XI. SA PAGHIHINTAY

84 5 4
                                    

SA PAGHIHINTAY

Sa paghihintay ko sa loob ng jeep

Palihim kong sinusulyapan ang aking mga katabi

Pilit hinahanap sa mga hanay ang taong matagal ko nang hinihintay

Mainit sa loob ng jeep –

Siksikan ang mga katawang hapo sa buong araw

Sagsag sa balat ang mainit na hininga ng katabi

Nakakabwisit ang ingay ng katapat

Nakakahirin ang mga busina ng ibang sasakyan

Nakakaburyong ang pinaghalo-halong ingay

Masakit sa ilong ang pinagsama-samang usok, alikabok at putok

Hanggang kailan pa kaya ang aking pagdurusa?

Hanggang kailan pa ako maghihintay?

Matiyaga kong tinitigan ang aking mga kasama

Mabilis kong tinipa ang kanilang mga itsura

Hinahanap ko kasi ang taong hinihintay ko

Baka kako isa sa mga ito

Hinahanap ko ang taong

        may aura ng isang pasikat na araw

        may kakayahang paulanin ang paligid ng mga talulut ng rosas

        may ganang mapahinto ang oras

        may kapangyarihang patigilin at ariin ang tibok ng aking puso

Hinahanap ko siya –

Sa loob man ng jeep o sa labas nito

Na sa pagitan ng mga siwang sa loob ng sasakyan

O sa dagat man ng mga tao

Matiyaga ko siyang hinihintay

Hinahanap

Inaabangan

Inaantabayanan

Pinapangarap

Ah! Baka nagkasalisi kami...sayang!

Spirito ng KapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon