Sa muling pagsilang ng araw, dumating na naman ang panibagong hamong tatakdain. Muli na namang aalamin ang hugis ng daang lalakbayin, makikipagsapalaran sa ngayon na may bitbit na paglilinang ng kahapon at pagnanais ng bukas na pag ahon. Ngunit sandali lang. Pakiusap huminto ka, bago mo ihakbang ang mga paa mo at makipag laro sa mundo nais ko munang hiramin ang oras mo. Kaya kaibigan sandali lang. Ako sanay pagbigyan, sapagkat marami akong nais matuklasan. Sisimulan ko sa tanong na Mahalaga pa ba ako sayo? Tinatanaw mo pa ba ang larawang nagpapakita ng ating pagkakonektado? O baka naman di mo masagot ito dahil di mo na alam ang aking pagkasino? Oo nga kaibangan, Inaalala mo pa ba ako? kilala mo pa ba ako? Ano mang sagot ang iuusal moy hayaan mong ipaalala ko sayo. Kung paanong binuo ng parehong ikaw at ako ang relasyong unti unti nang nagigiba ng panahong bumabalot sa mundo, at kung paanong ang pagsamo kong wag mong hayaan ito'y di na alintana ng pandinig mo. Sisimulan natin sa petsa kung saan binalot ng sigaw ang araw ng pagsilang sayo, sa iyak ng sanggol na sa wakas ay haharap na sa mundo. Doon, doon nagsimula ang tayo. Tandang tanda ko pa kung paanong naghirap sila nang matulungan ka lamang na akoy makamtan, ginawa ang lahat ng paraan upang akoy iyong mahagkan at nang sandaling magtagumpay ay tila kakaibang galak ang nabuhay. Sa wakas ay nag isa. Ikaw at ako ngayon ay konektado na. Sa paglipas ng panahon, sa bawat hakbang at desisyon ako ang sandigan mo't baon. Tumibay at tumibay, sapagkat ako'y naging parte ng pagkatao mo't ganoon din ikaw sa pagiging ako. Sa bawat pagputok ng liwanag sa araw at paglago ng bawat punong pinaglilipasan ng kalendaryo, lumaki kang may kaalaman at pagkatuto. At ako, ako na iyong instrumentoy unti unti nang naglalaho. Nakilala ang iba't iba't ang uri at nadagdagan ng bago, sa iyong pagharap sa ebulusyon ng mundo kaibigan wag mong kalimutang parte parin ako ng iyong pagkasino!. Kaibigan husto na ang pagtataksil na ito! Sumisikip at sumisikip. Pilit kumakawala ngunit totoo nga. Nadudurog at nadudurog ako sa unti unti mong paglago, hindi ako makahinga kaibigan tulungan mo ako! Nasasakal ako sa katotohanang iba na ang mahal mo. Tilay isang tanikala ang pilit gumagapos sa aking diwa't ihinaharap sa yo upang makita kong paanong unti unti kang nahuhumaling sa dayuhang dugo, kaibigan tumigil ka na sapagkat hindi ko na kayang makitang bumibitaw ka sa sariling iyo, binubulag ng modernong mundo. Kaibigan nakikiusap ako, bumalik ka na sa piling ko. Sapagkat ang pagiging inutil mo sa kakayahang mahalin ako'y magiging dahil ng iyong langsa at mabahong pagkatao. Kaibigan magbago man ang mundo, pero hindi maaari ang tayo. Sapagkat paulit ulit kong ipapaalala sayo na anong linggwahi man ang makakasagupa mo, ako, ang wikang Filipino dapat ang iyong sentro. Sapagkat ang relasyong meron tayo ay hindi lamang dahil sa kailangan mo ako dahil kaibigan, ako, ako ay parte ng dugong nananalaytay sayo. Ako ang simbulo ng iyong pagkatao. Ako ang sagisag ng kulturang kinalakihan mo. At ako, ang wikang Filipino, ang tanda ng tapang at talinong nakapagpaahon sa kapwa sambayanan mo. Kaya kaibigan, ngayon ay maaari ka nang humakbang. Humayo ka't tuklasin ang mga sekretong ibinubulong ng mundo. Sisirin mo ang kaibuturan ng kalawakan. Ngunit sana sa pagkakataong ito, tayo na ay muling konektado. Sapagkat ako, ang WIKANG FILIPINO, ang magiging sandata mo sa pananaliksik sa bungad ng kinabukasang naghihintay sayo.
YOU ARE READING
Cruissir de Literas
Poetrypoems of unfixed English and Filipino POEMS•SPOKEN WORD POETRY•PROSE #PHTimes2019