Sa mababang paaralan.
Maingay ang mga estadyante habang inaantay ang titser na dumating sa pagsisimula ng klase. Kwentuhan, tawanan at asaran. Batuhan ng bolang papel. Palipad ng eroplanong papel na tatama sa elesi ng bintilador sa kisame. Lunes na naman at galing sa dalawang araw na walang pasok kaya't ganoon na lamang ang kulit ng mga bata na makitang muli ang mga kaklase. Ang mga dalaginding nama'y sagana sa kuwentuhan. Naglalakihan ang mga mata nila sa sigla.
Pero hindi si Boyet. Nakaupo lamang siya at tila malalim ang iniisip. Sa hanay ng mga batang musmos na nagkukulitan, animo'y matanda ang kanyang pagka-siryoso. Ito'y pagka't iniisip niya ang pangyayari kagabi—ang paghahalungkat ng ama niya sa aparador, sa kanyang mga kagamitan. Anong hinahanap ng ni Tatay? Ito ang bumabagabag sa kanyang isipan.
Maya-maya'y lumapit si Enrico.
"Ano, mamaya? 'Di pa tayo tapos," hamon ng bully.
Pero, hindi siya pinansin ni Boyet na abala sa iniisip.
"Ano? Duwag ka ata e. Kala ko matapang ka!" kutya ni Enrico.
No reaction pa rin. Sumimangot si Enrico, inantay din niyang mag-Lunes para hamunin ang kanyang mortal na kaaway. Pero, heto't hindi man lamang siya nililingon.
"Ano, hoy! Bingi ka ba? Sabi ko---"
Biglang tumingin si Boyet.
"Gusto mo ng hamburger?" kaswal niyang tanong.
Nagulat ang bully. Hindi ito ang sagot na inaasahan niya.
"H-ha?" tuliro niyang reaksyon.
"Hamburger? 'Yung Buy 1 Take 1 dun sa labas? Gusto o ayaw mo?" sabi ni Boyet.
"Ha? O-oo naman!" sabi ni Enrico.
Saglit na natigilan si Enrico. Hindi rin niya alam kung bakit niya sinagot ang tanong. Ang sadya niya'y hamunin ang kaaway, pero, heto't sa hamburger napunta ang usapan. Tumingin siya sa paligid para tignan kung nakatingin sa kanila ang mga kaklase, bago:
"Hoy, sabi ko, mamaya—" hamon niyang muli, pero:
"Libre kita ng hamburger," mabilis na sabi ni Boyet.
Napaindak si Enrico.
"Libre mo ko?"
"Ilan gusto mo?" tanong ni Boyet.
Hindi sigurado si Enrico, pero:
"A...apat?"
"Okay, sige," ngiti ni Boyet.
BINABASA MO ANG
Ang Pera
General FictionMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...