CHAPTER ONE

7.8K 386 146
                                        

PARA akong naupos na kandila pag-uwi ko ng bahay pagkatapos kong mag-enroll. Dumiretso ako agad sa kwarto at nahiga sa kama, bago tumunganga at tumitig sa kisame. Maliban kasi sa sobrang stressful ang proseso ng enrolment ko dahil sa pagiging irregular student ko, naging problema ko rin ang pakikisalamuha ko sa ibang mga estudyante doon.

Lahat ata ng mga nararamdamang pagod at sakit ng katawan ng mga taong nadaanan ng paningin ko ay naramdaman rin ng katawan ko. Pakiramdam ko tuloy ay para akong binugbog ng napakaraming tao.
Sabihin na nating regalo ang magkaroon ka ng malakas na empathy. Pero kapag sobra naman, nagiging sumpa na. Magandang pag-uugali yung marunong kang makiramdam, pero OA na itong sa akin eh.

Mirror-touch synaesthesia. Iyan ang tawag sa kondisyong meron ako.
Nabasa ko sa isang research sa internet na 1.6% lang daw ng mga tao sa mundo ang nagkakaroon ng kondisyon na ito. Out of 7 billion, merong mahigit sandaang milyon na merong ganito.

At kasali ako doon. Nakakaasar, hindi ba? Sa dinami-dami ng tao, nakasali pa ako. Feeling ko may kasalanan ako sa past life ko kaya nagkaroon ako ng MTS eh. Bwisit.

Siguro sa tingin ng iba cool ang kondisyon na ito. In a way, oo, cool rin. Imagine, nararamdaman mo yung nararamdaman ng ibang tao. Parang superhero, hindi ba?

Pero sa totoong buhay, ang mga taong katulad ko ay hindi nagiging superhero. Imbes na mabilib, pinangingilagan pa ako dahil daw weird ako. Ganoon naman kasi ang tao. Kapag hindi nila alam o bago sa paningin nila, imbes na intindihin ay iniiwasan na lang.

Pero ako, ayoko nang pilitin na matanggap at maintindihan ako ng ibang tao. Wala naman akong magagawa eh. Kung wala akong kaibigan, eh 'di fine. Hinahanda ko na rin naman ang sarili ko na mamuhay nang mag-isa. Syempre naman, kasi kung hindi ko nga magawang magkaroon ng kaibigan, boyfriend pa kaya?

Solong anak naman ako, kaya medyo confident ako na kaya kong mamuhay nang mag-isa. Pinalaki akong independent ng parents ko, kaya hindi ako magiging nganga kapag tumanda ako.

Simple lang naman ako, pati na rin ang pamilyang pinanggalingan ko. Principal sa isang public high school ang tatay ko, habang ang nanay ko naman ay isa ring teacher sa elementary.

Magkatuwang sila para makapagtapos ako ng pag-aaral, kaya ginagawa ko rin ang parte ko. Nag-aaral ako nang mabuti para makapagtapos ng kolehiyo at makapag-aral ng medisina. Gusto ko kasing maging paediatrician balang araw.
Noong una kasi ay Pharmacy ang kinukuha kong kurso, pero hindi ko makasundo ang mga naging kaklase ko doon. Lagi kasi nila akong pinag-iinitan dahil raw napakatahimik ko at hindi namamansin. Dahil doon kaya nag-shift ako ng Biology para hindi ko na kailangan pang makisalamuha sa kanila araw-araw. Hindi man ako masyadong pinapansin ng mga kaklase ko doon, at least hindi naman nila ako binubully.

Napahinga ako nang malalim bago bumangon mula sa pagkakahiga. Napatingin ako sa orasan. Alas siyete na pala ng gabi.

Kapag nakikita ko ang 7 kahit saan, ang naaaninag ko ay isang matangkad at masungit na lalaki na matalim kung tumitig.

Pero ngayon, ang lalaking nakasalamuha ko kanina ang naaalala ko habang nakatingin ako sa numerong iyon.

"Ano kaya ang problema ng lalaking iyon?" tanong ko sa sarili habang nakatitig pa rin sa numero sa orasan.

Sa unang tingin, parang tipikal lang siyang gwapong lalaki na nuknukan ng suplado at saksakan ng tahimik. Sa tantiya ko ay mga 6'2 ang height niya, at maganda ang tindig niya kaya medyo intimidating. Natatakpan ng maitim at bagsak niyang buhok ang mga mata niya na parang laging malamlam at malamig pagmasdan. Maputla ang manipis niyang labi, at sobrang masculine ng facial features niya. Sobrang puti niya rin, at sigurado akong papasa siya bilang bampira.

Touching You, Touching Me [✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon