"AYAW ko ngang sumama!" napalakas na ang boses ni Julienne sa inis sa mga kaklase. Niyaya siya ng mga ito para magpunta muli ng bar ngayong Biyernes. Dahil nalaman ng mga ito na maaari na naman siyang makatakas dahil nasa sabay na naman na nagkaroon ng business trip ang kanyang mga magulang, pinipilit siya ng mga ito.
"Ang arte mo naman, Juls. Paminsan-minsan lang naman ito,"
"Hindi ka ba nag-enjoy last time? Samantalang sabi ni Kathryn, may nakilala ka daw na lalaki roon."
"Oo nga. 'Yung isinayaw ka? Guwapo 'yun, ha. Anyare ba?"
Lalong nainis si Julienne sa mga tanong at komento ng mga kaklase. Wala siya sa mood pero gusto niyang isisi iyon dahil na rin kay Axel. Doon niya nakilala ang lalaki at hindi na niya gustong balikan iyon.
"Wala na iyon. Basta ayaw ko lang sumama. Tigilan niyo na nga ako," inirapan niya pa ang mga ito.
Hindi naman dapat big deal kay Julienne ang lahat. Hindi ba at siya na rin ang nagsabi na ihahanda na niya ang kanyang sarili? Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Axel ay hindi na siya muli nito na na-contact. She, on the other side, doesn't make any effort, too. Para saan pa? Alam niyang na-disappoint niya si Axel. Hindi na siya nito babalikan. Isang buwan na ang nakalilipas pagkatapos noon kaya nasisigurado na niya. Pero kung hindi nga big deal sa kanya ang lahat, bakit siya naiinis ng ganito?
"Bigyan mo kami ng rason kung bakit."
"Masama ang pakiramdam ko. Kanina pa ako nahihilo,"
Tumaas ang isang kilay ng kaklase ni Julienne. "Naiinis. Maarte. Nahihilo...hmmm... 'Di kaya buntis ka?"
Nakitawa ang ilang mga kaklase ni Julienne. Pero si Julienne ay parang mas sumama pa ang pakiramdam sa komento. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. May nangyari sa kanila ni Axel pero naging maingat naman ito. He slips something in his self before plunging into her. Hindi naman siya ganoon kainosente para hindi malaman na condom iyon. Kailangang makitawa rin niya dahil imposibleng mangyari iyon.
Hindi na pinilit ng mga kaklase si Julienne. Nauna na rin siya sa mga ito na umuwi. Biyahe siya kaya lalo siyang naiinis. Ang sama talaga ng pakiramdam niya. Ilang araw na rin niyang nararamdaman iyon. Pawala-wala lamang kaya hindi siya umiinom ng gamot.
Pero bago pa man makasakay ng taxi si Julienne, may tumawag at humawak sa balikat niya. Napalingon siya. Nagulat siya nang makita si Axel.
"Anong ginagawa mo rito?" lumukso ang puso niya nang makita ang lalaki. So hindi pa naman pala talaga siya nalilimutan nito!
Nagkibit-balikat ito. "Seeing you."
Kumurap-kurap siya. Hindi siya makapaniwala. Kahit naman kasi gusto niyang tanggapin na basta-basta na lamang ito umalis, may isang bahagi pa rin niya na gustong makita ito. Na-miss niya ang lalaki.
Sa tindi ng nararamdaman, nayakap ni Julienne si Axel. Pero hindi pa man gumaganti ang lalaki, kumalas na siya. Naamoy niya ang pabango nito at hindi niya nagustuhan ang amoy noon. Pakiramdam niya ay lalo siyang nahilo. Umikot rin ang kanyang sikmura. Lumayo siya sa lalaki at inilabas ang laman ng sikmura. Pero halos wala siyang nailabas dahil wala rin siyang gana na kumain kanina.
Inalalayan siya ni Axel. Hinang-hina siya. Nang mapatingin siya rito ay nahawa rin yata ito sa kanya: namumutla ang lalaki.
"Julienne..."
"Masama lang talaga ang pakiramdam ko. Pasensya ka na."
Tinitigan siya ng lalaki. "M-madalas bang nangyayari sa 'yo ito?"
"Noong mga nakaraang araw, oo. May masamang virus lang siguro ako. Marami rin kasi na nagkakasakit ngayon sa mga—" hindi naituloy ni Julienne ang sasabihin nang tinamaan siya ng napakasamang pagkahilo. Kaagad na inalalayan siya ni Axel pero hindi rin iyon nakatulong.
Nawalan ng malay si Julienne.