Kanal sa gilid ng sidewalk.
Umaagos pababa ng drainage ang maduming tubig kanal. May mga wrapper ng candy at chitchirya, plastic na pambalot ng hamburger na nakabara sa grills. Isang barbecue stick ang tinangay ng agos pababa ng imburnal. Sa gilid ng drainage sa kanal, isang limang pisong coin ang nakalubog sa tubig.
Sa bangketa ng hamburgeran, nakaupo si Boyet na naka-iskul uniform sa simentong bench. Tinitignan niya ang P5 coin at pinag-iisipan kung kukunin ito. Oo. Hindi. Nagdadalawang-isip. Payuko na siya nang dumating si Enrico at bumalik sa kanyang hustong pagkakaupo.
"Heto na, bossing!" hudyat ng kaibigan.
Hawak ni Enrico ang dalawang supot ng buy 1 take 1 hamburger. Binigay niya ang isang supot kay Boyet at naupo sa tabi nito. Napansin ni Enrico na nakatingin si Boyet sa kanal at kanya ring naispatan ang P5 coin.
"Uy! Limang Piso!" natuwang sabi ni Enrico.
Pinatong ni Enrico ang kanyang hamburger sa upuan at umakmang pupulutin ang barya pero umatras siya nang makitang nangingitim sa dumi ang tubig kanal.
"Kaso kadiri," aniya.
Bumalik si Enrico sa upuan. Napabuntong-hininga si Boyet, pagka't kung wala lang ang kaibigan ay pinulot na niya ito. Lalo na ngayong nagbago na ang sitwasyon ng kanyang buhay—o sa madaling salita, nagbalik sa dati.
"Sorry, Enrico. 'Di kita malilibre muna. Wala pa ko pera," sabi ni Boyet sa katabi.
"Sus. Okay lang, Bossing. Ako naman ang manlilibre!"
May pera si Enrico. Panalo niya sa labanan ng gagamba.
"At 'wag mo na nga ko tawaging bossing. Hindi mo ko boss," sabi ni Boyet habang binuklat ang plastik ng hamburger at nagsimulang kumain.
Siguro dati okay itong pa-bossing bossing ng best friend niya, noong parang hindi nauubos ang kanyang pera, feel niyang matawag na bossing kahit alam niyang medyo pabiro ito. Pero ngayon, pakiramdam ng bata na alangan na ito.
"Okay, okay. Nasanay lang kasi ako, hehe," sabi ni Enrico at kumain din ng hamburger.
Nang matapos kumain ay sabay silang naglakad pauwi. Sa kantong lagi nilang dinadaanan, huminto sila sa stoplight. Inabutan sila ng "go." Sa kabilang na kalye ay nagtawiran ang mga tao. Mula roon ay may kotse—isang second-hand na Toyota ang may kabilisang dumating para mag-right turn at kamuntikan nitong mahagip ang tumatawid na lalaki. Malakas na tunog ng preno.
Sumigaw ang pedestrian.
"Hoy! Tangina n'yo! Para kayong mga hari ng kalsada!"
BINABASA MO ANG
Ang Pera
General FictionMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...