KANINA pa nakaupo sa sulok na bahagi sa labas ng cafeteria sina Saree at ang kaibigan niyang si Noel. Magkaharap sila sa pandalawahang mesa at lumalampas ang tingin nito sa kanya dahil minamatyagan nito ang dalawang lalaking nakaupo naman sa di-kalayuan.
Ilang araw nang mainit ang ulo niya dahil kay Paolo Lorenzana. Malaki na ang utang nito sa kanya. Tuwing lalapitan niya ito upang singilin ay lagi na lang itong nagdadahilan na wala pa itong pera.
"Hindi pa ba natin lalapitan? Makakatakas na naman 'yan," naiinip na bulong ni Noel.
"Kasama niya si Travis," maiksing sagot ni Saree.
"Paano 'yan? Humahaba na ang palugit natin sa kanya. Hindi ako naniniwalang wala 'yang pera."
"Maghintay muna tayo."
Bumuntong-hininga si Noel. Umangat naman ang mga kamay niya upang ayusin ang suot na camo cap. Most girls would wear dresses and sexy outfits but not her. Laging faded jeans at itim na tank top ang suot niya na para bang lagi siyang nagluluksa—which was true. She always wore bedheads, unstyled and uncombed. Hindi na nga niya matandaan kung kailan siya huling dumalaw sa parlor.
Nasa ikatlong taon na siya sa kursong BS Political Science ngunit kung siya ang masusunod ay hindi na niya tatapusin iyon at magtatrabaho na lang upang makaipon ng pera. She was past caring about pursuing anything.
"Uh-oh," mahinang anas ni Noel habang nakatingin sa likuran niya. "Here comes the hero..."
Kumunot ang noo ni Saree. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng kaibigan. Ngunit ang balak niyang pagtatanong ay hindi na nangyari dahil bigla niyang naamoy ang isang pamilyar na pabango.
"How much does my brother owe you?" mahinahon ngunit mariing tanong ni Travis nang huminto ito sa tapat ng kinauupuan nila.
She didn't make any move. Nanatiling na kay Noel ang paningin niya. Iyon na nga ba ang ayaw niya. Makikialam ang kapatid ni Paolo.
"Babayaran mo ba?" tanong niya.
"Magkano?" tanong ni Travis.
Noon siya nag-angat ng tingin. She saw a handsome face looking sternly down at her. Nakapamulsa ito at seryosong nakatingin sa kanya. Ang hanggang batok na buhok nitong bahagyang nangungulot ay mahinang hinihipan ng hangin. His nose was really prominent. His eyes were very expressive and his pinkish lips looked as inviting as his brown skin.
"Tatlong libo," sagot ni Saree. Kahit ayaw niya rito ay hindi pa rin niya maiwasang humanga sa binata. Hindi maikakailang guwapo ito. Hindi na siya nagtataka kung bakit maraming estudyanteng babae na nababaliw rito.
"What?" bulalas ni Travis. "Ang mahal naman ng research work mo. Kasama na ba doon ang allowance mo?"
Noon bumalik ang inis niya. "Kung wala kang masasabing maganda ay umalis ka na lang."
He snorted. Ngunit wala na itong sinabi at mula sa bulsa sa likod ng pantalon ay kinuha nito ang wallet. Dumukot ito ng lilibuhin at itinampal iyon sa mesa. Mabilis niyang kinuha iyon.
"He's paid. Now..." Bahagyang yumuko si Travis upang ilapit ang mukha sa kanya. "Tigilan mo na ang kapatid ko."
She smirked. "Bakit hindi siya ang pagsabihan mo? Siya ang lumalapit, hindi ako. Nagnenegosyo lang ako."
Noon lang nakita ni Saree ang mga mata nito sa malapitan. Nanunuot ang amoy nito sa ilong niya. There was always that soothing effect every time she smelled him. Hindi niya alam kung ano ang pabango ni Travis, basta ang alam niya ay malakas ang epekto niyon sa kanya.
"Alam mo, naaawa ako sa 'yo," bulong nito sa kanya.
Biglang nagbago ang timpla niya. "Ano'ng sinabi mo?"
"I pity you, Herrera. Alam mo kung bakit? Dahil walang kakuwenta-kuwenta ang buhay mo. You are such a bitchy loser. Why don't you just go home and make your mother coffee, instead?" halos pabulong na sabi ni Travis habang titig na titig sa kanya.
Parang sumulak ang lahat ng dugo ni Saree sa kanyang ulo. "Ulitin mo ang sinabi mo."
"Broken loser," sarkastikong sabi nito.
"Ano'ng sinabi mo?!" nagngingitngit na tanong niya.
"Broken," ulit nito.
"Ahhhh!" sigaw ni Saree, sabay tulak dito. Muntik na itong bumagsak kung hindi nito nakontrol ang katawan. Ngunit sandali lang iyon dahil mabilis siyang nakatayo at sinugod si Travis.
"Wala kang karapatang magbanggit ng kahit na ano tungkol sa nanay ko!" Hinagip niya ang T-shirt nito at halos malukot iyon sa sobrang higpit ng hawak niya.
Sa bilis ng pangyayari ay hindi na ito nakahuma. Namalayan na lang niyang nakahiga na si Travis at nakaupo siya sa ibabaw nito, ang kamao niya ay dumapo sa panga ng binata.
Huli na nang maawat siya ni Noel. Hinila siya nito palayo kay Travis. Tumaas-baba ang kanyang dibdib sa galit.
"Kuya!" Noon naman nakalapit si Paolo at tinulungan ang kapatid na makatayo. Nakangiwi si Travis habang hawak ang panga nito.
Halos lahat ng naroroon ay napatanga at ang ilan namang kababaihan ay napasigaw. Napalibutan sila ng mga nag-uusyosong estudyante.
"I want your ass in the guidance office," galit na sabi ni Travis sa kanya at padabog na iniwan sila.
Nang lumipad ang tingin ni Saree kay Paolo ay nagtatanong ang tingin nito. Siya rin ang unang nag-iwas ng tingin at nilisan ang lugar.
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart by Angelene Buena
عاطفية"Araw-araw sa paggising ko, ikaw kaagad ang iniisip ko."