CHAPTER ELEVEN

8.8K 144 2
                                    

KASAMANG nagme-merienda ni Cassy sa Rio's Finest ang mga asawa ng Tanangco Boys.

"May isang babae rito sa tabi, hindi mawala ang ngiti. Bakit kaya?" nanunudyong sabi ni Panyang.

Napapitlag siya. Saka niya napansin na sa kanya pala nakatingin si Panyang at ang iba pang mga kasama nila sa mesa. "Ako na naman ba ang tinutukoy mo?" pagmamaang-maangan pa niya.

Halos sabay-sabay na nagkibit-balikat ang mga ito.

"Ayos, ah. Parang de-remote control kayo," sabi niya.

"Ang saya mo ngayon, sis," sabi ng Ate Chacha niya.

Napangiti uli siya. "Hindi naman, slight lang."

"'Sus, echoserang froglet ka! Abot hanggang batok ang pagkakangiti mo, eh," sabi ni Adelle.

"Kailangan pa ba kasing sabihin kung bakit ako masaya? Alam n'yo na 'yon."

"Ano na nga pala ang development sa inyo ni Leo?" tanong sa kanya ni Nancy Jane.

Parang nakasinghot siya ng katol sa sobrang pagka-high niya pagkarinig niya sa pangalan ni Leo. She could say she was so much in love right now. At sa pagkakataong iyon, alam niyang hindi na "one-sided love" ang namamagitan sa kanila ni Leo. She felt like she was important to him now. Mula nang gabing bigyan siya nito ng bouquet at sinabi nito na siya ang "crush" nito, halos araw-araw na silang magkasama. Sinusundo siya nito tuwing madaling-araw. Kapag hindi siya nasusundo nito, tinatawagan siya nito at inaalam nito ang kalagayan niya. O kaya naman, kapag nasa trabaho ito at alam nito na gising na siya, tumatawag ito. Madalas pa nga, pinapadalhan siya nito ng almusal. Pakiramdam nga niya ay sila na. Kulang na lang ay maging pormal ang relasyon nila. Hinihintay na lang niyang magsabi ito sa kanya at ipinapangako niya sa sarili na hindi niya ito pahihirapan.

"Hmm... Okay naman kami. Madalas kaming lumabas," sagot niyang pinapungay pa ang mga mata.

"Hoy, huwag kang mag-beautiful eyes dito. Wala si Leo rito," saway sa kanya ni Madi.

"Ate Mads naman, kunwari nga nandito siya," protesta niya.

"Teka nga. Ang ibig bang sabihin ay kayo na?" ani Panyang.

Nagkibit-balikat siya. "Maybe."

"Ha? Bakit 'maybe'?" nakakunot-noong tanong ni Allie. "Parang ang gulo naman."

"Oo nga," pagsang-ayon ni Abby. "Ano 'yan, constant date lang kayo?"

"Eh... Kasi, hindi pa siya nagsasabi sa akin na kami na. Ayoko namang sa akin manggaling 'yon. Ilang beses ko nang sinabi sa kanya na mahal ko siya. Dapat this time, sa kanya na manggaling 'yon."

Tumango-tango si Lady. "Kunsabagay, may point ka riyan. Mas maganda nga siguro kung sa kanya manggaling. Siya ang lalaki, eh."

"Gaano katagal na ba kayong lumalabas?" tanong ng Ate Chacha niya.

Nag-isip siya. "Tatlong linggo na," sagot niya.

Natahimik ang mga ito, waring nag-iisip.

"Dapat may sinabi na siya sa 'yo. Medyo matagal na rin pala kayong nagde-date," kapagkuwan ay sabi ni Myca.

"Tama," sabi ni Panyang. "Kapag ngayong linggo ay hindi ka pa rin niya sinabihan ng makabagbag-damdaming 'Will you be my girl?' chuva, tanungin mo na siya kung ano ba ang lagay mo sa kanya."

"Korek!" sabi ni Allie.

"Paalala lang, dear. Importanteng obserbahan mo siya. Baka mamaya, nag-a-adjust pa rin siya. I mean, sa pagtanggap ng katotohanan about kay Margarette. Make sure na naka-move on na talaga siya," dagdag pa ni Madi.

The Tanangco Boys Series 10: Leonard ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon