BAUAN, Batangas
HABANG nagmamaneho si Cassy ay hindi niya naiwasang mapaluha. Parang isang bombang sumabog sa harap niya ang nalaman niya na asawa pala ni Leo si Margarette. Nainis siya dahil hindi na sinagot ng Tanangco Boys ang tanong niya kung nasaan na si Margarette. Sa isang iglap ay pinanghinaan siya ng loob. Hindi niya inaasahan na may iba na palang nagmamay-ari sa puso ni Leo. Ano nga ba talaga siya sa buhay nito? Bakit tuwing nag-uumpisa nang gumanda ang pakikitungo nila sa isa't isa ay pilit na pinaglalayo sila ng tadhana? Ang pagmamahal lamang ni Leo ang tanging hinihiling niya. Pero sa nalaman niya, hindi niya alam kung may nakalaan pang espasyo sa puso ni Leo para sa kanya. Dahil sa nakikita niya rito, mukhang si Margarette pa rin ang nagmamay-ari sa puso nito.
Nag-ring ang cell phone niya kaya inihinto niya ang kanyang kotse sa gilid ng highway. Pinahid muna niya ang kanyang mga luha at tumikhim bago niya sinagot ang tawag. Ang Ate Chacha niya ang nasa kabilang linya. Itinanong nito kung nasaan na siya. Sinabi niyang malapit na siya sa racetrack na pupuntahan niya.
"Hindi ka dapat umalis nang mag-isa," nag-aalalang sabi nito.
"I'm okay, Ate. Kaya ko ito," sabi niyang pilit na pinipigilan ang sarili na mapaiyak.
"Alam kong nasasaktan ka. I envy your toughness, sis. Lalo mo pang tatagan ang loob mo kapag nagkaharap na kayo ni Leo. Alam namin na ikaw lang ang makakatulong sa kanya."
Hindi na niya napigilan ang pag-iyak. "Ate, hindi ko alam kung kakayanin ko itong mag-isa. Pero mahal na mahal ko siya kaya ginagawa ko ang lahat ng ito."
Ito man ay tila naiiyak na dahil narinig niyang humikbi ito. "Be strong, Cassy."
"I will." Tinapos na niya ang usapan nila. Huminga siya nang malalim. Mula sa kinaroroonan niya ay natatanaw na niya ang malaking signage ng JVP Batangas Racetrack. Tinuyo niya ang kanyang mga luha. Nag-retouch siya ng makeup at nagsuklay ng buhok. Gusto niyang maging presentable sa harap ni Leo. "Kaya mo 'yan, Cassy. Tatagan mo ang loob mo para kay Leo," pagpapalakas-loob niya sa sarili.
MUKHANG inaasahan na si Cassy ng mga nagbabantay sa racetrack. Paghinto pa lang ng kotse niya ay nginitian na siya ng guwardiya. Paglapit niya sa entrance door papunta sa mismong racetrack ay sinalubong siya ng isang lalaki na sa tantiya niya ay halos kasing-edad lang niya.
"Kayo po ba si Miss Cassy Hidalgo?" tanong nito sa kanya.
"Oo. May hinahanap akong tao. Baka narito siya," sabi niya.
"Tumawag na po si Sir Victor. Naibilin na po niya kayo." Lumingon ito sa gawing kanan at saka may itinuro sa loob ng racetrack. "Naroon po siya," sabi nito.
"Puwede mo ba akong samahan doon?"
"Sige po. Dito tayo, Ma'am."
Sumunod siya rito nang lumakad ito papunta sa racetrack. Sa bawat hakbang na ginagawa niya, doble ang kabog ng dibdib niya. Kung maaari lang na tumakbo siya para lang makarating agad siya sa kinaroroonan ni Leo ay ginawa na niya. Gustong-gusto na niya itong yakapin at sabihin dito na hinding-hindi siya aalis sa tabi nito.
"Malapit na po tayo. Doon po kasi talaga naglalagi si Sir Leo kapag sumasapit ang ganitong petsa ng Hulyo. Tago po kasi ang bahaging iyon ng racetrack," sabi sa kanya ng lalaki kahit hindi naman niya ito tinatanong.
Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa bakanteng lote na nasa likuran ng audience area. Mula sa kinaroroonan niya ay may natatanaw siyang isang malaking puno. Sa lilim niyon ay may nakita siyang isang bulto ng katawan na nakahiga sa damuhan. Ilang dipa lang ang layo nito mula sa mababang pader na nagmimistulang harang mula sa mga puno at ng mismong racetrack.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 10: Leonard Apilado
RomanceSa pagbabalik ni Cassy ng Pilipinas ay hindi niya inaasahang madurugtungan ang nakaraan nila ni Leo. Ang pagkakaligtas nito sa kanya sa tatlong lalaking humarang sa kanya sa gitna ng dilim ang naging daan upang maging madalas ang pagsasama nila. At...