Kabanata Dalawa

186 21 2
                                    


Para akong tanga dito sa state university na pinag-enroll-an sa akin ni mommy. Kanina pa ako linga ng linga sa kakahanap ng classroom ko. Naliligaw na yata ako! Tinignan ko ang wristwatch ko at late na nga ako ng 5 minutes. Napapailing na lang ako.

Hinatid ako ni mommy kanina, balak pa sana akong ihatid hanggang sa loob pero hindi siya umubra sa guard. Ang iksi kasi masyado ng shorts niya. Gagamitan niya sana ng charm kaso wala talaga, hindi umubra. Mukhang may asawa na kasi si manong guard. Tinawanan ko siya ng nakasimangot na iwan ako sa labas ng gate.

Malayo ito mula sa Lian, pero okay na. Basta makapag-enroll lang ako ngayong taon, unang taon ko kasi ito sa college. Kumuha ako ng kursong Fine Arts at nakakatuwang malaman na mayroon din pala dito. Akala ko mag-iiba pa ako ng course na kukunin kung sakali. Hilig ko talaga ang mag-drawing at magpinta noon pang bata ako kaya desidido ako na ito ang kukunin kong kurso sa kolehiyo.

So eto na nga ako ngayon, parang giraffe na naliligaw. Kanda-haba na ang leeg ko kakalinga sa mga pangalan ng pasilyo at sa bawat numero ng bawat rooms. Hawak ko ang registration card ko habang pawis na pawis na pabalik-balik ng pasilyo. Diyos ko po. Bakit ba kasi napakalaki ng mga building dito? Anong oras na?

Talagang nakakahiya ito. Unang araw, unang subject, sobrang late. Wala pa naman ni isang estudyante sa hallway para mapagtanungan ko sana.

Nang mahanap ko ang classroom ko, na nasa kabilang dulo pala kaya hindi ko nakita agad kanina, tumatagaktak na talaga ang pawis ko. Nag-uumpisa na ang klase ng pumasok ako. Natural. Ano pa ba ang ini-expect ko?

Nilingon naman ako ng professor at tumango lang sa akin ng pumasok ako. Natuwa naman ako, akala ko ay pagagalitan pa niya ako. Iba na pala talaga kapag college na. Dere-deretso ako sa nakita kong nag-iisa na lang na bakanteng upuan na nasa pinakahulihang row at malapit sa pader. Saklap. Mukhang malamok pa yata doon. Mabuti na lang bukas ang mga bintana kaya hindi gaanong mainit ang room.

Nasa kalagitnaan na ang klase ng maramdaman kong kinakalabit ako ng nasa tabi ko.

"Hi! Bago ka din ba dito?" tanong ng babae sa akin. Hindi naman ako nagtaka. Naisip ko na kaya siya nagtatanong kung bagong estudyante ba ako dito ay dahil may mga grade school students sa university na ito. Kaya posibleng ang mga iyun ay dito na rin mag-kolehiyo. Napansin ko ngang may grupo-grupo na sa loob ng classroom at maiingay na sila. Kami nga lang yatang dalawa ang walang kausap.

"Oo," sagot ko sa kaniya.

"Sa'ng school ka galing?" nahihiyang tanong n'ya kaagad.

"Sa Dominican College ako nag grade 12," sagot ko, "sa San Juan City."

"Ha? Sa Maynila?" nagtataka niyang tanong. Tumango naman ako. "Catholic school ba 'yun? Taga Maynila ka?" sunud-sunod na tanong niya.

Tumango ulit ako habang kinukuhaan ko ng pictures gamit ang cellphone ang mga reminders na nakasulat na sa whiteboard.

"Ako ngapala si Ruth. Ruth Reyes," nakangiting sabi niya. Inabot niya ang kanang kamay niya para makipag-kamay sa akin, "Ikaw?"

"Brianna Vallejos," sagot ko sabay abot din ng kamay ko sa kaniya.

"Foreigner ka ba o may lahi?" tanong niya habang tinitignan ang kamay ko na hawak ang kamay niya, "Sobrang puti at kinis ng balat mo."

Napangiti ako. "Sa mommy ko. Half Italian and Spanish," sagot ko naman.

"Wow! Kaya pala ang puti at ang ganda-ganda mo," natutuwang bulong niya.

"Ikaw rin naman maganda," sabi ko sa kaniya habang nakangiti. Totoo 'yun. Ang ganda ng kutis niya. Pantay ang kulay kayumanggi at makinis niyang balat. Mahaba rin ang kanyang buhok. Pati na ang pagsusuot niya ng makapal na eyeglasses ay bumabagay sa kaniya. Maganda siya talaga at sa palagay ko ay mabait pa.

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon