APEKTADO pa rin si Cassy sa komprontasyon nila ni Leo. Hanggang sa trabaho ay dala-dala niya iyon. Hindi nga niya alam kung paano siya nakaka-survive. Pero kailangan niyang magtiis alang-alang kay Leo. Kailangan siya nito. Pagkatapos ng third set nila ay wala siyang kibo. Parang robot siya na de-numero ang kilos. Tulala siya at laging natatagpuan ang sarili na bigla na lang lumuluha.
Nababaliw na yata siya. Gusto muna niyang umalis para pansamantalang mapahinga ang isip niya. Pero kumokontra doon ang kanyang puso. Sinulyapan niya ang oras sa kanyang relo. Mag-aalas-singko na ng umaga. Hindi pa rin siya inaantok. Okupado pa rin ni Leo ang isip niya.
Margarette, tulungan mo naman ako na paghilumin ang sugat sa puso ni Leo. Gaya mo ay mahal ko rin siya at alam kong ayaw mo rin siyang nakikita sa ganitong sitwasyon.
Napapitlag siya nang tumunog ang doorbell. Bago siya lumabas ng silid ay nagsuot muna siya ng bathrobe. Ganoon na lang ang pagtataka niya nang pagbukas niya ng pinto ay nakita niya si Leo na nakatayo sa labas ng gate. Agad siyang lumapit dito. Madilim pa rin ang mukha nito. Pero wala na siyang nakikitang galit sa mga mata nito. Sa ayos nito ay mukhang hindi pa ito umuuwi. Nakasuot pa rin ito ng amerikana at wala na sa ayos ang necktie nito.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya paglapit niya rito. "Mukhang hindi ka pa nakakauwi. Magpahinga ka na. Wala na tayong dapat pag-usapan. Nasabi ko na sa 'yo ang lahat ng dapat mong marinig." Akmang tatalikod na siya nang hawakan nito ang isang kamay niya.
"Please, I need your help," pagmamakaawa nito.
Parang may mainit na kamay na humaplos sa puso niya. She had never heard Leo Apilado beg before. Maybe he really needed her help. Inanyayahan niy itong pumasok sa loob ng bahay niya. Dumeretso sila sa kusina. Tila nanghihinang umupo ito sa isang silya sa dining table. Yumuko ito at tila nag-iisip nang malalim. Kusa na siyang nagtimpla ng kape. Alam niyang kailangan nito iyon.
"Here. Drink this."
"Thanks."
"Ano ba'ng maitutulong ko sa 'yo?"
"Hindi ko sila kayang haraping mag-isa. Ilang taon kong itinanggi ang katotohanan sa sarili ko na wala na sila," simula nito. Tila nagpahid ito ng mga luha. "Hindi ko kasi matanggap na sa dinami-rami ng pagsubok na puwedeng ibigay sa akin ng Diyos, ito pa ang ibinigay Niya sa 'kin."
"Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok kung hindi natin kaya. Lahat ng nangyayari sa atin ay may dahilan," paliwanag niya.
Tiningnan siya nito. "Gusto ko silang makita, Cassy. Samahan n'yo ako."
SINAMAHAN ni Cassy si Leo sa Bauan National Cemetery. Kasama nila ang ilan sa mga kaibigan nila. Magkakasunod ang mga sasakyang ginamit nila. Ang mag-asawang Roy at Panyang ang kasama nila ni Leo sa loob ng sasakyan. Nang malaman ni Roy ang ginawang paglapit sa kanya ni Leo ay hiniling nito na makompleto silang magkakaibigan bilang suporta kay Leo.
"Ready ka na, Leo?" tanong niya rito. Nasa tapat na sila ng malaking gate ng sementeryo. Nagulat pa siya nang biglang hawakan nito nang mahigpit ang kamay niya. "It's okay. Nandito lang kami. Hindi ka namin iiwan."
"Cassy is right. Kaya mo 'yan, pare," pagpapalakas-loob ni Roy.
Hindi sumagot si Leo. Tiningnan lang sila nito, saka ito tumango nang marahan. Kung maaari lang niyang akuin ang lahat ng sakit na nararamdaman nito ay ginawa na niya.
LABIS ang kabang nararamdaman ni Leo. Iyon ang unang pagkakataon na haharapin niya ang katotohanan. Apat na taon din niyang pilit na pinaniwala ang sarili sa isang kasinungalingan. Ilang beses niyang kinuwestiyon ang Diyos kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo ay si Margarette pa ang kinuha Nito sa kanya. Nadamay pa ang anak nila. Ilang taon din niyang sinisi ang sarili sa trahedyang iyon. Hindi man lang siya pumunta sa burol at libing ng kanyang mag-ina. Gusto kasi niyang manatili sa isip niya ang magandang imahe ng mga ito.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 10: Leonard Apilado
RomanceSa pagbabalik ni Cassy ng Pilipinas ay hindi niya inaasahang madurugtungan ang nakaraan nila ni Leo. Ang pagkakaligtas nito sa kanya sa tatlong lalaking humarang sa kanya sa gitna ng dilim ang naging daan upang maging madalas ang pagsasama nila. At...