Chapter 20: Isang Negosasyon

934 92 8
                                    


Sabado

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Sabado.

Sa harapan ng bahay nila Boyet, nakapark ng palihis ang Toyota Corolla at kasalukuyang winawashing ni Danilo. Siya'y nakahubad ang pang-itaas at naka-shorts lamang. Hindi lang sa sanay ang panganay na walang suot na t-shirt kundi'y sadya niyang ipinapakita ang kanyang mga tato sa katawan. Isang paalala sa lahat na hindi siya dapat tinatalo. Siya at kanyang pamilya.

Nababalutan ng sabon ang Corolla at binubuhusan ni Danilo ng tubig mula sa tabo habang sabay na pinupunasan ng basahan. Pawisan na siya at nagsisimula nang uminit ang ulo, hindi lang dahil umiinit na ang araw kundi'y sa wari niya'y kabagalan ng kanyang alalay.

"Ano ba?! Bagal-bagal mo!" kanyang sigaw.

Darating si Boyet at buhat-buhat ang mabigat na timba ng tubig. Ang kanyang mga braso'y animo'y mapipigti na.

"O, dahan-dahan baka matapon," utos ni Danilo. "Ilapag mo dyan tapos kunin mo pa 'yung isang timba, kulang pa ito."

Nilipag ni Boyet ang timba. Hingal na siya at naupo sa kanyang binti.

"Pwede bang magpahinga muna?" sabi niya.

"Mamaya ka na magpahinga. 'Di pwedeng matuyo itong sabon. Bilis na!" sigaw ng nakatatandang kapatid.

Isa sa kinaiinisan ni Boyet ay iyong madalas na pagwawashing ng kotse ng kanyang kapatid. Tingin nga niya'y mas madalas pang maligo ang kotse kesa kay Danilo. Dalawang beses sa isang araw, isa sa umaga at isa sa gabi. Ganon na lang inis niya na sa pag-uwi niya galing eskwela ay tatawagin siya para mag-washing. Hindi maarok ng bata kung bakit kailangang i-washing ang kotse sa gabi gayong hindi naman gagamitin. At pagsapit naman ng Sabado at Linggo ay washing na naman imbes na siya'y nakapaglalaro. Sinusumpa ni Boyet ang kotse na iyan na hanggang ngayon ay hindi pa niya nasasakyan, bukod sa kung lilinisin niya ang loob.

"O, ano pang hinihintay mo? Bilis na!" bulyaw ni Danilo.

Tumayo si Boyet para kunin ang ekstrang timba. Nakasimangot siya na tumingin sa kapatid.

"Titignan mo pa ko ng masama! Gusto mo yatang makatikim eh!"

Inis na naglakad si Boyet para umigib ng tubig at pagbaba ng kalye ay muntik niyang mababangga ang isang lalaki.

"Easy lang, boy," sabi ng lalaki.

Habang maglalampasan sila ay masusulyapan ni Boyet ang hitsura ng lalaki—ang lalaking naka-itim na jacket.

Saglit silang nagkatinginan, bago patuloy sa paglalakad ang lalaki. Napaisip si Boyet. Parang may naaalala siya na patungkol sa lalaking naka-itim pero hindi niya matandaan kaagad, at sa pagalala ay may pintig ng kaba siyang naramdaman. Nagpatuloy si Boyet sa paglalakad at nang tumingin siya pabalik ay natanaw niyang tumayo ang lalaki sa tabi ng kotse, hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin pagbaba niya ng kalye.

Ang PeraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon