Nandito ako sa tagpuan namin ni Haxiel. Nauna akong dumating sa kanya. Tanaw dito ang buong karagatan at ang paglubog ng araw. Ang araw ay muling humalik sa karagatan. Nagsabog ang kulay kahel sa asul na langit.
Malungkot ko lang pinagmamasdan ang tanawing iyon. Dito mismo sa lugar na ito, dito ako naging masaya. Sa lugar na ito naganap ang masasayang araw ko. At dito na din iyon magtatapos.
Hindi ko naman gustong matapos ang lahat ng iyon. Pero hinihiling na yun sa akin ng puso niya. Binabawi na ng puso niya ang pagmamahal na ibinigay niya, dahil hindi na yun para sa akin. Hindi na para sa akin ang pagmamahal na dahilan para maging masaya siya. Hindi na ako ang nakikita niya.
Hindi na ako ang mundo niya. Hindi ko na kayang tignan ang mga mata niyang palaging umiiwas sakin. Hindi ko na kayang tanggapin ang mga rason niyang pinapaniwala lamang ako. Hindi ko na din kayang paniwalain pa ang sarili ko na ako pa rin. Hindi ko na kayang pilitin pa siyang manatili kung gusto naman na niyang makatakas. Hindi ko na kayang paulit-ulit pang isipin na nasasakal ko na siya. Hindi na ako. Hindi na ako ang babaeng nakikita niyang makakasama niya.
Hindi naman nagtagal ay dumating siya. Naging isa na ang araw at karagatan nang makarating siya. Palagi namang ganon. Halos ayaw na niyang makipagkita sa akin.
"Selena." Tawag niya sa akin.
Kiming ngumiti ako sa kanya nang tumayo siya sa tabi ko at tinanaw ang karagatan.
"Salamat at nakapunta ka. Kamusta ka na?" Panimula ko.
"Pinapunta mo ba ako para tanungin lang niyan?" Saway niya sa akin.
"Hindi. Pinapunta kita dito para makausap ka." Umiiling kong sabi.
Magsasalita sana siya pero inunahan ko na siya. Bibigyan niya lamang ako ng mga rason.
"Kailan nawala? Kailan nawala ang pag-ibig mo sa akin?" Tanong ko siya habang tinitignan ko siya ng diretso sa mata.
"Selena." Tanging sagot niya.
"Sagutin mo sana ang tanong ko. Gusto ko lang magkaroon ng peace of mind. Itatanong ko na ang lahat ng gusto kong tanungin sayo. Sasabihin ko na rin lahat ng nais kong sabihin sayo, upang sa huli wala na akong babalikan pa. Dahil ngayon Haxiel, pinapalaya na kita. Hindi mo na kailangang magtago sa akin. Hindi ka na mahihirapang magpanggap na mahal mo pa ako. Hindi ko naman kailangang alamin pa eh, nararamdaman ko." Paliwanag ko sa kanya.
Huminga siya ng malalim bago ako sagutin.
"I'm sorry. Hindi ko masabi sayo dahil ayokong saktan ka, Selena. Hindi ko intensyong saktan ka pero bigla na lang nawala. Nagising na lang akong wala na. Maniwala ka, pinilit ko. Pinilit kong mahalin ka ulit pero wala na talaga. Sorry." Paliwanag niya.
Nginitian ko lang siya at hinaplos ang mukha niya. Tinitigan ko iyon dahil tinatandaan ko ang bawat detalye ng mukha niya. Ito na ang huling beses na matititigan ko siya.
"Alam ko. Kaya nga pinapalaya na kita, para malaya mo na ding mahalin siya. Hindi maganda sa pakiramdam ng isang babae na itinatago siya. Kaya pinapalaya na kita. Sana lang, siya na yung babaeng mamahalin mo sa huli. Kasi masakit ang ipagpalit. Para bang wala kang kalaban-laban. Natapos na lang ang laban ng hindi ko namalayan. She won your heart successfully." Hirap na hirap kong sabi.
Pinigilan ko ang sarili kong umiyak sa harap niya. Pakiramdam ko, kalabisan na kung iiyak pa ako sa harap niya. Lalo lang siyang magsisisi at baka maawa lang siya sa akin. Hindi ko kayang makita sa mga mata niya ang awa para sa akin. Kahit nangangatog at nanghihina ang mga binti at kamay ko, ay hindi ko iyon ipinakita sa kanya. Tama nang dinurog niya ang puso ko.
"I'm sorry." Sabi niya.
Kumpirmasyon na tama nga ako. May ipinalit na siya sa akin. May pumalit na sa pwesto ko sa puso at buhay niya.
"Sabihin mo, maganda ba siya? Mas maalaga ba siya? Mas mahal ka ba niya kesa sa akin? Siya ba yung babaeng pangarap mo?" Mahinang tanong ko sa kanya.
"Selena sorry." Sabi niya lang sa akin.
"Wag ka na magsorry. Malaya ka na. Hindi ko naman siya ipapahiya at aawayin. Hindi naman ako ganon. Natanong ko lang. Mauna na ako sayo Haxiel. Ito lang naman talaga ang pakay ko sayo eh. Salamat sa oras mo." Ngiti ko sa kanya.
Tumalikod na ako sa kanya at naglakad palayo sa lugar na yon. Kung saan tanaw sa bawat araw na dumadaan, kung paano magkita ang nagmamahalang araw at karagatan. Doon natapos ang lahat ng pag-ibig na inakala kong magtatagal.
Hindi niya nakita kung paanong naglaglagan ang mga luhang pinigil ko sa harap niya. Hindi niya nakita ang paghihirap ko sa mga binitawan kong mga salita. Hindi niya nakita kung paanong nawasak ako sa harap niya. Durog na durog ang puso ko sa mga naganap pero wala naman na akong magagawa. Wala naman akong kalaban-laban eh. Sa lahat ng naganap, sa tingin ko ay sira na puso ko.
Hindi ko na natiis ang sakit kaya napaluhod na lang ako at umiyak ng malakas. Pero kahit anong lakas ng iyak ko, hindi pa rin nawawala yung sakit. Andon pa rin yung sakit na unti-unting pumapatay sa akin. Ang sakit-sakit! Ang sakit-sakit. Ang sakit-sakit na sa tingin ko ito na ang huling beses na mamahalin ko siya.
Ito na ang huling beses na mamahalin ko siya. Pangako ko, ito na ang huli. Hindi ko na siya mamahalin pang muli.