NAGTATAKA si Saree dahil eksakto ang pinaghimpilan ni Travis sa kotse nito—sa mismong tapat ng gate nila. Hindi na niya tinanggihan ang pagpupumilit nito na ihatid siya dahil masakit na talaga ang kanyang mga paa, pati na rin ang mga muscles niya.
Tiningnan niya ang binata. "I-ito na ang bahay namin," aniya habang nakaturo sa labas.
"I know," nakangiting sabi nito.
Naningkit ang mga mata ni Saree habang pinag-iisipan ang sinabi nito. "B-bakit...? Paano mo nalaman?"
"I just know," kibit-balikat na sagot ni Travis. Hindi nakaligtas sa kanya ang ngiting naglalaro sa mga labi nito.
She just rolled her eyes and got out of the car.
Sumunod ito sa kanya habang siya ay lumapit sa gate nila at pinindot ang doorbell. Alam niyang nasa likuran lang niya ang binata. Hinarap niya ito at inabot ang kanyang mga gamit.
"S-salamat sa paghatid," aniya. Muli siyang nag-doorbell. Mukhang abala na naman si Loida sa panonood ng TV kaya nagtatagal ito.
"'Pleasure," ani Travis.
"Sige na. Puwede mo na akong iwan dito. Hinihintay ko lang na buksan ang gate," pasimpleng pagtataboy niya.
"Would you mind if I invite myself inside for a cup of coffee or..." he said smiling.
Bumuka ang bibig ni Saree upang sumagot subalit wala siyang maisip sabihin.
"Nagbibiro lang ako. Mukhang napipilitan ka pa ring makipag-usap sa akin. Hindi naman kita masisisi dahil medyo naging rude ako sa 'yo. Gusto kong humingi ng tawad sa mga nasabi ko sa 'yo noon," saad nito.
Alanganin siyang ngumiti. "Pasensiya na rin."
"Saree." Humakbang ito palapit sa kanya. "Seryoso ako sa pagsasabi ng 'sorry.' Nagkamali ako ng pagkakilala sa 'yo. Masyado kong pinaniwalaan ang nakikita ko lang."
"Hindi mo pa naman ako lubos na kilala. Huwag mo nang isiping naging napakasama mo sa akin. Ako naman ang pumili na maging pangit sa paningin ng iba. Wala akong sinisising kahit sino."
"Iyon ang gusto kong sabihin. Huwag mong gawin ang mga bagay na 'yon dahil hindi naman ikaw 'yon. The real Saree is the one dancing in that gym. The one with an old shoe showing her beauty with elegance and art," mahinang sabi ni Travis habang nakatitig sa kanya.
Naalarma ang puso ni Saree, parang nasiyahan sa sinabi ng binata.
"Sana, isa sa mga araw na ito ay makita ko na nakangiti ka."
"Magiging masaya ako kung may dahilan at ngingiti ako kung may pinaglalaanan," seryosong sagot niya.
"Can a kiss bring a smile on your face?" pabulong na tanong nito. Bago pa siya makahuma ay pababa na ang mukha ni Travis sa kanyang mukha. Mabilis siyang pumikit upang hintayin ang paglapat ng mga labi nito sa mga labi niya. Ngunit mabilis siyang humiwalay sa binata nang marinig ang langitngit ng pagbukas ng gate. Naitulak tuloy niya si Travis.
"Ate Saree," tawag ni Loida sa pansin niya. Kasunod niyon ang malakas na singhap dahil nagulat ito nang biglang hagilapin ni Travis ang kanyang mga labi at halikan iyon.
Hindi siya nakagalaw. Hindi rin siya nakapag-isip. Pumikit na lang si Saree at hinayaan na kumalat uli ang sensasyon na naramdaman niya kanina. Ngunit sandali lang ang halik na iyon at nakangiti siyang binitawan nito.
"Ang sarap mo talagang halikan," anas nito malapit sa mga labi niya. Hindi yata nito napapansin ang gulat na gulat na si Loida na nasa tabi lang nila.
"N-nakikita tayo ni Loida," nahihirapang sita niya at bumitaw rito. Nahihiyang humarap siya sa kasambahay na hanggang sa mga sandaling iyon ay nanlalaki ang mga mata at nakabuka pa ang bibig.
"Maganda na kasi 'yong pinapanood ko kaya natagalan ako," katwiran ni Loida.
Bumuntong-hininga si Saree at buong tapang na hinarap ang binata kahit na parang lalamunin na siya ng kahihiyan. "Sige. Goodnight," paalam niya.
Ngumiti ito. "'Night." Lumakad na si Travis patungo sa kotse nito.
Mabilis siyang tumalikod at nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay. Hiyang-hiya siya sa nakita ni Loida. Ngunit ang puso naman niya ay nagdiriwang dahil sa damdaming binuhay ng binata sa kanyang puso.
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart by Angelene Buena
Romance"Araw-araw sa paggising ko, ikaw kaagad ang iniisip ko."