Kabanata Labing-walo

39 9 0
                                    


Kinabukasan ay maaga akong pumasok para dumaan at i-submit kay dean ang written defense statement na babasahin ko sa contest next week. Hindi naman ito kahabaan pero kailangang malaman ni dean kung paano namin ito gagawin.

Nang pumasok na ako sa classroom ay wala pa roon si Ruth. Pumasok na ako kahit na alam kong naroon na rin ang grupo nila Alex at kasama na rin nila si Hannah. Kaklase na naman kasi namin siya ngayon sa subject na 'to. Dumadagundong ang loob ng classroom dahil sa lakas ng boses at tawanan nila. Naroon pang nagpapaluan sila ng mga notebook at mag-asaran sila. Pati ang mga inuupuan nila ay naglilikha ng ingay dati sa pagkakaskas nito sa sahig kapag nagpapaluan sila.

"Ang landi!" Sigaw ni Jen kay Evelyn na kaibigan din nila. Tumawa naman ito kay Jen.

"Akina 'yan," sabi niya habang kinukuha ang isang litrato na hawak ni Jen na pilit namang inilalayo nito sa kaniya.

"Patingin nga," sabi ni Hannah ng hindi pa rin binibitawan ni Jen ang litrato. Inagaw niya ito sa kamay ni Jen na ikinagulat nito.

"Sino 'to? Boyfriend mo?" tanong niya kay Evelyn habang inaabot ang litrato dito. Tumango naman si Evelyn at agad na binawi kay Hannah. "Ang putla mo d'yan. Mag vitamins ka nga. Binabawi ko na sinabi ko sa iyong maganda ka, hindi ka pala kagandahan." At saka tumawa si Hannah. Napairap ako at napailing ng marinig ko ang walang kagatul-gatol na sinabi ni Hannah kay Evelyn. Kung ako kasi ay hindi ko iyon masasabi sa isang tao lalo na sa kaibigan. Dahil siguro sa mas nakatatanda ito sa kanila ay hindi nila masagot, pero mahahalata sa mukha ni Evelyn ang inis sa sinabi ni Hannah. Pero si Evelyn nga ba ang sinasabihan ni Hannah? Hindi ko maiwasang isipin na pinaparinggan niya ako.

Tahimik lang akong pinapanood sila ng dumating na rin sa wakas si Ruth kasama si Gab. Kinawayan ko si Gab ng tumango ito para magpaalam sa akin. Masaya naman akong binati ni Ruth nang maupo na siya sa tabi ko.

"Good morning, Bree."

Tumaas ang kilay ko sa kaniya habang nakangisi.

"Baket?" Natatawang tanong niya.

"Ang ganda ng umaga ah. Late ka yata ngayon? Ke aga-aga pa eh," pagbibiro ko sa kaniya.

"Sira ka talaga, Brianna. May binili kami sa tindahan ng school supplies!" Mahina niyang sabi sabay tawa. Maya-maya ay siya naman ang ngumisi sa akin. "Ikaw? Himala. Bakit parang masaya ka ngayon? Okay na ba kayo ni Ian?"

Kumunot ang noo ko at ngumuso.

"Bakit siya? Kailangan bang nakasalalay sa kan'ya ang pagiging masayahin ko?" tanong ko sa kaniya habang nakanguso pa rin. Parang ang plastik ng dating ko doon dahil alam ko kung ilang araw nang masama ang loob ko.

"Hindi naman. Nakakapanibago ka lang ngayon, nitong mga nakaraang araw kasi eh sobrang tahimik mo at hindi ka gaanong namamansin."

"Ay, ganun ba? Aminado naman ako dun. Pasensiya ka na ha... masyado lang ako sigurong nape-pressure sa drawing competition," seryosong sabi ko kay Ruth. "Bawi ako," pahabol ko at saka ako ngumiti.

Napag-isipan ko na ayusin simula ngayong araw ang sarili ko. Napansin kasi kagabi ni mommy ang ipinayat ko, ilang araw na kasi akong walang ganang kumain. Sinamantala ko na ang pagkakataon na iyon para makausap na si mommy kagabi, sinabi kong hirap akong makapag-adjust dito sa Batangas at gusto ko ng umuwi sa Maynila. Mahigit isang oras kaming nagkalabasan ng sama ng loob, sa klase ng buhay na meron kami. Mahirap ang palaging naglalakbay na hindi alam kung saan patungo. Gusto ko na ng permanenteng mauuwian. Pumayag at natuwa siya sa naging desisyon ko. Hindi na rin naman daw siya bata pa para bumagay pa sa nakagawian niyang buhay dati. Ang sabi ni mommy ay kakausapin niya ang daddy sa lalong madaling panahon para matulungan kaming makabalik na ng San Juan. Ibang klaseng tuwa ang naramdaman ko ng matapos kaming mag-usap kagabi ni mommy. Gumaan ang pakiramdam ko dahil nabawasan ang mga iniisip ko. Feeling ko ay nawala lahat ng bigat at lungkot sa dibdib ko... Hindi ko man nasabi kay mommy ang tungkol sa nararamdaman ko kay Ian at sa kinahinatnan ng pagkakaibigan namin. Kung iisipin kasi ay nakakahiya, dalawang beses na akong tinanggihan ng dalawang lalaki sa loob lang ng ilang buwan, mag-pinsan pa.

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon