Nang umalis ang lalaking naka-itim ay ganoon na lang ang excitement ni Danilo, at sa sobrang saya ngay'y hindi na niya naituloy ang pag-washing ng kotse. Natuwa naman si Boyet dahil akala niya'y makakapaglaro na siya pero sa kanyang kamalasan ay pinatapos pa sa kanya ang pagb-brush ng gulong ng kotse. Nang makauwi si Pol ay nalaman niya ang balita.
"Bagong motorsiklo?"
"Oo nga!" sabi ni Danilo. "Nakausap namin ni 'Tay 'yung may-ari babalik dito mamayang gabi dala ang mga papeles."
"Ayos!" ngiti ni Pol. "Ibig sabihin magagamit ko na ang kotse."
Nasa sala sila, nanonood ng TV si Bert habang umiinom ng beer. Si Boyet ay naghahanda ng mga plato sa kusina. And yes, bago ang TV nila. Flat screen. 24 inch.
"Anong magagamit mo?" pag-angas ni Danilo. "Ako gumagamit no'n eh."
"Damot nito! Sa'yo lang ba 'yun?" bunton ni Pol.
Popormang manununtok si Danilo, humakbang paatras si Pol at pumorma rin.
"Aba, lalaban ka na?" sabi ng panganay.
"May motor na nga eh!" angal ni Pol.
"Hoy! Tumahimik kayong dalawa!" sigaw ni Bert. "Wala munang gagamit ng motor kundi ako!"
Huminahon ang dalawang magkapatid. Si Boyet ay tahimik lang sa kusina.
Nang makapaghapunan ay inaya ni Bert sina Danilo at Pol sa labas.
"Boyet, ikaw maghugas," sabi ni Pol.
"Ano pa nga ba?" bulong ni Boyet sa sarili.
Habang nililigpit ni Boyet ang pinagkainan ay tanaw niya sa labas na naguusap ang kanyang ama't dalawang kapatid. May pinaguusapan sila na hindi niya marinig, pero sa tono ng mga boses nila'y siryoso sila. At nang bumalik sina Danilo at Pol sa loob ng bahay ay siryoso rin ang mga mukha nila. Naupo sila sa sala at nanoood ng TV, si Boyet ay tahimik na naghugas ng pinggan.
Matapos maghugas ay naupo si Boyet sa kusina para gawin ang kanyang assignment. Gamit niyang bolpen na napulot niya sa ilalim ng tulay. Paubos na ang tinta nito. Pero, hindi siya maka-concentrate pagka't malakas ang TV at sumasabay pa ang tawanan nina Danilo at Pol. Umiling si Boyet, hindi na niya natiis. Kanyang dinampot ang mga pad paper, aklat na aralin at bolpen, at tumayo at naglakad palabas ng bahay.
Inaasahan niyang makakagawa ng assignment sa labas, at nadismaya na makitang madilim roon. Napundi ang bumbilya ng poste sa kanto kung kaya't hindi na rin nakapaglaro ng half-court ang mga manlalaro ng basketball.
Tumayo si Boyet sa may kalye at tumingin sa langit. Nakuhang atensyon niya ng maliwanag at bilog na buwan. Nabighani siya sa ganda nito na kanyang nalimutan na ang tungkol sa kanyang assignment at napatitig ng matagal sa buwan.
BINABASA MO ANG
Ang Pera
Fiksi UmumMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...