NAKAHINGA nang maluwag si Laura nang bahagyang bumaba ang lagnat ni Rave. Mabuti na lang. Maayos na rin ang paghinga nito at mukhang mahimbing nang natutulog. Tinitigan niya ang mukha ni Rave. Gusto niyang kaawaan ito pero naiinis siya. Masyado nitong pinagod ang sarili. Hindi ito kumakain sa tamang oras at kulang din lagi ang tulog.
Naiintindihan niya na trabaho nito 'yon pero hindi tamang isakripisyo nito ang kalusugan para lang doon. Sino na lang ang mag-aalalaga kay Rave kung wala siya? Bata pa si Ross kaya hindi pa nito maaalagaan nang maayos ang daddy nito. Kilala niya si Rave, sigurado siyang sasarilihin lang nito ang nararamdaman.
Hindi niya maiwasang mapabuntonghininga.
"Hindi naman habang buhay na nandito ako," aniya, habang tinitignan si Rave. "Dapat alagaan mo rin ang sarili mo."
Iniligpit na niya ang mga ginamit niyang pampunas dito. Ibababa na muna niya 'yon at kukunin 'yong naiwan niyang thermos ng mainit na tubig sa kusina. Malakas pa rin ang buhos ng ulan sa labas. Pinahinaan niya rin ang aircon. Kailangan muna ni Rave na pagpawisan.
Akmang tatayo na siya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama nang biglang may kamay na humawak sa pupulsuhan niya. Agad niyang naibaling ang mukha kay Rave.
"Don't go," mahinang pakiusap nito sa paos na boses. Nakapikit pa rin ang mga mata nito. "Stay... please..." Aalisin niya sana ang kamay nito sa pagkakahawak nang magsalita ulit si Rave. "Please don't leave..."
"Rave –"
"Laura, please."
Hinawakan niya ang kamay na nakahawak sa kanya. "Shsh, 'di na ako aalis." Ibinalik niya sa itaas ng mesita ang maliit na palanggana at bimpo. Inalis niya ang kamay nito na nakahawak sa pupulsuhan niya saka niya hinawakan ang kamay nito. "Dito lang ako sa tabi mo." Naramdaman niya ang paghigpit ng mainit na kamay nito sa kanyang balat. "Matulog ka na," aniya, sabay haplos ng pisngi nito.
Mayamaya pa ay mahimbing na ulit itong natutulog.
Muli niyang pinagmasdan ang mukha ni Rave. Hay naku, Laura. Kapag ikaw nasanay, good luck na lang sa'yo. Konti na lang Laura. Konti na lang talaga. Mapait na ngumiti siya. Sino ba namang hindi mahuhulog sa isang Rave Sanjercas?
Inaamin niyang, may espesyal na siyang nararamdam para kay Rave pero ayaw niyang bigyan ng pag-asa ang puso. Hindi isang katulad niya ang bagay rito. Kaya sisikapin niyang makuntento sa kung ano man ang meron sila.
Alam niyang, kahit ano man ang piliin niya, ang mahalin ito o ang pigilan ang sarili, masasaktan pa rin siya. Kaya, hahayaan niya lang ang sarili. Hihintayin niya na lang na sabihin sa kanya ni Rave na okay na ang lahat... na pwede na siyang umalis... na hindi na nila kailangang magpanggap na mag-asawa.
Naramdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng mga mata. Pero sa halip na malungkot ay ngumiti lang siya. Buti na lang 'di na binabaril sa Luneta ang mga martyr. Baka, 'di na siya abutan ng bukas kung sakali. Sa huli ay natawa lang siya sa sarili.
Kasalanan mo lahat ng 'to, Rave. Panagutan mo 'tong pinukaw mong pagmamahal sa puso ko. Joke lang. Pero pwede mo ring pag-isipan. Sa iniisip niya, mukhang siya yata ang nilalagnat at hindi si Rave.
"NASAAN si Daddy, Mama Lara?" tanong ni Ross. Nilagyan niya ng pagkain ang plato nito. Bagong ligo at nakasuot na ng uniform. Magta-taxi na lamang sila papuntang school ni Ross dahil day off ngayon ang driver. Ayaw rin niyang abalahin ang ama nito at baka mabinat pa.
"Natutulog pa ang Daddy mo," nakangiting sagot niya. "Mag-taxi na lang tayo papuntang school. Masama pa kasi pakiramdam niya."
"Okay lang po ba si Daddy, Mama?"
BINABASA MO ANG
HB 1: HIS BEAUTIFUL START - COMPLETE
RomanceRAVE SANJERCAS - Five years ago, Rave had closed his life from the world and from everyone. Simula nang mamatay ang kanyang asawa ay itinuon na niya ang atensyon sa limang taong anak na si Ross, sa paggawa ng mga comic illustrations at pagsusulat ng...