Sa Starbucks.
Nakaupo sa may sulok na puwesto si Boyet. Kampante siya sa loob, hindi siya ilang. Nakailang punta na siya rito mula nang makita ang bag ng pera. Isang Starbucks na nasa loob ng mall. At sa loob, siya lamang ang tanging ka-edaran niya, bukod pa sa nag-iisa lamang siya. Noong una siyang pumasok sa Starbucks ay hindi niya alam kung paano umorder o kung ano ang oorderin o kung paano bigkasin ang mga nakasaad sa menu. Nakinig lamang siya sa ibang umoorder at doon niya natutunan. At ngayon, heto't may malaking frappe sa kanyang harapan.
Mula sa glass window, pinapanood ni Boyet ang mga tao na paroon at parito sa mall. Mga pamilya, magkasintahan, magbabarkada. Panay tingin niya. Mayroon siyang hinahanap. Hinihintay. At maya-maya'y dumating ang kanyang inaabangan—si Lolo Ando.
Kaiba sa kanya, ang matanda'y litrato ng pagkailang. Parang naliligaw. Patingin-tingin sa paligid na para bang ngayon lang napadpad doon. Maayos ang suot ni Lolo Ando, polo na mukhang inalmirol, slacks na gray at rubber shoes.
Sumilip sa bintana ng Starbucks ang matanda at nakita si Boyet na kumaway sa kanya. Pumasok sa loob si Lolo Ando at lumapit sa mesa ni Boyet.
"Ngayon lang ako nakapasok sa ganito," tingin ng matanda sa loob, may pagkamangha.
"Upo po kayo, 'Lo," sabi ni Boyet.
Naupo si Ando.
"Gusto n'yo po ng kape?"
Kumunot noo ng matanda.
"Kape? Naku, hindi na. Mahal ang kape dito," iling niya."Ginto."
"Akong bahala, 'Lo."
"Hindi ba tayo paaalisin dito?"
"Hindi, 'Lo. Kilala ko 'yung guard," ngiti ni Boyet.
"Kilala mo?"
Kumaway si Boyet sa guard na nasa kanyang 30s at ngumiti ito't kumaway din pabalik. Ganon na lamang pagtataka ni Ando. Noong umaga nang dumaan si Boyet sa bahay niya bago pumasok ng school at sinabing magkita sila sa hapon sa Starbucks ay akala niya'y nagbibiro lang ito, natawa pa nga siya noong una hanggang sa nakita niyang siryoso talaga ang bata. May sasabihin akong importante, 'Lo, ang binitawang pangungusap sa kanya at sa tono ng pananalita'y hindi iyon biro.
"Boyet, anong nangyayari?" pagtataka ni Lolo Ando.
"Order muna tayo ng kape nyo, 'Lo. Tapos kukwento ko lahat."
#
Si Boyet ang namili ng kape ni Lolo Ando, isang malaki at mainit na Caramel Macchiato. Nasarapan naman ang matanda at pinunasan ang froth sa kanyang bibig. Habang umiinom ay kinuwento ni Boyet ang lahat-lahat ng tungkol sa pera, mula nang matagpuan niya ang naghihingalong binatilyo hanggang sa pagtago niya ng itim na bag sa drainage. Taimtim na nakinig si Lolo Ando, nabalitaan din niya ang tungkol sa pera sa madulas na mga dila ng kapitbahay, at hinayaan niyang tapusin ni Boyet ang salaysay bago siya nagbigay ng opinyon.
BINABASA MO ANG
Ang Pera
General FictionMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...