"Baunin mo 'to," mahinahon na sabi ng nanay ni Jeffrey sa kaniya. Agad naman niyang kinuha ang lalagyang may laman na kanin at ulam. Isinilid niya ito sa kaniyang kupas na bag."Alis na 'ko," sagot niya sa kaniyang ina. " Sumagot naman ito pabalik, "Ingat." Lumabas si Jeffrey sa kanilang bahay ng hindi man lang lumingon sa kaniyang nanay.
Tinungo niya ang terminal ng jeep na kung saan, may jeepney na papuntang Tayuman, kahit dis-oras na ng gabi. Binayad niya agad ang buong dalawandaang pisong kanina niya pa hawak sa kaniyang kamay, at ipinunas niya ang palad niyang namamasma sa kaniyang pantalon. Inilagay ni Jeffrey sa harapan ng katawan niya ang dala-dala niyang bag na para bang may pinakatagu-tago siyang yaman sa loob nito, kahit wala namang dapat ikabahala, dahil siya lang naman ang pasahero noong gabing 'yon.
"Boss, tsaka na 'yung sukli teka lang ha," sagot nito kay Jeffrey.
Tumango lang ito.
Halos kinse minutos na rin niyang binabagtas ang daan papunta sa kaniyang destinasyon pero mistulang tumatagal ang oras dahil sa mga naglalakihang mga sasakyan na humaharurot at nagpupumilit sumiksik sa daanan, wari'y nagmamadali, dahil maikli lang ang oras na inilaan ng kinauukulan sa kanila upang makapagbiyahe, dahil ilang oras lang ay umaga na naman, at bawal na ulit silang makita sa daanan.
"Putangina, ang trapik sobra. Ngayon lang nangyari 'to e, kapit lang boss," ang sabi ng drayber sa kaniya. Hindi umimik si Jeffrey at sa halip, nilibang niya ang kaniyang sarili sa mga makukulay na pailaw at neon signs ng maliliit na KTV at videoke bars na nagkalat sa lugar na 'yon. Sadyang nakakaakit ang pangalan ng lugar na nabanggit, 'Exotic Getaway', 'Bodies Point', 'Luxury Girls', at iba pang pangalan na kahit hindi naman talagang tama sa wikang Ingles, ay iniraos para sa kostumer.
Pula pa rin ang traffic lights sa tawiran, hindi pa rin sila makatawid. Abala naman si Jeffrey sa pagsunod sa kakaibang ilaw ng bahay-aliwan sa hindi kalayuan, gamit ang kaniyang mga mata. Medyo naburyong na ang ang drayber ng mga oras na 'yon kaya nagpatugtog siya. "Ayos, Rodel Naval," ang sabi niya. Totoo nga namang makararamdam ka ng ginhawa sa pakikinig sa boses ni Rodel, sa kanta niya pa lang na "Baleleng" ay hindi ka na mababagot.
Hindi niya namalayan na may kung anong likido ang tumatagas mula sa kaniyang bag. Malapot, maitim, mala-krudo ang kulay, pero hindi malinaw dahil bubot lamang ang ilaw ng jeep. Natuluan nito ng bahagya ang pantalon ni Jeffrey. Napansin niya na lamang ito nang natapos na ang kanta, kasabay ng pagpalo ng traffic lights sa berde. Larga na.
Kinuha ni Jeffrey ang isang pulang panyo mula sa bulsa ng kaniyang bag at nagsimula nang punasan ang mantsang kumapit sa kaniyang pang-ibaba. Harurot na binagtas ng sasakyan ang kahabaan ng daanan. Buwelong-buwelo. Walang sasakyan na dumadaan.
Matindi ang ginawa niyang pagkusot ni Jeffrey sa kaniyang pantalon na animo'y may kinakayod na yelo sa kaniyang hita. Tumulo na ang likido sa bakal na sahig ng sasakyan. "Boss, may basahan ka ba diyan? Natuluan ko 'yung lapag e," ang tanong niya rito.
Inihagis ng drayber ang isang bilog na basahan. Mabilis itong pinunasan ni Jeffrey. Kinukuskos ng madiin, habang ang bag naman ay binuksan niya at mistulang inaayos ang isang plastik na pinagmumulan ng maitim na likido. Akmang itatapon na sana ni Jeffrey ang basahan sa labas ng estribo ng hiningi ulit ng drayber ang basahan pabalik, "Boss, puwedeng makuha ulit 'yung basahan? Ipanghahawak ko lang sa kambiyo e, pasmado ba," ang sabi nito.
Ibinalik ni Jeffrey ang basahan sa matandang drayber, habang nakatitig lang ito sa kaniya. Agad naman itong inilapat ng drayber sa hawakan ng kambiyo, ang basang parte ay nasa ibabaw, at hinawakan ito ng walang arte, kahit pa ipinunas ito ni Jeffrey sa lapag ng sasakyan niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/170190262-288-k878505.jpg)
BINABASA MO ANG
Duplex
Mystery / ThrillerDalawang lalaking kumuwestiyon sa kung ano talaga ang masama at mabuti.