Chapter7

9.2K 164 1
                                    

TINATAMAD na binabasa ni Saree ang isang libro habang nakasalpak sa kanyang tainga ang headset ng kanyang iPod. Sa labas ng bus na sinasakyan niya ay malakas ang ulan.

Nasa likurang bahagi siya ng bus. Wala siyang katabi dahil ayaw niya ng may kausap. Iyon ang unang araw niya sa special community service program na kailangan niyang gawin. Dahil sa nangyaring pag-aaway nila ni Travis ay nabigyan siya ng disciplinary training at kailangan niyang bunuin ang required na two hundred forty hours na serbisyo. To fulfill the requirement, she needed to assist in clinics, participate in reading programs at local schools, or volunteer at homeless shelters. At ngayon nga ay kasama si Saree ng mga seniors na nagtuturo sa mga bata sa isang baryo sa Bulacan bilang parte ng training. At sa kamalas-malasan ay kasama roon si Travis dahil ang Law school ang nag-organize ng outreach program na iyon.

Sa panahon ng service, nagsilbi tuloy siyang utusan. Siya ang taga-photocopy ng mga documents at written arguments, tagalinis ng faculty room sa Law school at ng ibang colleges. Kung minsan nga ay tagabili na rin siya ng lunch ng mga professor.

Naramdaman ni Saree na may tumabi sa kanya. She didn't make any move. Alam niyang si Travis iyon. It was the scent that told her.

"Bored?"

Hindi niya pinansin ang sinabi nito.

Bigla nitong inalis ang headset niya at inilapit ang bibig sa kanyang tainga. "Hoy!"

"Aray! Ano ba?" galit na sita niya sabay ayos sa kanyang headset. Muli siyang tumungo sa binabasang libro.

"May gustong kumausap sa 'yo," sabi ni Travis ngunit wala siyang isinagot. "Hey!" pasigaw nang sabi nito. Inilapit pa ang mukha upang matakpan ang binabasa niya.

Napipikon na inalis ni Saree ang headset niya at galit na hinarap ito. "Wala ka ba talagang balak na lubayan ako?"

"Bakit ba nagmumukmok ka rito? Join us over there," sabi nito. Hindi pinansin ang galit niya. Mula sa puwesto niya ay nakita ni Saree si Dale na nakangiti pang kumaway sa kanya. Si Dale ay isang Law student na may reputasyon sa pagiging playboy.

"Busy ako," tugon niya at muling ibinalik ang atensiyon sa libro.

Sa halip na umalis si Travis sa pagtataboy niya ay kampante pa itong sumandal sa upuan. "Nakita kita kanina. Muntik mo nang patulan 'yong isang batang nangungulit. Hindi mo ba alam na makakaapekto 'yon sa evaluation mo?"

"Hindi."

"But don't worry, I'll help you. I'm you partner, right?"

Naiinis siyang napabuntong-hininga. Totoong iyon ang nakalagay sa endorsement letter niya. Kailangan ding tapusin ni Travis ang two hundred forty hours. Kailangan pa nga nilang um-attend ng counseling bilang huling parte ng rehabilitation nila. Pero hindi naman nasusunod iyon dahil tila wala naman itong ginagawa. Dumadagdag pa nga ang binata sa mga nag-uutos sa kanya.

"Ano'ng binabasa mo?" muli na naman nitong tanong.

"Ano ba'ng gusto mong palabasin? Na okay na tayo? Na makikipag-usap na ako sa 'yo dahil pareho tayong under rehab, ganoon ba 'yon? Alam mo, ang hirap sa 'yo, akala mo lahat ng tao ay natutuwa sa 'yo. Puwes, nagkakamali ka. Akala mo kung sino kang makaasta. Hello? Mr. Golden Boy, hindi ka kagandahang lalaki, 'no!"

"Kung ayaw mo akong kausapin ay hindi ganyan kahaba ang sasabihin mo," nakangiting sabi ni Travis.

She was stunned. She bit her lip to control her anger. "Get lost, ass—"

"I said I don't want to hear that kind of word from you," pigil nito sa kanya at tinakpan ang bibig niya ng kamay nito.

Pinalis niya iyon. "Sino ka para pigilan ako? Sasabihin ko ang gusto kong sabihin!" humihingal sa galit na saad niya.

"Sige, sabihin mo pa 'yan at hahalikan uli kita," banta nito.

Muling natigilan si Saree sa kapangahasan nito. Nag-iwas siya ng tingin. "Pabayaan mo na lang ako. Gusto kong mapag-isa."

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Travis. "Alam mo bang sa ginagawa mo ay lalo mo lang pinapahirapan ang sarili mo? Habang nag-iisa ka, lalo kang nasasaktan." Tumayo na ito at bumalik sa puwesto kanina.

Nagtatagis ang mga bagang na sinundan niya ito ng tingin. Nagagalit siya dahil tila alam ni Travis ang kanyang kalagayan at pilit pa nitong ipinaparamdam sa kanya na ang galit niya sa mundo ay isa lamang pagtakas sa isang katotohanan.

Muling binuklat ni Saree ang libro at ipinagpatuloy ang pagbabasa. Ngunit wala na roon ang kanyang atensiyon dahil sa tuwina ay umaangat ang tingin niya patungo sa kinauupuan ng binata. Panay rin ang sulyap nito sa kanya.

Way To Your Heart by Angelene BuenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon