NAGMA-MOP si Saree ng sahig sa lobby ng College of Music and Dance. Maagang natapos ang klase niya nang araw na iyon kaya mahaba-habang oras ang maigugugol niya sa community service niya. Ang balak niya ay hanggang gabi siya roon, tutal ay Sabado kinabukasan at walang klase. Iyon nga lang, kailangan pa niyang mag-assist sa library bukas. Okay na rin iyon. Sayang din ang oras.
Isinasawsaw ni Saree ang dulo ng mop sa timba ng tubig nang maisip niya si Travis. Naisip niya kung natapos na nito ang required na oras para sa community service. Ngunit paano mangyayari iyon kung mukhang kunwari lang ang notice ng binata? Para lang siguro hindi niya sabihing biased ang eskuwelahan dahil pag-aari ng pamilya nito ang halos kalahati ng school kaya kunwari ay pinarusahan ito. Besides, he was always busy. Naiiling na lang na ipinagpatuloy niya ang pagma-mop.
"Hey!"
"Oops, sorry." Sabay silang napasigaw ng nalingunan niyang babae. Nasagi kasi niya ng mop ang paa nito. Nabasa iyon at nadumihan ang suot nitong ballet shoes.
Muling bumaba ang tingin ni Saree sa suot niya. Napatitig siya roon kasabay ng mabilis na pagbalik ng ilang alaalang pilit niyang kinakalimutan; how she flipped wearing her cream ballet shoes and her tutu.
"Ano ba? Bingi ka ba?" singhal ng babae sa harap niya.
"Huh?" nagulat na sambit ni Saree.
"Tanga na nga, bingi pa. Ang sabi ko, next time, ayusin mo ang trabaho mo. Ilang araw ka na ba rito? Ang dali lang naman ng ginagawa mo, palpak ka pa."
Napahigpit ang hawak ni Saree sa handle ng mop at ngalingaling ihampas niya iyon sa mukha ng babae. Ang kapal ng apog nito. Hindi naman siya katulong nito. Naisip tuloy niya kung magaling din itong sumayaw gaya ng pagkatalas ng dila nito. If she could even do the pirouette.
"Madali lang pala ang ginagawa ko, ikaw na lang kaya ang gumawa?" naiinis na tugon ni Saree, sabay bitaw sa mop. Bumagsak iyon sa harap nito.
Nanlaki ang mga mata ng babae. "You bitch! Hindi mo ba ako kilala? Ako si Andrea Montecillo! At nagawa mong utusan ako?!"
Kumunot ang noo ni Saree sa sinabi nitong pangalan. Pamilyar sa kanya ang pangalan nito. At agad na nanibugho ang kalooban niya nang maalala kung sino ang babae. "Oo, kilala kita," sabi niya. Ito ang nakasabay niya noon sa audition sa CCP main theater. Noon ay sixteen years old pa lang siya. Hindi niya makakalimutan si Andrea dahil ito ang palihim na sumira sa ribbon ng ballet shoes niya. Nakita iyon ng kanyang mga kasamahan. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi siya natanggap.
"So, its you." Tila nakilala rin siya nito.
Lalo siyang nagngitngit sa klase ng ngisi ni Andrea.
"Rosario Jade Herrera. Ikaw ang galing Philippine High School of Ballet na nakasabay ko sa audition noon." Pumalatak ito. "Too bad, you ended up mopping... my stage's lobby."
"Bitch."
Tumawa si Andrea nang nakakaloko. Isang malaking insulto sa kanya na ipaalala nito ang nangyaring kahihiyan at ang pinakamasakit na araw sa buhay niya.
"See you around, mop girl," mayabang na saad nito habang tila nang-aasar na kumaway pa sa kanya habang papalayo.
Sa sobrang inis ay nasipa niya ang timba ng tubig at tumapon ang laman niyon sa sahig. Tumaas-baba ang kanyang dibdib dahil sa pinaghalong inis at sakit.
Huminga si Saree nang malalim upang kalmahin ang sarili. Nilingon niya ang natapong tubig at napangiwi nang makita ang tatrabahuhin niya.
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart by Angelene Buena
Romance"Araw-araw sa paggising ko, ikaw kaagad ang iniisip ko."