CHAPTER SEVEN

8.1K 150 17
                                    


MARAHAS na napakamot ng ulo si Cassy. Sa tantiya niya ay tatlong oras pa lamang siyang nakakatulog. Pagkatapos ay may istorbo nang walang tigil sa kakapindot ng doorbell sa gate ng bahay niya. Napilitan siyang bumangon. Magkasalubong ang mga kilay niya nang magtungo siya sa pinto. Nakahanda na siyang singhalan ang umistorbo sa kanya pero agad na hinipan ng hangin ang inis niya nang makitang si Leo ang nasa labas ng pinto. Maaliwalas ang mukha nito. Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Noon niya na-realize na wala siyang suot na bra. Tinakpan niya ng mga braso ang kanyang dibdib. Naging ugali na kasi niyang magtanggal ng bra bago siya matulog. Dali-daling isinara uli niya ang pinto, saka kumaripas ng takbo pabalik sa kanyang silid.

"Oh, my God! Ano'ng ginagawa ng lalaking iyon dito nang ganito kaaga?" tanong niya sa sarili habang nagbibihis. Sinulyapan niya ang oras sa alarm clock niya sa ibabaw ng bedside table. Mag-aalas-siyete pa lamang ng umaga. Pagkatapos niyang mag-ayos ay agad niyang binalikan si Leo na naiwan pala niya sa labas ng bahay. Nakasimangot na ito nang pagbuksan uli niya ng pinto.

"Tama bang pagbagsakan mo ako ng pinto?" sita nito sa kanya.

"Sorry naman. Ikaw kasi, eh. Bigla ka na lang pumupunta rito nang walang pasabi. Nakakahiya naman sa 'yo. Bad breath pa ako," sabi niya, saka niluwangan ang pagkakabukas ng pinto. "Pasok."

Pumasok ito. "Ano 'yang dala mo?" tanong niya, saka itinuro ang bitbit nitong dalawang paper bag na may logo ng Rio's Finest.

Hindi muna ito sumagot. Dumeretso ito sa dining table at ibinaba roon ang dala nito. "Breakfast," sagot nito.

"Bakit ka nagdala niyan? Alam mo namang madalas ay hindi ako nakakapag-almusal."

"Na hindi ko nagugustuhan. Alam kong pagkagaling mo ng bar, hindi ka muna kumakain bago matulog. Kaya ang payat mo, eh. Pinababayaan mo ang sarili mo. Paano kung magkasakit ka?"

"Weh! Ang aga mo namang manermon. Oo na nga!" Nginitian niya ito at yumakap siya sa baywang nito.

Inilayo siya nito. "Amoy-kama ka pa, huwag ka ngang yumakap sa akin."

Pabirong inirapan niya ito. Binalingan na lang niya ang mga dala nitong pagkain. "Ano ba itong dala mo? Hindi na kita tatanungin kung masarap ito kasi sigurado na ako doon dahil sa Rio's ito galing."

"Ang daldal mo," tila naiinis na wika nito.

Hindi niya inintindi ang sinabi nito. Isa-isang inilabas niya ang mga pagkain na nakalagay sa styrofoam. Nang buksan niya iyon ay sinalakay ang ilong niya ng mabangong amoy ng buttered shrimp, stir fry vegetables, muffin, and rice. "Wow, ang sarap naman. Sigurado kang breakfast 'to? Mukhang pang-lunch na 'to, ah." Nginitian pa niya ito nang pagkatamis-tamis. "Thank you, ha? 'Sabi ko na nga ba, eh, mahal mo rin ako," aniyang nilakipan ng biro ang huling sinabi. Ngunit galing iyon sa puso niya.

"Pagkatapos mong kumain, matulog ka na uli. Nananaginip ka pa hanggang ngayon," seryosong wika nito.

"Hmp! Ayaw pang umamin."

Kapwa sila napalingon nang biglang bumukas ang front door. Sunod-sunod na pumasok doon sina Madi, Panyang, Adelle, Nancy Jane, at Lady. Dumeretso ang mga ito sa dining table.

"Sabi sa 'yo, eh, dito nanggagaling iyong naaamoy ko," sabi ni Madi kay Panyang.

"Oo nga! Ang bango naman. Tamang-tama, nagugutom na ako," sabi ni Nancy Jane.

"Ano ba'ng ginagawa n'yo rito?" kunwari ay nakasimangot na tanong niya. "Nakakaistorbo kayo sa amin."

"Eh, ano?" pabirong tugon ni Adelle.

The Tanangco Boys Series 10: Leonard ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon