NAKITA ni Saree ang daddy niya na abala sa pagpipinta sa pader sa roof deck. She looked at him silently and then slowly walked closer. Nagkaroon din ito ng oras na tapusin ang painting. Kagagaling lang niya sa final rehearsal para sa recital niya at ilang araw na rin siyang parang laging hinang-hina. At habang pauwi kanina ay naisip niya ang kanyang daddy. Naisip ni Saree na baka maaari niya itong makausap. She really needed someone to talk to.
Naramdaman marahil ng kanyang mama ang paglapit niya kaya lumingon ito sa kanya. Agad itong ngumiti. "Maaga ka yata ngayon," puna nito habang patuloy ang paghagod sa brush.
Pinagmasdan ni Saree ang pader nang makalapit dito. Abstract iyon kaya hindi niya masyadong maintindihan. Pero ramdam niyang tungkol iyon sa pagmamahal.
Lumingon siya sa daddy niya. "Puwede bang sumali?"
Tumigil ito sandali at tiningnan siya. "Sige, may isa pang brush diyan."
Kinuha niya ang isa pang brush sa paanan niya at isinawsaw iyon sa kulay-dilaw at inihagod sa pader. Napangiti siyang bigla. Parang nabawasan ang bigat ng nararamdaman niya. Nasisiyahan niyang itinuloy iyon. Parang kasamang napapahiran ng pintura ang kanyang galit.
"Alam mo bang ito ang ginagawa ko tuwing nami-miss ko ang mommy mo?" sabi nito.
Napahinto si Saree sa ginagawa, nanatili sa ere ang kamay at napatungo. Sukat sa narinig ay mabilis na nangilid ang kanyang mga luha at tuluyang umiyak.
Ibinaba ng daddy niya ang hawak na brush, saka lumapit sa kanya. Kinuha nito ang kanyang brush at ipinatong sa lamesita. Niyakap siya nito.
"Sige lang, anak. Gagaan ang pakiramdam mo kung iiyak ka," alo nito habang hinahagod ang likod niya.
Tinugon ni Saree ang yakap ng kanyang ama. Doon niya ibinubuhos ang lahat ng sama ng loob na inipon niya nang ilang taon. Ang bawat hapdi na dulot ng pamamaalam ni Travis at ang pagpapaasa nito sa kanya.
"Dad..." sambit niya habang patuloy ang walang tigil na iyak. She buried her face in his chest. Mahigpit din ang yakap niya.
Lumipas ang ilang minuto na nanatili siyang yakap nito, hinihintay na humupa ang kanyang damdamin. He then grabbed her arm and faced her. Nakangiti itong tumingin sa kanya.
"I really missed you. Matagal ko nang hinihintay ang pagkakataong ito. Kung hindi ka pa nasasaktan ngayon ay hindi mo ako lalapitan. Gusto kong magtampo sa 'yo," sabi nito.
"Dad, I'm sorry kung sinisi kita sa mga nangyari. Hindi ko alam kung paano—"
"Wala nang dapat ipaliwanag. Alam kong hindi madali ang pinagdadaanan mo ngayon, ninyo ni Travis."
Kumalas siya rito at pinahid ang mga luha. Nagtataka siyang tumingin dito. "P-paano ninyo nalaman ang tungkol sa..."
"Halika." Hinawakan nito ang kanyang braso at inakay siya patungo sa wooden bench. Sabay silang umupo roon. "Humahanga ako sa binatang iyon," panimula ng kanyang ama. "Minsan ay pinuntahan niya ako sa branch. Hindi ko siya personal na kilala. Ang kanyang ama ang madalas kong nakakausap. Hiningi niya ang permiso ko kung maaari ka raw niyang yayaing lumabas. Matagal kaming nagkausap at nasabi niya sa akin ang tungkol sa nararamdaman niya para sa 'yo."
Hindi natinag si Saree sa pagkakaupo. Ano ang dahilan ni Travis upang sabihin dito ang tungkol doon?
"Anak, inamin niya sa akin na aalis siya patungo sa Amerika dahil siya ang nakatakdang humawak sa mga negosyo ng pamilya ng mommy niya. At nahihirapan siyang magdesisyon kung itutuloy pa niya iyon dahil sa 'yo. Hindi niya kayang iwanan ka. Nakita niya ang paghihirap ng damdamin mo sa nangyari sa mommy mo. But he saved you. Siya at ang damdamin niya para sa 'yo ang dahilan kaya bumalik ka sa dating ikaw. Ginising ka niya sa mahaba mong pagtulog."
Umiiling siyang nag-iwas ng tingin. "Hindi na lang sana niya ginawa 'yon. Hindi na sana niya hinayaang matutuhan ko siyang mahalin para hindi ganitong ako ang nahihirapan."
"Anak, totoong mahirap. Walang tamang salita ang maaring ibigay kapag nasasaktan tayo. Hindi iyon kayang tumbasan ng yakap upang maibsan ang sakit. Ngunit iyon lang ang maaari nating gawin. But honey, we have to do it. Tulad ko, hindi ko alam kung paano ko nakayang malayo sa inyo nang paalisin ako ng mommy mo noon at tanggapin ang bintang niya sa akin na nagmahal ako ng iba. Pero hindi nawala ang pagmamahal ko sa kanya. Kaya ilang libong beses ang sakit nang malaman kong naaksidente siya. Pero iniwan ka naman niya sa akin. You are her. My one and only love."
"Ano po'ng ibig ninyong sabihin?" lumuluha pa ring tanong ni Saree. Wala siyang alam na ang mommy pala niya ang may kagustuhang umalis ang kanyang daddy.
"Isang comanager ko sa dating kong trabaho ang naging kaibigan ko rin noon. Pinagselosan siya ng mommy mo. Madalas na magkasama kami dahil tinutulungan ko siya na mahanap ang nawawala niyang anak. Sinabi ko noon sa mommy mo ang totoo pero hindi siya naniwala. Hanggang isang araw, dumalaw siya sa bahay para magpaalam dahil papunta na siya sa Amerika para doon na lang manirahan nang madatnan kami ng mommy mo na magkayakap. Walang masamang ibig sabihin 'yon, anak. Magkaibigan lang kami. Ginawa ko ang lahat para magpaliwanag sa mommy mo pero hindi niya ako pinakinggan. Hanggang sinabi niya na gusto na niyang makipaghiwalay."
"Pero... hindi ba nagpaliwanag ang kaibigan ninyo?"
Malungkot itong umiling. "Hindi rin siya pinakinggan ng mommy mo. Ilang araw pagkatapos umalis ang mommy mo sa bahay na kasama ka ay bumalik siya. Pero hindi ka niya kasama. Doon niya sinabi sa akin na nakikipaghiwalay na siya. Hindi na niya talaga ako pinaniwalaan."
Nagulat si Saree sa nalaman. Wala siyang alam sa totoong dahilan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Tuwing magtatanong siya noon sa mommy niya ay umiiwas lang ito. Kaya inisip niya na ayaw lang nitong pag-usapan dahil ganoon kalaki ang kasalanan ng daddy niya.
"Anak, wala akong ibang minahal kundi ang mommy mo. At nang lumipat ka sa akin ay naisip ko na galit ka rin sa akin dahil baka sinabi ng mommy mo ang kung ano-anong pinaniwalaan niya. Kaya naghintay ako ng tamang oras para magpaliwanag sa 'yo. Pero, anak, tuwing iiwasan mo ako, nasasaktan ako."
Muling bumuhos ang luha ni Saree. Muli siyang niyakap nito.
"Patawarin mo ako, Daddy. I love you," madamdaming pahayag niya.
Tumawa ito at hinalikan ang kanyang buhok. "Mas mahal kaya kita, anak."
Natawa siya sa simpleng biro nito. Bahagya itong lumayo at may inabot sa gilid ng upuan. "Sa makalawa na ang recital mo. Pero hindi ko alam kung puwede mo itong gamitin."
Binuksan niya ang kahon at nakita niya ang isang pares ng bagong ballet shoes. Masaya niyang kinuha iyon. Balak din niyang bumili ng bagong ballet shoes. Ngunit talagang nasiyahan siya dahil isang regalo ang gagamitin niya. It would bring luck to her.
"I-practice ko na lang siya. Ito ang gusto kong gamitin sa recital," aniya habang masayang nakatitig sa sapatos.
"Mabuti naman," anang daddy niya.
"Thanks, Dad."
"Kay Travis ka magpasalamat. Siya ang nagsabi sa akin na bilhan kita niyan bilang regalo."
Natigilan si Saree sa sinabi nito. Muling tila may kumurot sa puso niya. Hindi na lamang niya tinugon iyon upang hindi na humaba ang usapan.
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart by Angelene Buena
Romance"Araw-araw sa paggising ko, ikaw kaagad ang iniisip ko."