Kabanata VII

78 3 0
                                    

"Misyon ang ipinunta mo dito at hindi ang pansariling hangarin", bulong ng isang tinig.

Nasa isang madilim na silid kami na kahit tuldok ng liwanag na galing sa araw ay hindi mababakasan.

Nakatayo ako sa isang sulok at pilit na hinahanap ang taong nagmamay-ari ng boses na iyon pero kahit anong gawin ko'y hindi ko magawa.

"Sino ka ba para diktahan ako?", malakas na loob kong sumbat.

Bahagya pa akong napatawa para lang mapagtanto na ako ang may hawak sa mga bagay na ako lang ang kayang magdesisyon.

Ang mga tinig niya ay puno ng otoridad pero hindi ako nagpatalo. Aanhin ko ang boses na iyon kung hindi ko naman makita ang pinanggagalingan nito?

"Kahit hindi mo gusto, gagawa ako ng paraan para gustuhin mo", payak na pagkakasabi nito.

"Anong ibig mong sabihin?", naguguluhang tanong ko sa kanya. Mas lalo ko pang pinagbuti ang paghahanap para masilayan siya.

"Sino ka ba? Bakit hindi kita makita?", naiirita ko pang dagdag.

Ang mga tinig niya ay malapit lang sa akin pero kahit anong linaw at lakas nito, bakit hindi ko pa rin siya makita? Nasa malapitan lang siya pero bakit hindi ko siya mahanap?

"Ako ang tumutupad sa mga kahilingan at kailanman ay hindi mo ako makikita. Madalas mo akong makausap sa pamamagitan ng hiram na katawan. Una, kay Soleng at pangalawa sa isang matanda", makapanindig balahibo ang naging bulong niya sa tenga ko.

Malamig na hangin ang naramdaman kong dumampi sa leeg na naging dahilan para ito'y aking lingunin upang mapagtanto na wala namang tao.

"Dalawang babae ang umibig sa iisang lalaki ngunit parehong nasawi", dahil sa binitawan niyang salita, nakaramdam ako ng isang pwersa na nagtulak sa akin papalayo sa madilim na silid.

"Kailangan mong alamin ang lahat at pigilan ang mga nakatakdang mangyari"

Habang dinadala ako ng hangin papalayo sa lugar na iyon ay ang siya ding paulit-ulit na pag-ikot ng mga katagang binitawan niya sa isip ko.

Dalawang babae ang umibig sa iisang lalaki ngunit parehong nasawi...

***

Pagdampi ng isang bagay ang nagpagising sa natutulog kong diwa. Dito ko napagtanto na hanggang sa panaginip pala ay magagawa niya pa rin akong paalalahanan.

Alam ko na kahit ilang araw man ang lumipas, mananatili nang sariwa sa isipan ko ang mga bagay na sinabi niya.

Wala man siyang binanggit na kahit anong pangalan pero batid ko na kung sino sila...

Florence Elle Coralle and Cassidy Vianne Blair--mga pangalan na ilang araw ding gumugulo sa utak ko.

Iminulat ko ang mga mata at nabungaran ang kisame ng kama na gawa sa kahoy.

Muli kong naramdaman ang paggalaw ng bagay na dumadampi sa aking mukha. Hindi ko ito nilingon at sa halip ay itinuon ang pansin sa siwang ng liwanag na nagmumula sa labas.

Martyr 0f 1861Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon