Chapter 10

8.6K 158 1
                                    

SA IKALIMANG araw ni Paolo sa ospital ay hindi na napigilan ni Travis si Saree na pumasok sa private room ni Paolo. Wala na itong nagawa. Tahimik lamang na nakamasid sa kanila habang siya ay nakaupo sa gilid ng kama ni Paolo.

"Mabuti, hindi ka napuruhan," biro ni Saree, pilit na itinatago ang pag-aalala sa kanyang tinig. Nakabenda ang noo ni Paolo. Pulos pasa at bangas ang mukha. May brace din ang braso nito. Nakaupo ito sa kama at nakasandal sa headboard.

Ngumiti ito. "Hindi ko ikamamatay ito."

Travis snorted loudly. Pareho silang napalingon dito. He was looking at them sternly, lalo na sa kanya. "At talagang kamatayan lang ang magpapatigil sa 'yo sa ginagawa mo," sabi nito kay Paolo.

Hindi ito pinansin ni Paolo, bagkus siya ang kinausap. "Ikaw, kumusta?"

Noon bumalik ang tingin ni Saree kay Paolo. "Okay lang."

"Yeah. Ganyan naman palagi ang sagot mo," hindi nasisiyahang tugon nito.

"Paano naman hindi magiging okay 'yan? Daig pa ang berdugo sa sobrang katapangan. Tingin pa nga lang niyan, matatakot nang lumapit ang mga lalaki sa kanya," sabad ni Travis.

"Wala ka bang ibang gagawin ngayon, Kuya? Okay na ako. May mga nurse naman dito kaya hindi mo na ako kailangang bantayan," ani Paolo sa kapatid.

"Iiwan kita kasama ng babaeng 'yan?" nakataas ang kilay na sagot ni Travis, sabay turo sa kanya.

"Kuya." Isinandal ni Paolo ang ulo sa headboard. "I will be okay. Mali ang iniisip mo kay Saree. Look at her. Do you think this pretty face can harm a man? Mag-isip ka nga, Kuya."

Bahagyang nailang si Saree sa sinabi ni Paolo. Palihim niyang sinulyapan si Travis na nakasandal ang balakang sa side table na kinalalagyan ng tray ng mga gamot ni Paolo. Lihim niyang nahiling na sana ay sumang-ayon ito sa sinabi ni Paolo.

Umiling si Travis. "Looks can be deceiving."

Hindi naiwasan ni Saree na mapatikhim at lihim na napangiwi. Nasaktan siya sa lantaran nitong pang-iinsulto. Marahil ay napansin ni Travis ang naging reaksiyon niya pati ang kanyang naramdaman kaya bumawi ito.

"I'm sorry. Tatawag lang ako sa bahay," anito bago lumabas ng silid.

"Pasensiya ka na," ani Paolo nang makalabas si Travis.

Nagkibit-balikat lang siya. Umalis si Saree sa pagkakaupo sa kama at lumipat sa armchair. Aaminin niya na tuwing magbibitiw ng masasakit na salita si Travis sa kanya ay tumatagos iyon hanggang kaloob-looban ng kanyang puso. Hindi niya dapat maramdaman iyon dahil hindi naman ito ang unang taong nagpakita ng disgusto sa kanya. Ngunit iba kapag si Travis ang pinag-uusapan. Parang malaki ang epekto sa kanya ng bawat sabihin nito.

"Tahimik ka yata," puna ni Paolo sa kanya.

"M-may naisip lang ako," aniya. "Hindi ka ba nag-aalala sa puwede pang mangyari sa 'yo kung itutuloy mo pa rin ang racing? Hindi na maganda ang mga nangyayari."

"Kung makapagsalita ka, parang ang ayos ng buhay mo," sabi nito.

"Paolo—"

"Saree, naisip ko na ang mga sinabi mo at alam ko na ang isasagot ko sa mga sasabihin mo pa. Yes, I am uncontrollable. I'm starting to get reckless. Halos madurog ang puso ko nang ikuwento ni Kuya kung paano nag-hysterical si Mommy noong hindi pa ako nagkakamalay. And even Daddy got teary-eyed when I was brought to the operating room. Na-realize ko, malaki na ang sakit ng ulong ibinibigay ko sa kanila. Tama si Kuya. Kaya kong ipaintindi kay Daddy ang gusto ko nang hindi nagbibigay ng sama ng loob. I can prove my worth without getting myself hurt."

"Mabuti kung ganoon," sabi ni Saree.

"Ikaw, kailan mo tatapusin ang pagmumukmok mo? Hindi ka pa ba napapagod? Ako, napagod na. I want to make things right this time. Sana ganoon ka rin, Saree. For the sake of the people who love us."

Napaisip siya. Hindi tamang salungatin niya ang sinabi ni Paolo dahil totoo naman iyon.

"Saree," untag nito sa kanya. Ginagap nito ang kamay niya. "Let's be better people this time."

Tumango lang si Saree, kasabay ng pag-iwas ng tingin dito. Hindi niya kayang salubungin ang tapang na nakikita niya sa mga mata ng binata. Hindi pa niya alam ang isasagot dito. Parang hindi pa siya handa. Parang natatakot pa siya. 

Way To Your Heart by Angelene BuenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon