STIGMA
Hindi naman masama ang aming ginagawa
Wala kaming deperensyang dalawa
Sadyang di lang tanggap ng balana
Kung anong meron sa aming pagsasama
Sinubukan naming mabuhay nang maayos
Gumalang sa iba't walang taong hinahambalos
Pero hindi namin nakukuha ang kaparehas na tugon
Dahil puro panlilibak ang sa ami'y itinutuon
Itinakwil kami ng lipunang ginagalawan
'Pagkat di nito tanggap ang aming kabuuan
Pero tao lang din kaming may nararamdaman
Bakit kami'y sa karapata'y pinagkakaitan?
Tao'y mapanghusga sa mga tulad namin
Na ang tingin sa ami'y pawang mga walang damdamin
Na kami ay tinaguriang "lason sa lipunan"
Dahil sa aming kumplikadong relasyon at katauhan
Oo nga't kaming dalawa ay kapwa lalaki
Pero sa pag-ibig, walang tama; walang mali
Hindi ba't ang pagmamahal ay nagmumula
Sa kalooban ng puso; di sa pagitan ng mga hita?
Yan ang bansag sa amin ng madla –
Isang sakit. Isang makasalanan. Isang stigma.
BINABASA MO ANG
Spirito ng Kape
PoetryKalipunan ng mga tula at prosa na hinugot mula sa ulong lango sa spirito ng kapeng nilamig.