HINDI ko alam kung bakit parang hindi ako mapakali habang bumabalik sa isip ko ang itsura ni Raeken habang nakangisi siya sa akin kanina. Para akong kinikilabutan kasi alam kong may nais siyang ipakahulugan sa ngiti niyang iyon.
Oo. Gwapo siya, pero creepy pa rin sa paningin ko.
Bukod pa doon, hindi ko rin maintindihan kung iisa lang ba o magkaibang tao ang nakasalubong ko noong enrolment at si Raeken. Magkamukhang-magkamukha sila pero magkaiba ang awra at personalidad na nakikita at nararamdaman ko mula sa kanila.
Para silang magkaibang tao pero parang hindi rin. Ang gulo. Nakakainis!
Napakamot na lamang ako at itinuon ang atensyon ko sa pagtanaw sa labas ng room namin. Naupo kasi ako sa bandang likod, sa tabi ng bintana, dahil doon ako pinakakomportable. Isinuot ko ang earphones sa loob ng tenga ko at nakinig na lamang ng musika habang hindi pa dumadating ang professor namin para sa unang subject.
Presko ang hangin na nalalanghap ko sa kinauupuan ko, kaya napakakalmado ng pakiramdam ko habang nakatanaw ako sa malayo.
Pero nasira ang lahat nang iyon nang bigla na lamang magtakbuhan pabalik sa mga upuan nila ang mga kaklase ko. Para silang mga langgam na biglang binuhusan ng tubig dahil sa sobrang pagmamadali.
Siguro dumating na yung prof kaya sila nagkakaganyan. Napakibit-balikat na lamang ako at tinanggal ang earphones mula sa tenga ko at inayos ang pagkakaupo ko para nakatingin ako sa harap ng klase.
Pero laking gulat ko nang makita ko ang isang pamilyar na lalaki sa loob ng klase namin. Pamilyar, dahil nakita ko na siya kanina lang.
Nakatayo sa pintuan si Raeken habang pinagmamasdan kaming lahat. Naroon pa rin ang angas, pero ramdam ko ang malalamig na mga matang nakita ko sa lalaking nabangga ko noong enrolment.
Mas lalo tuloy akong nalilito. Sa bawat pagkakataong nakikita ko siya ay ibang pagkatao ang pinapakita niya. Well, ganun ang case kung sakaling siya nga talaga yung nakasalubong ko noong enrolment.
Kahit pa alam niyang pinag-uusapan na siya ng lahat ay kalmado siyang pumasok sa loob ng room na para bang wala siyang narinig. Tapos ay naglakad siya papunta sa mga upuan namin. Akala ko ay mauupo siya sa harap, pero dumiretso lang siya hanggang sa likod, malapit sa kinauupuan ko.
Agad akong umiwas ng tingin sa direksyon niya habang ramdam ko ang matinding pagdagundong ng puso ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, pero parang may sarili akong beatbox sa loob ng dibdib ko. Gusto kong iuntog ang sarili ko sa pader habang unti-unti kong napagtatanto na kinakabahan ako dahil sa presensya ni Raeken.
Maya-maya ay tumigil siya sa tabi ng bakanteng upuan na katabi ng inuupuan ko. Mas lalo akong napraning. Paano na lang kung diyan siya maupo?
Alam kong para akong timang ngayon dahil sa nararamdaman kong kapraningan. Pero hindi ko talaga mapigilan lalo na't kakaiba ang ipinapakitang pag-uugali ni Raeken.
"Excuse me..."
Ang baritonong boses na iyon...
Narinig ko na iyon. Iyon rin ang boses ng lalaking nakabangga ko noong enrolment. So posible ngang si Raeken iyon. O baka kapatid niya? Ah, ewan.
Para akong may stiff neck habang hinaharap ko ang mukha ko kay Raeken. "B-bakit?"
"May nakaupo na ba diyan sa likod mo?" tanong niya sa akin.
"W-wala... Wala pa."
Raeken nodded, before flashing a smile. "Thank you." Tapos ay dumiretso na siya sa upuan sa likod ko at doon naupo.
![](https://img.wattpad.com/cover/164656480-288-k203793.jpg)
BINABASA MO ANG
Touching You, Touching Me [✔]
Teen FictionIpinanganak si Wendy na may mirror-touch synesthesia. Ibig sabihin, lahat ng nakikita niyang nararamdaman ng ibang tao ay mararamdaman din niya. Makikilala niya si Raeken, isang mayaman, masungit at aroganteng lalaki na pilit tinatago sa kanyang pan...