HINDING-HINDI makakalimutan ni Cassy ang ginawa niyang pagpapanggap nang nagdaang gabi bilang nobya ni Leo. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya dahil hinalikan siya nito. Napahawak siya sa gilid ng mga labi niya at saka siya ngumiti na tila ba nangangarap.
"Hoy, babae! Bakit ka ngumingiti riyan?" pukaw sa kanya ni Neri, ang isa sa waitress sa bar na kinakantahan ng banda niya. Sa sandaling nakasama niya ito, madali niyang nakagaanan ito ng loob. Kahit medyo maingay ito, likas ang kabaitan nito.
Nagkibit-balikat siya. "Wala lang," sagot niya.
"Mukha mo! Anong wala lang? Kanina pa kaya kita napapansin na parang natipus diyan."
Natawa siya. "Hay, naku, kung alam mo lang. Mas malala pa sa natipus ang pakiramdam ko ngayon. Feeling ko nga, nakasakay ako sa ulap. Pagkatapos, bumukas ang pinto ng langit at umawit ang mga anghel."
"Wah! Wala na, nabaliw ka na. Siguro, in love ka, 'no?"
"Hmm... Maybe."
"Tse! Bahala ka. Malalaman ko rin ang maitim mong sekreto," biro pa nito.
Pumasok ang isang waiter na may dalang isang bouquet ng assorted flowers. Nagkatinginan sila ni Neri nang lumapit sa kanila ang waiter.
"Uy, bongga naman! Para sa akin ba 'yan?" ngiting-ngiting tanong ni Neri.
"Asa ka pa. Para kay Ma'am Cassy ito," sagot ng waiter.
"Para sa akin?" nagtatakang tanong niya.
Tumango ang waiter. "Opo. Dinala ito n'ong lalaking kausap n'yo rito noong isang gabi. Ang ganda nga ng kotse niya, eh."
Kilala niya ang lalaking tinutukoy nito. Wala siyang ibang kausap sa bar kundi si Leo. Kinuha na niya ang mga bulaklak. May isang maliit na card na nakaipit sa mga dahon ng bulaklak. Kinuha niya iyon at binasa. Napangiti siya nang makita ang nilalaman ng card.
Cassy,
Thanks for last night. Take care.
Leo
"Kaya pala abot hanggang batok ang ngiti mo kanina pa," biglang sabi ni Neri.
"This is it, Neri! Baka manliligaw na siya sa akin. Mukhang may gusto na siya sa akin," masayang sabi niya.
"Hay, hija, sana nga. Pero huwag kang umasa nang sobra. Baka mamaya, para sa kanya, pasasalamat lang iyang pagbibigay niya ng flowers. Ikaw rin ang masasaktan sa huli."
"Neri, naman, hayaan mo na muna ako. Huwag ka nang kumontra."
Nagkibit-balikat ito. "Okay. Sabi mo, eh! Basta ako, pinaalalahanan na kita."
"Oo na." Niyakap niya ang mga bulaklak. Wala siyang pakialam kung nagmumukha siyang baliw sa ayos niyang iyon. Nang mga sandaling iyon ay walang lugar sa kanya ang mga negatibong bagay. Ang importante ay masaya siya.
"THANKS, Leo," sabi ni Cassy. Dumukwang siya at hinalikan ito sa pisngi. Halatang nagulat ito sa ginawa niya. Nginitian niya ito, saka siya tuluyang bumaba ng kotse nito. Hindi na rin niya nilingon ito. Dumeretso na siya sa loob ng kanilang bahay. Pagpasok niya roon ay sinalubong siya nina Myca at Panyang na kapwa may nanunudyong tingin sa mga labi.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 10: Leonard Apilado
RomanceSa pagbabalik ni Cassy ng Pilipinas ay hindi niya inaasahang madurugtungan ang nakaraan nila ni Leo. Ang pagkakaligtas nito sa kanya sa tatlong lalaking humarang sa kanya sa gitna ng dilim ang naging daan upang maging madalas ang pagsasama nila. At...