Hindi ko alam kung paano ako magsisimula.
Naging parang isang rollercoaster ang buhay ko simula nang umamin ka at naging tayo hanggang sa magkahiwalay tayong dalawa.
Hindi naging madali para sa atin ang lahat, lalo na sa iyo.
Isang araw, tinanggal na ang nakatakip sa mga mata ko. Napa-iyak ako dahil sa wakas, muli kong nasilayan ang lahat. May kulay na ang mga bagay at malinaw ko silang nasisilayan.
Nakakakita na ulit ako.
Napatingin ako sa pamilya ko at sa mga kaibigan kong nasa loob ng kwarto. Ngumiti ako at hindi ko na napigilan ang aking mga luha.
"Mama..." bulong ko nang yakapin ako ni Mama.
Sumunod na yumakap si Papa at Kuya James kasunod ng mga kaibigan ko.
Pero may isang taong hinahanap talaga ng buong pagkatao ko. "Si Charles?"
Ngumiti si Mama. "Huwag mo muna siyang intindihin anak. Magpahinga ka na lang muna. Kapag maayos na ang lagay mo, pupuntahan natin siya."
Sinunod ko ang sinabi ni Mama. Lahat ng pinapagawa nila sa akin, ginagawa ko ng maayos para makalabas na ako sa ospital na ito.
Gustong-gusto na kitang makita Charles. Masakit pa rin siguro para sa iyo ang mga sinabi ko. Naiintindihan ko naman kung ayaw mo pa akong harapin.
"Nakalabas na pala ng ospital si Rence. Maayos na ang lagay niya. Hindi siya pinayagan ng magulang niyang bumisita sa iyo anak, galit pa rin sila."
Napatungo ako dahil sa sinabi ni Mama. "Ganun po ba?"
Ni hindi ko man lang siya nabisita kahit isang beses man lang. Sobrang galit ang parents niya sa akin pati na rin kay Charles. Gusto kong humingi sa kaniya ng tawad dahil pakiramdam ko, ako ang may kasalanan kung bakit niya dinanas yun.
"Babalik na ulit sila sa ibang bansa."
Napatingin ako kay Mama. "Ano?"
"Iyon ang desisyon ng Mama niya. Pinaki-usapan ko siya kung pwede mo bang makausap si Rence kahit saglit lang pero hindi talaga siya pumayag."
Hindi na ako naka-imik sa sinabi ni Mama.
"Lalabas na ang reyna!" sigaw ni Annie habang pumapalakpak.
Natawa na lang ako sa kaniya. Ngayon ang araw ng paglabas ko. Agad akong nakaramdam ng saya at excitement. Hindi na ako makapaghintay na makausap si Charles. Pero sana, matanggap pa rin niya ako.
Nang makauwi kami ng bahay, naging abala sila sa paghahanda ng mga kung ano-ano. Masaya sila dahil sa wakas, maayos na ulit ang kalagayan ko.
Isang araw, napagdesisyunan kong puntahan na si Charles sa kanila.
"Ma, pwede po ba akong pumunta kina Charles?"
Natigilan si Mama sa pag-inom ng tubig.
Tumikhim siya. "Uh-anak, pwedeng sa ibang araw na lang? Samahan mo muna akong mag-grocery."
Pumayag ako sa gusto niya. Pero medyo nagtaka lang ako dahil dati naman, si Nay Rita ang kasama niya. Na-miss lang siguro ako ni Mama.
Pero ang eksenang iyon ay naulit ng naulit. Ilang araw na akong nagpapaalam at lagi na lang may dahilan si Mama para hindi ako matuloy.
Ramdam kong may mali pero hindi ko alam kung ano yun.
Isang araw, tumakas na ako. Hindi na ako nagpaalam sa kanila. Iniwan ko na rin ang cellphone ko sa bahay.
Nakarating ako sa bahay nila Charles. Saktong nagwawalis ang isa sa mga katulong nila sa labas kaya tinawag ko ito.
"Magandang umaga po. Nandiyan po ba si Charles?" tanong ko.