Maliwanag ang langit noong Miyerkules na iyon; walang mga ulap ngunit malamig ang simoy ng hangin habang ako ay nakaupo sa ilalim ng bisig ng isang puno. Ang aking mga kamay ay nangangati na sa maaaring isulat na kuwento, ilang buwan na rin akong walang naisusulat. Naging mapagmasid ako sa paligid para sa mga inspirasyon sa pagsusulat; ang eroplanong humahalik sa kalawakan, ang ibong sumusubok pa lamang gamitin ang pakpak, ang hanging tinutulungan ang mga punong ipinta ang langit. Hindi ko alam kung anong isusulat ko hanggang sa nakita ko siya.
Si Anci, ang hinahangaan kong babae. Napadaan siya malapit sa akin, ngunit ako lamang ang nakatingin sa kanya. Ang kanyang mala-porselanang balat na siyang pumares sa kanyang mahabang itim na buhok. Ang mga mata niya na pawang mga bituin sa langit. Lapitan ko kaya siya? Subukan ko kayang makipag-usap sa kanya? Baka sakaling matulungan niya akong magsulat ng k'wento? Marahil ay magustuhan niya ang k'wento.
"Kumapit kang mabuti! Abutin mo ang kamay ko!" sigaw ko sa kanya labingtatlong taon na ang nakalipas. Inabot niya ang kamay ko at hinatak ko siya pataas. Ang aking sampung taong gulang na katawan ay nahirapan buhatin siya pataas, palayo sa peligro ng bangin. Sa hindi ko malaman na paraan, nagawa ko pa ring siyang iligtas. Hinihingal kaming humiga sa alas quatrong liwanag at damong papag.
"'Wag mo... 'wag mo nang uulitin 'to ah? Paano kung wala ako nu'n dito, Anci? Baka patay ka na ngayon?" pag-aalala ko sa kanya. Buti na lamang ay napadaan ako bago pa siya mahulog. Tahimik pa rin si Anci sa nangyari. Marahil ay ramdam pa rin niya ang takot. Nanginginig pa rin ang kanyang kamay. Tatanungin ko sana kung okay na siya nang yakapin niya ako. Hagulgol ang sagot niya sa akin, kasama ng paulit-ulit niyang pagsasabi ng salamat at patawad. Salamat sa pagliligtas, patawad sa pag-aalala. Niyakap ko rin siya pabalik.
Isang umaga, ilang taon matapos ang insidente, naging magkaibigan kami ni Anci. Madalas kami na maglaro, mag-aral nang sabay at mag-usap lang sa ilalim ng bisig ng isang puno. Napag-usapan na yata namin ang lahat: Ang mga kantang gusto namin, ang mga pangarap namin, maski na ang gusto at ayaw naming mga aralin. Ngunit pagdating sa usapang pag-ibig ay pareho kaming natatahimik. Natatawa. Tila ayaw naming magkuwento ng tungkol dito.
Sino ba naman ang magsasabi ng tunay na nararamdaman niya?
Ako, ang lalaki, ang siyang biglang tumibok ang puso matapos ang ilang taong pagkakakilala sa kanya?
O siya, ang babae, na marahil ang turing sa akin ay isang kapatid o matalik na kaibigan?
Ilang araw ang lumipas, inamin niya ang kaniyang paglipad patungong Amerika kasama ang kanyang pamilya. Lungkot ang bumalot sa aking puso. Iiwan na niya ako. Sinasabi ko na nga ba't hindi siya permanente; na dumating lamang siya upang lumisan. Niyakap ko siya nang mahigpit. Hindi na kailangan ng mga salita. Marahil ay alam na niya ang ibig sabihin ng aking mga luha. Kahit na magtunog pang- kapatid ito o pang-iniirog, iisa pa rin ang mga salita: Mahal Kita, Huwag Mo Akong Iwanan.
Siguro nga ay may mga bagay na nandyan lamang para pakiligin ka. May mga bagay na darating sa buhay mo, ngunit hindi para itadhana sa iyo.
Lumuluha, ngunit nakangiti, kong pinagmasdan ang eroplanong ikaw ang tanan: pinagmasdan ko kung paano nagpinta ng linya ang eroplano sa langit na noo'y pawang asul lamang. Bago ka umalis, ipinangako mo sa aking babalik ka. Kasabay nito ang pagbibigay ko sa iyo ng aking puso at ang pangako ng walang hanggan.
At ngayon, narito ka sa harapan ko. Pawang isang ibong marikit na umiindayog sa mga ulap. Hawak mo pa rin ang aking puso. Nilapitan mo ako at niyakap. Sabi mo ay na-miss mo ako. Niyakap kita at sinabi ko na ang mga katagang hindi ko masabi dahil sa takot labing-isang taon na ang nakalipas: Mahal Kita.
Napakagandang kuwento, ano?
Tama. Sadyang napakaganda nga.
Pinagmasdan lamang ng tutubing namamahinga sa ilalim ng damo ang bulaklak na unti-unting nilapitan ng paruparo.
BINABASA MO ANG
Museo Ng Manunulat
PoetryAlam mo na ba ang patakaran sa loob ng museo? Hindi? Bago ka lang sa Museo ng Manunulat? Ah. Ganun ba? Sige, makinig kang mabuti. Maligayang pagpasok sa Museo ng Manunulat. Mag-log-in na lang sa desk sa harap (Pumasok ka sa buhay niya. Nagpakil...