Ganoon na lamang ang gulat nina Boyet at Lolo Ando nang makita sina Bert, Danilo at Pol sa bahay ng matanda. Na ang sumalubong kay Ando ay kamao ni Danilo, ay dagdag sindak pa't siya'y napaatras at natumba at pakiramdam niya'y pumilipit ang kanyang paa dahil doon. Ramdam niya ang kirot. Nakatayo lamang siya nang hawakan siya ni Danilo sa leeg at kaladkarin papasok ng bahay niya.
Nagkalat ang mga gamit sa loob ng bahay, gawa ng naunang pagpasok nila Bert dito at paghalungkat sa mga gamit sa paghahanap ng bag ng pera. Pero, hindi nila iyon natagpuan. Binaligtad nila ang kutson pero hindi nila nakita ang taguan sa ilalim ng sahig.
Haltak-haltak ni Bert si Boyet papasok. Kasunod si Pol na siyang nagsara ng pinto. Armado sila. Si Danilo ay may icepick, si Pol ay tubo, at si Bert, ang kanyang balisong.
"Nasan ang pera?" tanong ni Bert.
"Anong pera?" sabi ni Ando na nakaluhod sa isang tuhod.
Tinadyakan siya sa tagiliran ni Danilo at siya'y natumba.
"NASAN ANG PERA?!" matigas na ulit ni Bert.
"Anong pera bang pinagsasabi mo?" ang matigas ding sagot ni Ando. Hinawakan siya ni Danilo sa ulo at inupo sa sahig.
"NASAN ANG PERA!" ulit ni Bert.
"ANONG PERA? WALANG PERA!"
Sumenyas si Bert kay Danilo. Tinadyakan ni Danilo si Ando sa ulo, pagkatapos ay sinikmuraan. Napabuga ng laway si Ando at bumagsak sa sahig.
Si Ando ay gumagapang patungo sa pintuan pero pinigilan siya ni Bert sa pamamagaitan ng pagapak sa likod niya. Bumulahaw ng iyak si Boyet.
"Tumahimik ka!" sigaw ni Bert sa kanya.
Pumuwesto si Pol sa likuran ni Boyet at pinulupot ang braso sa leeg nito at tinakpan ng kamay ang bibig. Si Danilo ay sumisilip sa bintana, nagbabantay.
Yumuko si Bert at inumang ang balisong sa mukha ng matanda.
"'Wag mong ubusin pasensya ko, Ando. Maniwala ka, tutuluyan kita," aniya.
Dumura ng dugo si Ando.
"Ituloy mo," aniya. "Matanda na ko. Mamamatay na din ako."
"Pero, 'Tay. 'Pag tinuluyan mo 'yan, 'di natin malalaman kung nasan ang pera," sabi ni Danilo.
"Tangina. Tingin mo ba 'di ko alam 'yun?!" bulyaw ni Bert sa kanya.
Umagos ang luha ni Boyet. Lumingon sa kanya ang ama.
"O baka naman alam ng kapatid mo kung nasaan..".
BINABASA MO ANG
Ang Pera
General FictionMadalas makapulot ng barya sa lansangan ang 11-year old na si Boyet na nakatira sa may squatter's area. Nang mamatay ang kanyang ina, ay nauwi siya sa pagtitiis sa kalupitan ng kanyang ama at mga kapatid. Nakahanap siya ng kaibigan at tagapagtanggol...