusto ko na nga sanang huwag na sumama kaso wala akong choice. At hindi ko rin naman siya kayang pabayaang umalis ng mag-isa. At syempre, isa pa, takot din akong mabatukan kapag inaway ko siya. Aba, sobra yata ang taray nitong si mommy, na mukhang hindi ko yata namana. Wala ako ng lakas ng loob na meron siya.

Nang naalala ko, hindi pa nga pala ako nakapagsuklay magmula ng nagmamadaling gisingin ako kaninang madaling-araw ni mommy. Tinaas ko ang kamay ko para ayusin sana ang magulong buhok ko ng...

"Bree, pakikuha mo nga 'yung mga bags ko sa backseat. Nakalimutan kong ibaba," dinig kong sabi ni mommy sa tabi ko, na prenteng nakaupo na rin pala at nakasandal sa upuan na katapat ng inuupuan ko. Mataman ko muna siyang tinitigan. Kita mo 'to. "Dali! Masisira ang leather sa init ng araw sa labas," singhal n'ya sa akin ng mapansin n'yang hindi pa rin ako kumikilos.

"Ngayon lang ako nakaupo, uutusan na naman," bulong ko sa sarili. Sa halip na tumayo, mas lalo akong nahiga ng bahagya sa mahaba at malambot na sofa. Ah... ang sarap!

"Brianna!"

"'My! Wait lang naman. Okay? Kakaupo ko pa lang oh. Kaunting pahinga lang," sabi ko sa kanya. Napapikit ako ng maramdaman kong lumapat ang likod ko sa malambot na kutson ng sofa. Ang sarap sa pakiramdam. Mabuti na lang at may kagamitan na rin itong bahay. Fully furnished na itong inupahan namin. Hindi na namin kailangang hakutin ang mga gamit sa dati naming bahay. Kung kukunin pa namin ang mga iyon, bahala na si mommy, ayoko ng sumama.

"Brianna, ano ba? Kung pagod ka, eh ano pa ako? Ako ang nag-drive ah! Kunin mo na 'yung mga bag. Para namang hindi mo hinihiram ang mga 'yun kung mag-inarte ka ah. Dali na!" Sabi niya, sabay patong ng mga paa niya sa center table na kahoy sa gitna ng sala. Tinignan ko siya ng masama. Kinuha pa niya sa bulsa ang cellphone niya.

Padabog akong tumayo at kinuha ang susi ng kotse na nakapatong sa isang lamesitang kahoy na malapit sa pinto. Bumaba ako sa hagdan para kunin ang mga bag na pinapakuha niya sa kotse.

Pagkalabas ko ng bahay, huminto ako. Sinalubong ako ng maalinsangang hangin. Tinitigan ko muna ang paligid. Napapaligiran kami ng mga luma at matataas na bahay na yari sa kahoy, pero hindi ko maitatanggi kung gaano karangya tignan ang mga iyon. Napapaligiran ang bawat bahay ng mga naglalakihang mga puno.

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon