Chapter Two

1.9K 73 3
                                    





NASA Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 na si Millenn, hila-hila ang malaking luggage na itim at ang kanyang hand-carry bag na may lamang laptop at personal na gamit. Ala-una ng hapon ang kanyang flight papuntang Seoul, Korea. Dapat ay kanina pa siya nakarating. Target niyang mag-check-in bago mag-alas-onse pero na-traffic siya. Sa Quezon City siya nakatira, malapit lang sana kung tutuusin pero hindi niya ini-expect na bumper to bumper ang EDSA. Kaya halos takbuhin na niya papasok ng NAIA 2. Malapit na kasing mag-alas-dose, baka maiwan siya ng eroplano.

Naririnig na niya ang announcement sa paging system. Tinatawag na ang mga natitirang pasahero na hindi pa nakakapagcheck-in dahil aalis na ng ala-una ang eroplano ng Philippine Airlines.

Diyos ko, Lord! Wala na sanang pila, abut-abot ang dasal ng dalaga. Pinakinggan naman siya ng langit dahil nakita niyang tatlo na lamang ang nakapila sa Counter 9 na siyang tumatanggap ng mga pasaherong patungo sa Seoul, Korea.

"Paging Millenna Sandoval. Paging Millenna Sandoval, please proceed to Counter 9."

Gulat na gulat ang dalaga sa narinig. Sino ang tatawag sa kanya ng kanyang full name?

"Mabilis ka naman pala."

Hindi agad nakakilos si Millenn nang makita si Javi na papalapit sa Counter 9. May hawak itong paper cup ng kape at isang maliit na bag na obviously ay laptop ang laman.

"Ikaw ba ang nagpa-announce ng pangalan ko sa paging system?" nag-iinit na ang pisngi ng dalaga sa kabila ng malakas na aircon sa loob ng airport. Feeling niya ay napahiya siya.

"I had to do it. Kanina pa ako nakapagcheck-in at wala ka pa."

"So? Ano naman?" Aware ang dalaga na nagtataray na siya pero hindi niya napigilan ang sarili. Mayabang ang hudas na kaharap!

"In case hindi mo na-realize, sabay tayo sa flight na ito. Sabay din tayong sasalubungin ng mga Korean hosts sa Seoul. Ano ang sasabihin ko sa kanila kung hindi kita kasama doon? Ayokong magkaroon sila ng bad impression sa ating mga Pilipino." Seryoso ang boses ni Javi kaya tila nahimasmasan si Millenn. Biglang bumaba ang boses niya.

"Na-traffic kasi ako. Umikot pa yung taxi na sinasakyan ko."

"Kapag ganitong importante ang lakad, hindi ka dapat nakadepende sa maluwag na daan. You should always anticipate na matraffic- kaya dapat mas maaga kang umalis sa inyo."

"Pasensya na," gusto na niyang magdabog dahil nasermunan ng lalake, pero nagpigil siya. May punto naman si Javi. Pero di niya lang matanggap na pinangungunahan nito. At hindi pa man sila nakakaalis ng Pilipinas, feeling leader na ang lalake.

Pakiramdam tuloy ni Millenn, may kasama siyang guwardiya sibil sa biyahe!

LIMANG oras din halos ang biyahe mula Pilipinas hanggang South Korea. Inis si Millenn sa eroplanong nasakyan dahil walang sariling TV sa harap ng upuan. Mabuti na lang at may lamang mga pelikula ang kanyang iPOD- at least may napanood siya at hindi na-bored. Pasalamat din siya at hindi sila magkatabi ni Javi- baka nakarinig na naman siya ng kung anong sermon- ayaw niyang maging criminal! Hindi niya lang talaga maintindihan kung bakit tila pinaglihi sa regla ang lalake- laging mainit ang ulo!

Madilim na nang sapitin nila ang Incheon International Airport. Paglabas nila ng eroplano ay agad naglakad ng mabilis si Javi- animo'y may hinahabol. Pilit namang sinusundan ng dalaga ang lakad ng lalake pero hinihingal siya sa laki ng bawat hakbang nito. Bago sila makarating sa Immigration area ay halos lumuwa na ang dila niya sa pagod. Imbyerna na talaga siya sa lalakeng kasama. Nawalan siya ng poise!

"Ang bilis-bilis mo namang maglakad, para kang hinahabol ng isang batalyong rebelde!" angal niya nang maabutan niya itong kampanteng nakapila sa Immigration.

MY HEART AND SEOULTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon