Ng sumunod na araw.
Sa loob ng drainage pipe, binuksan ni Boyet ang itim na bag at kumuha ng dalawang P500 mula sa bundle. Pagkatapos ay isinara niya'ng bag at itinulak palayo. Isinilid niya ang pera sa bulsa ng kanyang shorts at gumapang palabas, nguni't bigla siyang natigilan.
May mga boses. May mga tao sa labas ng drainage pipe. Napaatras si Boyet paloob.
Dalawang scavengers, isang matandang lalaki kasamang batang babae ang naghahalukay sa mga basura sa ilalim ng tulay. Gusgusin sila, bahid ng dumi ang mukha, leeg, braso, binti at punit-punit ang mga kasuotan. Sa matanda, ang bulok na rubber shoes, ang sa bata'y tsinelas na hindi magkaterno. Nanigas na ang mga buhok nila sa hindi pagligo ng matagal.
"'Yung isa pang bote," dinig ni Boyet na sabi ng matanda.
"Asan?" tanong ng batang babae.
"Ayun!"
Binuksan ng matanda ang bulok na sako at iniligay ng bata ang napulot na plastic bottle. May laman na ang sako ng iba't-ibang bagay na napulot nila, karamihan ay plastik.
"'Yun pa. Kunin mo 'yung plastik na 'yun," turo ng matanda.
Dinig ni Boyet ang mga boses nila at siya'y nagtago sa dilim ng drainage pipe. Walang imik, may kaba sa dibdib. At sa gulat niya, maya-maya'y sumilip ang batang babae sa loob ng pipe. Nanigas si Boyet, akala niya'y nakita siya noong una, dahil nakatitig lamang ang bata pero napansin niya na hindi siya kita nito sa dilim. Sumigaw ang matanda.
"Halika na!" tawag nito.
Saglit pang tumingin ang bata sa loob ng madilim na pipe.
"Halika na sabi!" ulit ng matanda.
Agad na tumalima ang bata at nakahinga nang maluwag si Boyet.
Nang lumabas si Boyet mula sa drainage pipe ay napaisip siya, alam niyang hindi na ligtas doon ang pinagtataguan ng itim na bag. Iyon ang bumagabag sa kanya sa buong maghapon at habang kumakain siya sa fastfood restaurant.
#
Kinagabihan, pag-uwi ni Boyet sa bahay ay diretso siya kay Bert para iabot ang mga barya. Binuksan ng ama ang kanyang palad nang hindi inaalis ang mga mata sa pinapanood sa TV, ang isang kamay hawak ang sigarilyo. Malapit sa TV ay nanonood din sina Pol at Danilo, nakita nilang dumating si Boyet pero hindi nila ito pinansin.
Nang pumatak ang mga barya sa kamay ni Bert ay naramdaman niyang may pagbabago—magaan ang mga ito. Nang makita niy'ang ibinigay ng anak ay hindi na ito saktong P25 kundi'y mga mamiso at biente-singko na tumotal lang na P15.
BINABASA MO ANG
Ang Pera
General FictionMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...