CHAPTER NINE

7.8K 146 17
                                    

BIGLANG nakaramdam ng kalituhan si Cassandra. Sa isang iglap ay hindi na niya alam kung saan pa niya ilulugar ang sarili sa buhay ni Leo. Bago pa niya nalaman ang lahat tungkol kay Margarette, ang lakas ng loob niyang papaniwalain ang sarili na mahal din siya ni Leo. Isang kahibangan lamang pala iyon. Sa isang pitik ng mga daliri ay naglaho ang lahat ng pag-asa niya na darating ang araw na mamahalin din siya nito. Nakita mismo ng mga mata niya kung gaano nito kamahal ang namayapang asawa nito. Doon pa lang ay alam na niyang talo na siya sa laban. Pero sadyang makulit ang puso niya dahil ayaw niyong sumuko. Hayun pa rin siya at paulit-ulit na sinasabing mahal pa rin niya si Leo.

Nagbabadya na namang pumatak ang mga luha niya kaya yumuko siya. Ayaw niyang makita ng ibang customer sa Rio's Finest na nag-e-emote siya. "Dapat natutulog pa ako sa mga oras na 'to. Pero pati antok, ayaw makipag-cooperate sa akin," aniya sa sarili.

"Inumin mo 'to para gumaan ang pakiramdam mo."

Nagtaas siya ng tingin at nakita niya sina Vanni, Dingdong, at Roy na nakapaligid sa kanya. Nalanghap niya ang mabangong amoy ng tsa na iniaalok sa kanya ni Roy. Ngunit kahit anong bango niyon, wala pa rin siyang gana.

"Are you okay?" tanong ni Roy.

"Hindi. Masakit ang puso ko," pag-amin niya.

"Sumusuko ka na ba?" tanong ni Vanni.

Bumuntong-hininga siya. "Ang sabi ng isip ko, sumuko na ako. Pero mas malakas ang sigaw ng puso ko. Huwag daw akong bumitiw. Ipaglaban ko raw ang nararamdaman ko," naiiyak nang sagot niya.

"It's okay, Cassy," alo sa kanya ni Dingdong.

"Masyadong mabigat para sa akin ang lahat ng nalaman ko. Parang ipinamukha sa akin ng tadhana na kahit ano ang gawin ko, wala akong laban kay Margarette. Na kahit kailan, hindi ako kayang mahalin ni Leo. Dahil hanggang ngayon, si Margarette pa rin ang mahal niya." Tinakpan niya ang kanyang bibig upang pigilan ang paghagulhol.

Inakbayan siya ni Dingdong.

"Kuya, mahal na mahal ko si Leo," puno ng emosyong sabi niya. Naalala niya noon ang paulit-ulit na paalala sa kanya ng ate niya at ng mga kaibigan nila na hindi madaling mahalin si Leo. Sa kabila ng matinding sakit ay hindi niya pinagsisisihan na ito ang minahal niya. Bagkus, dalangin niya na sana ay siya ang gawing instrumento ng Diyos para tuluyang maghilom ang sugat sa puso nito.

"What's going on?"

Sabay-sabay silang napalingon kay Leo. Kumabog ang dibdib niya pagkakita niya rito. Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang lumabas ito ng ospital.

Mabilis na pinahiran niya ng tissue ang mga luha niya. "O, ano'ng ginagawa mo rito? Dapat, nagpapahinga ka pa. Kagagaling mo lang sa sakit," sabi niyang pilit pinasisigla ang boses.

"Ano'ng nangyayari dito? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.

"H-ha? Wala. Ano... Masakit kasi ang ulo ko. Ilang araw na kasi akong puyat. 'Tapos, pagdating ko sa bahay, hindi pa ako makatulog," pagsisinungaling niya.

Lumapit ito sa kanya at tahimik na hinaplos ang ilalim ng mga mata niya. Mababakas ang hindi maipaliwanag na emosyon sa mga mata nito. Nakipagtitigan siya rito. Gusto niyang itanong dito kung sino ang nasa isip nito. Siya ba o si Margarette?

"Let's go, ihahatid na kita. Magpahinga ka sa bahay. Nangangalumata ka na."

"No. I'm okay."

"Sige na, Cassy, sumama ka na kay Leo. Magpa-hinga ka na muna. Ipahinga mo muna ang isip mo," makahulugang sabi ni Dingdong.

Tumango na siya. "Sige. Thanks."

The Tanangco Boys Series 10: Leonard ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon