One year later...
Isang taon na simula ng tinapos ko ang pagkakaibigan nating dalawa. Pero wala pa ding nagbago-bukod sa'yo. Nasasaktan pa din ako.
Tumatambay pa din ako sa ilalim ng puno ng acacia sa paborito nating park. Tulad ngayon, nandito ulit ako.
Pero sa pagkakataong ito...
Sa kauna-unanag pagkakataon simula noong naghiwalay tayo ng landas...
...dumating ka.
Pumikit-pikit ako at kinusot ko ang mga mata ko para masigurong hindi ako nagha-hallucinate lang.
At oo, ikaw nga!
'Di hamak na mas gwapo ka na ngayon. Matangkad, maputi, singkit ang mga mata, wala ka na talaga ni isang tigyawat sa mukha. At mukha kang masaya.
Lumapit ka sa akin ng matanaw mo ako. At ako naman, biglang kinabahan. Napalunok at naging balisa. Bakit ka lalapit ngayon kung nakaya mong lumayo ng matagal noon?
"Hi." Bati mo.
"H-Hi." Hindi ako makatingin sa'yo.
"Kamusta ang buhay?" Tanong mo.
"M-Masaya." Hindi kasing saya dati noong kasama pa kita pero... "Okay lang ako."
Magsasalita ka pa sana kaso biglang dumating ang isang magandang babae. "Chloe..." Banggit mo sa pangalan niya. Lumipat ang tingin ko sa kanya.
"Uwi na tayo." Sabi niya.
Siya pala.
Hanggang ngayon pala, kayo pa din. Gusto kong matawa, maiyak, magalit...ewan nakakabaliw na.
Dati, mabanggit mo lang ang pangalan niya nasasaktan na ako. Pero ngayong nasa harapan ko na kayo pareho...
Nagni-ningning ang mga mata habanag nakatingin sa isa't isa.
Magkahawak-kamay at parehas masaya.
Tangina. Nakakamatay pala.
"Oh. Sige, mahal." Sabi mo sa kanya tapos bumaling ka sa akin. "Mauuna na kami. Masaya akong muli kang makita, par."
Isinantabi ko ang kirot na naramdaman ko sa dibdib ko at pinigilan kong maiyak.
Sa nanginginig na labi ay ngumiti ako sa'yo. "Sige. Ingat kayo." Sabi ko.
"Par, na-miss kita. Naghintay ako na maalala mo ako pero wala ka. Hindi ako masaya na nakita kita...kasama siya. Kasi dapat ako 'yung nasa lugar niya eh. Ako dapat. Nagsisisi ako sa masasakit na salitang binitawan ko. Pero hindi sa pagputol ko sa friendship nating dalawa. Trick, patawad. Patawad kung minahal kita. Patawad kung lumagpas ako sa karapatan kong mahalin ka bilang kaibigan lang." Pero hindi ko 'yon nasabi.
Pinanood ko kung paanong nawasak ang pakakaibigan nating dalawa dahil sa pag-ibig ko sa'yo...at pag-ibig mo sa kanya.
Tinanaw ko kayong maglakad palayo. Umaasang lilingon ka at babalikan ako.
Tumulo ang luhang kanina ko pa pinipigilan, dahil kagaya ng dati, siya pa din ang pinili mo.
