CHAPTER FOUR

8.5K 174 13
                                    

PUMASOK si Cassy sa pribadong opisina ng bar manager na si Mr. Ben Litigar. Naabutan niya itong abala sa pagbabasa ng mga papeles sa mesa nito. Nagtaas ito ng tingin nang makita siya.

"Magkakaroon ng event ang isang malaking kompanya. Nag-i-inquire sila kung puwede ba raw kayong kumanta sa event na iyon," sabi nito sa kanya.

Umupo siya sa bakanteng silya sa harap ng mesa nito. "Are they specifically asking for our group?"

"Yeah. Iyon ang mahigpit na bilin sa akin n'ong sekretarya ng may-ari ng kompanya. Kung hindi rin lang daw kayo ang kakanta sa event, huwag na lang daw."

Napaisip siya sa sinabi nito. Sa dami ng mga pumupunta sa bar na iyon at nakikipagkilala sa kanya, mahirap matandaan kung sino sa mga iyon ang nagre-request sa kanila. Medyo demanding ang isang ito. "Boss, anong company ba itong sinasabi ninyo at parang demanding sila?"

May hinanap itong kung ano mula sa mga papel na nasa ibabaw ng mesa nito. "Here..." Iniabot nito sa kanya ang isang maliit na papel. Nakasulat doon ang IT Computer Specialist International. Napakunot-noo siya. Pamilyar sa kanya ang kompanyang iyon. Hindi lang niya matandaan kung saan niya nabasa iyon. "Ano? Tatanggapin n'yo ba?" tanong nito.

Napatingin uli siya kay Mr. Litigar. "Itatanong ko muna sa mga kabanda ko," sabi niya.

"I've already asked them. Ikaw na raw ang bahalang magdesisyon."

Napaisip siya. Bihira silang tumanggap ng singing engagement sa labas ng bar. Pero mukhang mahigpit ang demand sa kanila ng staff ng IT Computer Specialist International. Wala naman sigurong mawawala kung pagbibigyan nila ito. Tutal, isang gabi lang naman. "Okay. Once lang naman, eh."

"Sige. Tatawagan ko na 'yong kausap ko kanina."

"Kailan daw ba ito?" tanong niya.

"This coming Saturday night. Eight PM daw ang umpisa ng party sa Skyland Intercontinental Hotel," sagot nito.

"Okay. Call. Ikaw na ang bahalang makipag-negotiate kung magkano ang bayad sa amin."

Tumango ito at may tinawagan sa telepono. Sumenyas siya na lalabas na siya. Tumango naman ito. May kung anong hindi niya maipaliwanag na damdamin ang biglang umahon sa dibdib niya. She felt strange. Pagpasok niya sa stage para sa muling pag-eensayo ng banda nila, pilit niyang pinalis ang damdamin na iyon. Gusto muna niyang mag-concentrate sa pagkanta at hindi sa kung ano pa mang bagay.


NAPAGKASUNDUAN nina Cassy at ng mga kabanda niya na all-black ang isusuot nila sa sa eighth year anniversary party ng IT Computer Specialist International. Dahil siya ang nag-iisang babaeng miyembro—at bokalista pa—siniguro niyang presentable siya. Nasa backstage na sila at naghihintay na lamang na lapitan sila ng event organizer.

"Miss Cassy, be ready. Kayo na ang susunod."

Nakangiting tumango siya rito. "Thanks," mahinang sabi niya. Pumikit siya at nagdasal na sana ay ma-entertain at magustuhan ng mga manonood ang performance nila. Pagkatapos ay hinarap niya ang kanyang mga kabanda. "Okay na kayo?" tanong niya sa mga ito.

"Yup," sagot ng gitarista nila.

"Alam kong magaling ka nang kumanta. Pero mas galingan mo pa, ha? Hindi biro ang mga audience natin ngayon. Mga socialite at politiko ang karamihan sa kanila. Impress them," paalala sa kanya ng drummer nila.

"I will. Hindi ko kayo ipapahiya," sagot niya.

"Kailan mo ba kami ipinahiya, Cass? Wala yata akong matandaan," sabi ng keyboardist nila.

The Tanangco Boys Series 10: Leonard ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon