MFS 3

149 30 21
                                    

Inikot ko ang paningin ko at nakita ang kapatid kong si Agnes. Ihinahanda niya ang kakainin ko. May mga prutas na nakalagay sa may mesa at bote ng tubig at mga gamot. Nasa ospital pa rin pala ako. Hindi nakapagtataka. Ramdam ko pa rin ang sakit sa aking ulo kahit na nakabenda na ito. Inalis na rin kanina ng mga nurse ang heart rate monitor nung nagising ako. Stable na daw ang kalagayan ko at kailangan na lang magpahinga ng ilang araw pa.

"Kuya, umupo ka na para makakain ka na," lumapit sa akin si Agnes para ipatong sa bed table ang tray ng pagkain. Umupo naman ako at handang handa nang kumain. Nagugutom na rin ako dahil masyado mahaba ang limang araw na wala akong malay. Inabot ko ang kutsara at humigop ng sabaw. Hmm, napakasarap talaga ng luto ni Agnes.

Nakaupo lang si Agnes sa sofa habang pinapanood akong kumain. "Kuya, gusto mo ba ng mansanas? Ipagbabalat kita." Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at pumunta sa table kung nasaan ang mga prutas.

Napansin kong simula nung nagising ako hindi pumipirmi si Agnes sa kanyang kinauupuan kaya naman hindi pa kami nakakapag-usap ng matagal. Lagi siya may ginagawa. Hindi ko alam kung sinasadya niya lang talagang wag akong kausapin. Ano kayang problema nito? Sa kakaisip ng mga bagay na ito, di ko namalayang naubos ko na pala ang ihinaing pagkain ni Agnes sa akin.

"Agnes, salamat sa masarap na pagkain," ngumiti ako sa kanya kahit na nakatalikod siya sa akin at abala sa pagbabalat ng mansanas.

"Walang anuman. Magpalakas ka na kuya para makalabas ka na," humarap siya at dala-dala ang platitong may sliced apples. Kinuha niya ang tray at inilapag ang platito sa bed table.

"Agnes," hindi niya yata talaga balak maupo kahit isang oras lang. "....hindi mo kailangang magpakapagod sa pag-aasikaso sa akin. Halika at maupo ka rito."

Hindi siya sumagot. Lagi siyang nakatalikod sa akin tuwing gising ako. Ano kaya itinatago nito sa akin?

"Ah, kuya, naalala ko nga pala ipinapatawag ako ng doktor mo. Pupuntahan ko muna siya ah?" at umalis kaagad ang kapatid kong yun. May nagawa ba akong mali? Isa-isa kong kinain ang sliced apples at ilang saglit pa'y bumukas ang pintuan ng kwarto. Isang nurse ang pumasok na may dala-dalang pangBP, medical file folder at ballpen.

"Hello, Mr. William. Ichecheck ko lang po ang blood pressure ninyo ah," ang bati sa akin ng nurse na pumasok. Tumango lang ako habang kumakain ng apple.

Inilagay niya ang blood pressure cuff sa braso ko at isinabit ang gauge. Nilagay niya ang stethoscope sa kanyang tenga at sinimulang pisilin ang valve. Ilang saglit ay natapos na siya sa pagkuha ng BP ko. Bigla naman akong may naalala.

"Nurse, di ba may kasama ako?"

"Opo, isang babae po," ang sagot ng nurse na inaayos ang BP kit niya.

"Nasaan na siya?"

"Po? Nakasalubong ko siya lumabas dito sa kwarto niyo at pumunta kay dok," parang naguguluhan yung nurse sa tanong ko.

"Ah. Hindi si Agnes ang tinatanong ko. Yung babaeng kasama ko nung naaksidente ako, nasaan na siya? Wala kasi akong makausap ng matino para kasing iniiwasan ako ng kapatid ko," diretso ang tingin ko sa nurse na umaasang may isasagot siya sa akin. Limang araw na ang lumipas simula ng magising ako at hindi ko makausap ng maayos si Agnes dahil iwas siya ng iwas sa akin.

Parang nag-alangan sumagot yung nurse sa tanong ko. Nagkaroon muna ng katahimikan sa buong kwarto. 

"Nurse? Bakit?" ang tanong ko. Kinakabahan ako sa hindi niya pagsagot.

"Sir, hindi pa po ba sinasabi ng kapatid ninyo sa iyo?" mahina ang pagkakasabi ng nurse sa akin kaya lalo akong kinabahan.

"Sabihin ang alin?"

"Sir, patay na po ang kasama ninyong babae nung araw na iyon."

Nung marinig ko ang mga salitang iyon parang biglang nilamig ang buo kong katawan. Napatitig ako sa mga mata nung nurse na kaharap ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon ko pero para akong nanigas sa aking posisyon. Pakiramdam ko nabingi ako sa kanyang sinabi. Kahit ang aking mga kamay ay hindi makagalaw. Niloloko siguro ako ng nurse na ito.

"Sir? Okay ka lang ba?"

Bigla akong ngumiti sa kanya. At nakita kong nagulat siya sa na para bang hindi niya inaasahan ang reaksyon ko.

"Sir?"

"Nurse, girlfriend ko yun. Papatawarin kita ngayon pero sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang biro mo," diretso kong sinabi ang mga katagang iyon sa kanya. Please, tell me you're just joking.

"Sir...alam ko pong mahirap paniwalaan pero iyon po ang totoo," seryoso ang pagkakasabi ng nurse sa akin. Bakit nga naman magbibiro ang nurse na gaya niya, eh, ospital ito.

Unti-unting nawala ang ngiti ko. Lalo akong nilamig. Nakakabingi ang kanyang sinabi. Bakit ganito? Bakit parang totoo ang sinasabi niya? "Pero nurse, nakita ko siyang lumabas sa kotse at tumayo sa harap ko. Baka nagkakamali ka lang?" Tama, sana mali lang ang nurse na ito.

"Isa po ako sa mga kasama sa ambulansya nung pinuntahan po kayo sa lugar ng pangyayari. Opo, nakita ko siya sa labas ng kotse ninyo pero pareho na po kayong nakahandusay sa daan at maraming dugo ang nawala sa girlfriend ninyo," paliwanag niya sa akin.

"Pe-pero, alam kong maraming du-dugo ang nawala sa kanya, doon pa lamang sa loob ng sasakyan. Pero, nakita ko siyang lumabas ng kotse at tinitigan ako. Maraming tao ang nakakita nun!" teka, William, huminahon ka...wag ka magpadala sa isang biro lang.

"Yun din po ang sabi sa amin ng mga taong nakakita. Hindi po kayo nagkakamali, Sir. Ginawa namin ang lahat para irevive ang iyong girlfriend sa emergency room. Nakapagtataka nga po't sa tagal ninyo sa insidente ay nakaabot pa siyang humihinga dito sa ospital. Pero, pasensya na po Sir...hindi namin nailigtas ang kanyang buhay," iyon ang huling sinabi ng nurse sa akin at tumungo na sa pinto at lumabas.

Ito ba ang birong sinasabi mo? Biro ba ito? Naguguluhan na ako, nahahati ang pag-iisip ko. Nagtatalo ang utak ko sa kung ano ang dapat paniwalaan. Humiga na lamang ulit ako at tinitigan ang kisame. Ang buong kwarto ay kulay puti, kulay puti, kulay puti... Pinipilit ko mang alisin sa aking tenga ang mga narinig ko hindi pa rin maalis ang kaba sa dibdib ko. Unti-unting nanlalabo ang aking mga mata dahil sa luhang pinipigilan kong lumabas. Imposible. Nakita ko siyang tumayo ng tuwid sa aking harapan! At nagsimula na ngang lumabas ang aking luha. Hindi ko na napigilan ang pagkawala nito sa aking mga mata.

Patuloy na dumaloy ang aking luha at pinipigilang humagulgol. Masakit ang aking puso, literal na masakit. Parang nadudurog ang aking puso, Rose...Rose...Hindi iyon totoo di ba? 

Bumukas ang pinto ng kwarto at mula sa gilid ng aking mata mapapansing isang babae ang pumasok na marahang naglalakad palapit sa akin. 

MY FANTÔME SWEETHEART (12 Official Chapters, SLOW UPDATE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon