A year later
IDINILAT ni Cassy ang kanang mata niya at saka siya nag-inat. Sinulyapan niya ang oras sa alarm clock. Mag-aalas-singko na pala ng hapon. Napasarap ang tulog niya. Linggo noon at off niya sa trabaho. Malaya siyang gumala saan man niya gustuhing pumunta.
Napangiti siya nang makita ang larawan ni Leo na katabi ng alarm clock. Nakangiti si Leo sa larawang iyon kaya kapag tinitingnan niya iyon, pakiramdam niya ay siya ang nginingitian nito. Isang taon na ang matuling lumipas mula nang huli silang magkita at magkausap pero nanatili ang pagmamahal niya para dito.
"Good afternoon, Leo. Kumusta ka na? I hope you're okay. Miss na miss na kita." Hinaplos niya ang mukha nito sa larawan. Nakagawian na niyang gawin iyon tuwing paggising niya. Isa iyon sa paraan niya para kahit paano ay mapawi ang pangungulila niya rito. Pagkatapos niyang titigan ang guwapong mukha nito ay tumayo na siya at dumeretso sa banyo. Pagkatapos niyang maligo, magbihis, at mag-ayos ay lumabas na siya ng bahay para pumunta sa Rio's Finest. Nagugutom na siya. At dahil tinatamad siyang magluto, doon na lang siya kakain. "Good afternoon, everybody!" masiglang bati niya sa mga crew doon.
"Aba, mukhang maganda ang gising mo, ah," puna sa kanya ni Abby. Nasa likod ito ng counter. Malaki na ang umbok ng tiyan nito dahil anim na buwan na itong buntis.
"Hulaan ko, napanaginipan mo si Leo, 'no?" panghuhula naman ni Madi. Nakapanganak na ito. Isang malusog at cute baby girl ang iniluwal nito.
"Ay, hindi naman. Paggising ko kasi, nakangiti siya sa 'kin," pagsakay niya sa biro ng mga ito.
"Iyon nga lang, hindi pa rin siya kumikibo at gumagalaw sa puwesto niya," biro pa ni Madi. "Sigurado akong nangangawit na 'yon."
Natawa siya. "Lukaret! Ikaw, ha? Masyado mong inaapi ang mahal ko."
"Ano ba'ng order mo?" tanong ni Abby.
"Spaghetti and lemonade," sagot niya. Pagkatapos niyang magbayad ay umupo na siya sa isang bakanteng mesa na nakaharap sa entrance door. Habang hinihintay niya ang order niya ay naglaro muna siya sa cell phone niya. Abala siya sa kakapindot sa keypad nang maramdaman niya na parang may nakamasid sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Nagtaas siya ng tingin at tila nahagip ng mga mata niya ang imahe ni Leo na nakasakay sa taxi. Napatayo siya mula sa silya niya. "Leo..."
"Hoy, okay ka lang?" tanong sa kanya ni Abby, saka siya nilapitan.
"H-ha? O-oo," kandautal na sagot niya. Hindi man lang niya ito tiningnan. Nagmamadali siyang lumabas ng restaurant para habulin ang taxi at alamin kung sino ang sakay niyon. Malakas ang pakiramdam niya na si Leo ang pasahero niyon. Kaya ganoon na lang ang panghihinayang niya nang hindi na niya naabutan ang taxi. Lumiko na yata iyon sa kabilang kalye.
"Sino ba'ng tinatanaw mo riyan?" tanong sa kanya ni Humphrey nang makasalubong niya ito.
Tinabig niya ito. "Tumabi ka nga. May tinitingnan ako," naiinis na sabi niya.
"Sino nga?" pangungulit nito.
"Wala! Basta!"
"Hon, bakit kayo nagtatalo ni Cassy?" tanong ng bagong dating na si Lady. Mag-asawa na ito at si Humphrey. Ikinasal ang mga ito nang taon ding iyon.
"Ito kasing asawa mo, eh," pagsusumbong niya kay Lady.
"Huwag mo na ngang kulitin si Cassy," sabi pa nito.
"Cassy!" malakas na tawag sa kanya ni Abby mula sa tapat ng Rio's Finest. "Ano ba'ng ginagawa mo riyan? Nandito na 'yong order mo."
Bigla siyang nawalan ng ganang kumain. Pagbalik niya sa loob ng restaurant ay nakakunot-noong pinagmasdan siya ng mga kaibigan niya. Tinitigan lamang niya ang mga pagkain sa harap niya.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 10: Leonard Apilado
RomanceSa pagbabalik ni Cassy ng Pilipinas ay hindi niya inaasahang madurugtungan ang nakaraan nila ni Leo. Ang pagkakaligtas nito sa kanya sa tatlong lalaking humarang sa kanya sa gitna ng dilim ang naging daan upang maging madalas ang pagsasama nila. At...