"Erik, dating gawi...unang byahe kinabukasan ng ocean jet sasakay si Mark," ang sabi ni Jake sa kausap na custom. "Walang problema yun! Ikaw pa, malakas ka sa'kin boss," nakangising tugon nito. Nasa isang madilim sila na lugar nag-uusap, sa loob ng kotse ni Erik. "Ikaw ng bahala bukas," bilin pa niya rito.
Iniabot niya rito ang dalang envelope na agad bubuksan ni Erik. Lalong lumaki ang ngiti ng loko nang makita ang makapal na perang laman ng sobre.
"Mauna na ako. Pupunta pa ako kay Salazar. Nanghihinge kasi ng 'lagay'," tinapik ni Jake sa balikat si Erik at bumaba ng kotse nito. Dali-dali itong naglakad pabalik sa sariling kotse at sumakay. Agad niyang pinaharurot ang kotse.
Di nagtagal ay nakarating din siya sa destinasyon. Bumaba siya ng kotse at naglakad patungo sa isang puting revo na nakapark. Pumasok siya doon.
"Pare, kumusta na?" ang bungad ng taong kinikita niya na si Salazar, ang Regional Director ng PDEA sa probinsya ng Bohol. "Eto, buhay pa naman," sagot niya sabay abot ng envelope na may laman ding pera.
"Salamat dito pre!" sabi nito. Tumango lang siya. "Siyanga pala, may bagong grupo daw dito. Mga tao daw yun ni Agoncillo. Si Madam at si Kuya ang may hawak sa bagong grupo," sabi ni Salazar. Kilala niya yung 'kuya' na tinutukoy nito. Ang nakakatandang kapatid ni Salazar, na si Rex Salazar, ang karibal niya sa pagbebenta ng droga dito sa probinsya. Napatiim-bagang na lang siya. Gago kasi ang isang yun! Traydor. Patalikod kung umatake.
"Sige, alis na ako pre," sabi niya at lumabas na ng sasakyan. Sumakay uli siya sa sariling sasakyan at agad na pinatakbo iyon.
"Boss, kumusta ang lakad?" bungad ni Mark sa kanya nang makarating siya sa bahay niya. Alas tres na ng madaling araw nun. Si Mark ang kanyang kanang kamay at gun man. Ito rin ang taga-kuha ng droga at taga-hatid ng remittance niya sa kanyang amo doon sa Cebu na si supremo.
"Ok na ang lahat. Sige, magpahinga kana. Maaga ka pa bukas," sabi niya. Tumango lang ito at iniwanan siya. Sa kwarto naman siya nagtuloy. Kinuha niya ang kwarenta'y singko niyang baril na napakintab. Naupo siya sa kama na naka indian sit tapos nilinis ang baril.
Pagkatapos nun, kumuha siya ng foil at naglagay ng bawal na gamot. Siningot-singot niya iyon hanggang sa makaramdam siya ng kakaibang sigla. Pero dahil sa sanay na, nagagawa na niyang kontrolin ang epekto nun.
Ilang sandali lang ay relaxed na relaxed na ang pakiramdam niya. Ipinikit niya ang namumula niyang mga mata ngunit di makatulog dahil sa bawal na gamot. Hinayaan na lamang niyang maglakbay ang diwa niya sa nakaraan...
"Ma, papasok na ho ako," ang paalam ng binatilyong si Jake. "Mag-ingat ka 'nak," sabi ng mama niya. "Baon ko ho ma," sabi niya. "Nak, gipit tayo ngayon. Pwedeng sa susunod na lang pag nakaluwag na tayo," sabi ng mama niya. Tumango na lang siya at naglakad palabas.
16 anyos siya noon, panganay sa limang magkakapatid. Tatlo silang lalaki at dalawang babae. Ang mama niya ay simpleng maybahay lamang at ang papa niya ay isang mekaniko lang. Konti lang ang agwat nilang magkakapatid kaya yun, sobrang gipit sila.