MULA SA MALAYO
Mula sa malayo...
Nakikita kita...
tumatawa nang may kahinhinan
mga labing may kagandahan
tila ba masarap halikan
Mula sa malayo...
Pinagmamasdan kita...
mga matang may kalamlaman
na sa aking pakiramdam
ay humihimay sa aking bawat kalamnan
Mula sa malayo...
Sinusundan kita...
ang malamyos mong kilos at galaw
ang iyong mabining sayaw
sa tuwina'y sa panaginip ko'y dumadalaw
Mula sa malayo...
Minahal kita...
inaalayan ng mga palipad-hangin
sinusulatan ng mga romatikong sulatin
nililigawan sa tingin
ang hagkan ka'y masarap pangarapin
Mula sa malayo...
Gusto kitang lapitan...
kausapin
kamustahin
kaibiganin
paibigin
Mula sa malayo...
Kundi lang malisyoso ang tao...
liligawan sana kita
kahit na babae ka
at
kahit na
babae ako
BINABASA MO ANG
Spirito ng Kape
PoetryKalipunan ng mga tula at prosa na hinugot mula sa ulong lango sa spirito ng kapeng nilamig.