Mahal na, Araw: Ang huling hapunan

15 1 0
                                    


Maggagabi na, ngunit wala pa rin si Mario sa bahay. Saan naman kaya nagsisingit-singit ang lalaking ‘yon? Siya ang nagbubuhat ng pamilyang ‘to, dapat lang na makauwi siya kaagad, kun’di ay wala kaming makakain ngayong gabi. Kahit si Nene at Junjun, na pinagbenta ko ng bote’t lata na nakolekta namin sa basurahan upang ibenta sa Junk Shop, hindi pa rin nakakauwi. Bakit naman kasi itong si Rene na dapat gumagawa sa ginagawa nina Nene ay nando’n sa bahay ng kanyang kaklase’t nagpapaturo daw ng aralin. Eh! Wala naman kaming makakain sa pagsusulat niyang ‘yon, kung tumutulong na lang siya rito, ‘no. Kaya lang, mapilit talaga ‘tong si Mario. Hay, na sa’n na ba ‘yon?

“Nay! Tapos na ako pupu!” maligayang sambit ni Juan; turo-turo pa niya ang kanyang puwit habang naglalakad patungo sa akin. Kinarga ko siya kahit na basa pa ang kanyang likuran, na siya namang kinaligaya ng bata. Kay bata-bata pa ni Juan ay masiyahang tao na. Di tumulad sa batang ‘to si Hudas, na wala nang ginawa kung ‘di umutang do’n sa kapitbahay. Kung bakit ba naman kasi naisipan ni Mario na magkaroon ng maraming anak tap os ay hindi man lang makauwi ng maaga para sa uwian.

“Nabigay na po namin ‘yong mga lata sa junk shop, pero hindi po kasya para sa bigas” hapong sagot ni Nene. Nasa likod naman niya si Junjun na sa murand edad ay bakas na ang hirap ng buhay sa kanyang mukha. Napabuntong-hininga na lamang ako at tiningnan ang kamay ni Nene na hawak-hawak ang bente-singko pesos na barya.

“O, siya sige. Maupo na kayo sa hapag para makakain na tayo. Ako na’ng bahala sa kakainin natin.”  Inabot ni Nene sa akin ang barya. “Siya nga pala, tawagin mo na ‘yong kapatid sa tindahan ni Magda!” Utos ko bago ako umalis.

Ano kayang mabibili ko sa bente-singko? Sarado na yata ang karinderya ni Lucing dahil namatayan raw ito. Kawawang Lucing, ka-edad ko lamang ito at maganda, ngunit kasama ko siyang lumaki sa hirap na lugar na ito. Namatayan ng asawa, ngayon nama’y ang ina niya ang namatay. Bakit ba patay ang nasa isip ko. Gutom lang siguro, hay, bahala na kung anong meron. Si Mario kasi, hindi pa umuuwi. Kung narito lang siya, eh. E ‘di mas masarap ang makakain namin pamilya.

Malapit nang magsara ang tindahan nang makarating ako. Dali-dali akong naglakad upang makahabol sa kung ano mang pwede pang bilhin. Hindi ko mabili kahit isang latang sardinas: tanging apat na isda lang naman ang laman no’n, ibig sabihin ay apat na tao lang ang mabubusog, o makakakain.

“Oo, yan lang ang bibilhin ko.” sabi ko sa tindera. “Ba’t naman yan lang? Wala pa ba ang asawa mo?” tanong nito sa akin. Napapikit na lang ako. Malapit na maghapunan ngunit wala pa rin siya. “Ay, ewan. Baka nag-overtime. Alam mo naman ang construction, baka may pinagawa pa ang amo.” sagot ko. Namuo ang sandaling katahimikan sa aming dalawa. Tinitingnan niya lamang ako habang ako naman ay hindi mawari kung may sasabihin pa siya o wala na.

“Alam mo, hindi ko gustong manira ng pamilya, pero…”

“Ay, susko! Anong oras na. Kailangan ko nang umuwi.” Dali-dali kong kinuha ang mga pinamili ko at naglakad palayo. Hindi naman totoo ‘yong mga chismis nila. May mga panahon lang talagang ginagabi siya umuwi. Gaya no’ng isang linggo, pagod at hapong-hapo si Mario nang makauwi siya mula sa overtime sa construction. Sabi niya, may bumagsak daw na parte ng itinatayo na bahay. Kagaya noon, ganito lang din ngayon. Gagabihin lang siya ng uwi. Overtime lang.

Habang nasa daan ay nakakita ako ng mga taong galing sa pagsamba. Magarbo ang kanilang mga pananamit na para bang linggo-linggo silang may party sa loob ng simbahan. Samantalang ako, ganito lang ang kaya kong damit: tatlong saya na tinakas ko sa aking nanay nang itanan ako ni Mario. Hinayaan ko na lang na tingnan ako ng mga sumamba, ngunit hindi ko gusto ang mga tingin nila na para bang nanghuhusga, na para bang sila ang Diyos na humuhusga sa mga nangamatay at nabubuhay. Sila, ang nabubuhay, at ako, ang nangamatay.

Pagkauwi ko ay nakita ko si Rene. Pakiwari ko’y kakauwi lang din niya; may pagkagusot pa ang kanyang damit at medyo magulo ang buhok. Siguro’y tumakbo pauwi para lang makasabay sa amin maghapunan. Tiningnan ko ang buong bahay: isang blokeng semento na pinatungan ng mga yerong ang iba’y nakuha sa basurahan, ang aming sala ay siya ring hapag kapag simula nang kumain. Kumpleto na rin ang aking mga anak, ngunit wala pa rin si Mario.

Tiningnan ako ni Juan at ngumiti. Naglakad ang bata patungo sa akin, nagpapakarga. Nang kargahin ko si Juan ay umayos na ang lahat ng mga anak ko sa sahig at tinginan ako, nakikiramdam kung ano ang nabili ng bente-singko ko na ipapakain sa kanila. Ibinaba ko lamang  ang tinapay na magbibigay buhay sa amin ngayong gabi. Isa-isa silang kumuha ng kani-kanilang hati at kumain. Tahimik ang lahat, tanging pag-nguya lang ni Nene ang naririnig ng buong bahay.

“Bakit naman ito lang?!” binagsag ng lasing na si Hudas ang katahimikan. Tumayo ito, paggewang-gewang pa, tapos ay tinuro ako. “Baket naman ito lang?! Tinatanong kita, ah? Wala bang pagkaen?” dugtong nito. “Pasensya na, pero di pa nakakauwi si Mario, at ito lang ang kinaya namin mula sa pagbebenta…”

Tumawa ng malakas si Hudas. Tawang parang nasaniban ng demonyo ng pulang kabayong limang beses niyang kinain nang buo. Napuno ng tawa ang buong bahay. “Totoo nga, gago talaga ‘yong Mario mo!” sigaw nito. Napuno ako ng galit, “Anong sinabi mo…” Bigla nito akong pinigil. “Baket? Hindi ba totoo? Na nilalaspag ni Mariong pinakamamahal mo ‘yong Lucing don sa kanto? ‘di mo alam? Gago!” Napabulong si Rene ng, “Kuya, tama na.” ngunit hindi ko na alam ang iba pang sinabi niya sapagkat ang aking pandinig ay napipintig sa sinasabi ng aking anak.

“Wala ka talagang kaide-ideya, ano? Kaya pikit-mata mong minamahal ‘yang Mario mo? Gago ka talaga, kahit kailan. Puta ka! Hindi mo alam, parating nakina Lucing si Mario mo! Anong ginagawa? Ayon! Kinakalantiri ni Lucing si Mario. Nakita ko nga nang minsang nagsara si Lucing dahil daw walang pambukas. Anong nakita ko? Si Mario, your loves, na kinakain si Lucing! Puta naman ‘tong si Lucing, kung maka-halinghing, sarap na sarap ang puta! Tangina, buti pa si Mario, nabuso…”

Nasara ang kaniyang bibig nang mabilis na dumampi ang aking palad sa kanyang pisngi. Nawala ang ingay sa paligid. Nakatingin lamang ang aking mga anak sa aming dalawa. Walang gustong umimik. Walang may kayang mamagitan. Kumbaga, ilang libong anghel ang naglakad sa loob ng aming bahay. Maski ako ay umiiyak na rin, hindi pa rin naniniwala sa mga chismis, hindi naniniwala sa sinasabi ng aking anak. Tumingin lang si Hudas sa akin sabay umalis. Sinara niya ang pinto pag-alis.

Hindi yata umalis ang mga anghel sa pag-alis ni Hudas, bagkus ay nagpatuloy ang mga anak ko sa pagkain. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hahayaan ko na lang ba ‘to? Ganito na lang ba kami kahit kailan? Maghihirap na lang ba kami?

Binasag ni Juan ang katahimikan.

“Nay, nasa’n si Ama?”

Museo Ng ManunulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon