CHAPTER EIGHT

3.8K 251 21
                                    

HINDI ako makatulog. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari sa ospital kanina. Ramdam ko ang pagod sa katawan ko, pero hindi ko alam kung bakit hindi ako magawang dalawin ng antok.

Natakot kasi talaga ako kanina. Natatandaan ko pa ang pakiramdam nung matanda habang nag-aagaw buhay siya, hanggang sa tuluyan na siyang namatay. Akala ko talaga mamamatay na ako noong mga oras na iyon. Hanggang ngayon nga ay medyo kumikirot pa ang dibdib ko kapag naiiisip ko ang nangyari kanina.

Mabuti na lang talaga ay hindi ako masyadong inusisa ng mga magulang ko kung bakit medyo ginabi ako ng uwi. Napansin din ni mama na parang masama ang pakiramdam ko, pero nagdahilan na lamang ako na napagod lang ako sa school. Medyo pinagdudahan pa niya ako, pero in the end, hinayaan niya na rin akong magpahinga na lang.

Habang nakatitig ako sa kisame ng kwarto ko ay hindi ko mapigilang mapaisip. Hindi pa rin ako makapaniwala na gagawin iyon ni Raeken. Akala ko kasi ay hahayaan niya na lang ang kaweirduhan kong iyon. Pero hindi. Gumawa pa talaga siya ng paraan para alamin kung bakit at paano ko nalaman na merong masakit sa katawan niya.

Naiinis ako sa ginawa niya, oo. Pero ramdam kong sincere naman siya noong sinabi niyang hindi niya naman sinasadya na mapahamak ako nang ganoon.

Pero kahit na. Dahil pa rin sa kanya kaya halos mag-agaw buhay na ako habang nakikita ko yung matanda na inaatake sa puso kanina. Kung hindi niya ako dinala doon ay hindi naman mangyayari ito.

Dapat talaga ay lumayo na ako sa kanya. Ilang beses pa ba akong dapat mapahamak bago ako magtanda? Seryoso ako noong sinabi kong hindi ko na kailangan ang scholarship na iyon. Hindi bale na, ano. Magwoworking student na lang ako para matustusan ang pag-aaral ko ng medisina pagkatapos ko grumaduate ng college. Isaksak niya na lang iyon sa baga niyang bwisit siya.

Pero paano ko ba siya haharapin bukas? Paano ko siya iiwasan kung halos sa lahat ng klase ko ay kasama ko siya? Magkatabi pa kami sa upuan.
Napahinga na lamang ako nang malalim at ipinatong ang isang unan sa ulo ko para matakpan ang mukha ko.

Bahala na nga.




PAGPASOK ko kinabukasan, nauna na palang dumating si Raeken sa klase kaya naupo na siya sa upuan niya. Dapat pala pumasok ako nang mas maaga. Ang awkward tuloy maupo sa upuan ko dahil siya nga ang katabi ko.
Habang nakatayo ako sa pintuan ng room namin ay nagmamadali na akong mag-isip kung paano ako mauupo sa tabi niya. Ayoko talaga siyang makatabi dahil ayoko siyang bigyan ng dahilan na kausapin ako.

Hah... Bahala na nga. Kapag kinausap niya ako, hindi ko na lang siya papansinin.

Pero bago pa man ako makalapit sa upuan kong iyon sa tabi ni Raeken ay may isa kaming kaklaseng babae na naupo sa tabi niya at nakipagkwentuhan – si Jasmine.

Mukha itong may gusto kay Raeken, at panay pa ang pa-cute habang nakikipag-usap.

Napailing na lamang ako habang binibigyan ko sila ng isang malamig na titig. At dito pa talaga sa loob ng klase napili ng babaeng 'to na makipag-harutan kay Raeken. Ito namang si mokong, mukhang nag-eenjoy naman sa attention na nakukuha niya.

Pero sige. Kung nag-eenjoy silang mag-usap, hindi na ako mang-iistorbo.
Dumiretso ako sa upuan ni Jasmine, kinuha ang bag niya, at dinala iyon sa kanya.

"Diyan ka na lang maupo. Para naman hindi maputol ang kwentuhan ninyong dalawa," sabi ko habang inaabot ang bag kay Jasmine.

Napatingin sa akin si Raeken, at kitang-kita ko ang gulat at pagkalito sa mukha niya. Kalmado lang ako noong mga oras na iyon, kaya siguro nagtataka siya kung para saan ang ginagawa ko.

"Sigurado ka ba?" tanong sa akin ni Jasmine na parang hindi pa makapaniwala na talagang nagsalita ako.

"Oo. Doon na lang ako sa upuan mo. Okay lang ba?"

Touching You, Touching Me [✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon