CHAPTER 4- Truth Slap

9.8K 112 0
                                    

Truth Slap

---oOo---

PAGKARATING pa lamang ni Viena sa vacation house nila ng asawa niya ay agad niya itong ginising at sinabi ang tungkol sa nangyari sa kanya. Sa muntikang pagkalunod niya. Sinabi niya rin dito ang pagligtas sa kanya ni Oriel. Kung hindi dahil dito ang malamang namatay na siya. Mabuti na lamang at nakita siya nito na sa may dagat. Utang niya ang buhay niya rito.

"Bakit hindi mo man lang ako ginising kanina para nasamahan kitang mag-surfing." Nag-aalalang turan nito.

"Hindi na kita ginising dahil alam kong pagod ka kaya mag-isa na lamang akong pumunta ng dagat."

"Kahit na! Alam mo naman na napakadelikado ang pumunta ng dagat lalo na't mag-isa ka lang. Mabuti na lamang at may nakakita sa'yo at sinagip ka no'ng caretaker."

"Oriel. Oriel ang pangalan niya. 'Yong lalaki sumundo sa atin sa pantalan."

"Pero salamat na rin sa kanya dahil iniligtas niya ang buhay mo. Hindi ko alam ang gagawin ko kung merong masamang nangyari sa'yo." Agad naman siyang niyakap nang nag-aalala niyang asawa. Ginantihan niya rin ito.

"Sorry, babe. Pangako. Hindi ko na talaga uulitin iyon." Aniya at.napaiyak na lamang siya ng mga sandaling iyon. Paano kung tuluyan nga siyang nalunod? Paano na ang asawa niya? Alam niyang labis talaga itong malulungkot kung may masamang nangyari sa kanya.

"Gusto kong personal na magpasalamat sa Oriel na 'yan. Gusto ko siyang pasalamatan sa ginawa niyang pagligtas sa'yo."

---oOo---

MATIYAGANG naghihintay si Viena at ang asawa nito sa may dalampasigan sa pagdating ni Oriel. Nang sabihin kanina ng asawa niya na gusto nitong pasalamatan ng personal si Oriel ay agad naman niyang pinuntahan ang vacation house na tinutuluyan ng mag-asawang Mang Kanor at Aling Puring. Sigurado na naroon din si Oriel. Ngunit si Mang Kanor lang ang nakaharap niya. Sinabi nito sa kanya na hindi pa raw umuuwi si Oriel dahil inutusan daw nito na bumili ng supplies sa bayan. Ibinilin na lamang niya rito na kapag dumating na ito ay papuntahin nito si Oriel sa may dalampasigan mamayang alas syete ng gabi.

Naglatag sila ng banig sa may dalamapasigan at doon umupo. Nag-ihaw si Viena ng baboy para gawing pulutan sa canned beer na iniinom nila ng asawa niya. Sa harap nila ay meron bone fire. Plano kasi nila na ayain na uminom si Oriel bilang pasasalamat na rin sa ginawa nitong pagligtas sa kanya.

"Darating pa ba 'yon?" Untag ng asawa niya. Nakayakap ito sa likuran niya.

"Baka maya-maya ay nandiyan na 'yon." Bwelta niya sabay abot ng canned beer at lumagok. Nakakailang canned beer na kasi ang naubos nila pero wala pa si Oriel. Sigurado naman siya na darating iyon. Baka may importante lang itong ginawa na dapat nitong unahin. Saglit na napatigin pa si Viena sa orasang pambisig at pasado alas syete na pala.

Hindi nga siya nagkamali dahil may natatanaw na siyang bulto ng tao na mukhang naglalakad papunta sa kinaroroonan nila. Sigurado siyang si Oriel na iyon. Umayos siya ng upo at kumalas na rin ang asawa niya mula sa pagkakayakap sa kanya.

"Magandang gabi po." Magalang na pagbati ng binata sa kanila nang makalapit na ito.

"Good evening din, Oriel." Sagot ni Viena. Marahang pagtango lang ang ginawa ng asawa niya.

"Halika. Maupo ka, Oriel." Itinuro pa ni Viena ang pwesto sa harapan nila at agad naman itong naupo roon.

"Oriel, ito pala ang asawa kong si Alken. Alken, si Oriel." Pagpapakilala ni Viena.

"Nice meeting you po." Inilahad ni Oriel ang kamay nito sa harap nila para makipagkamay sa asawa niya. Inabot naman ito ng asawa niya.

"Ikaw pala ang sinasabi ni Viena na nagligtas sa kanya kanina? Pinapunta kita rito para personal na pasalamatan ka sa ginawa mong pagligtas sa buhay ng asawa ko."

The Hired HusbandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon