Kabanata 1 - Dalawandaang Taon

121 5 0
                                    

Kabanata 1 – Dalawandaang Taon

Dalawandaang taon. Dalawandaang taon na ang lumipas magmula nang masilayan ni Adelaida ang sinag ng liwanag. Ang kaniyang mata ay nanatiling dilat sa gitna ng kadiliman, sa loob ng isang silid na may apat na dingding ngunit walang kahit ni isang bintana. Tanging isang pintuan lamang ang naroroon na kailanman ay hindi tinangka ng babae na hawakan at buksan.

Nanginginig siya hindi dahil nag-iisa siya o natatakot, kundi sa kagustuhang mamatay. Nangangamoy dugo ang silid, nagkalat ang iba't ibang patalim at nakasabit sa itaas ang ilang mga tali na ginamit niya upang tapusin ang pait at sakit. Ngunit wala sa mga ito ang tumapos ng kaniyang buhay. Magmula noong isinumpa siya, hindi na niya nahawakan ang mga ito.

Duguan ang bawat parte ng kaniyang katawan, wala siyang tinirang pulgada na hindi nababahiran ng patalim at paghihirap. Dalawandaang taon man siyang hindi kumakain at hindi natutulog, kailanman ay hindi siya dinalaw ng kamatayan. Maliban na lang kung pag-uusapan ang nangyari sa kaniya bago ang panahong ikinulong niya ang sarili sa kadiliman.

"Hoy mga bwisit kayo! Huwag niyo 'kong iwan ditooo!" rinig niyang sigaw mula sa labas ng kaniyang silid. Naidilat niya ang kaniyang mga mata. Nagtaka siya sa narinig kung kaya't naisipan niyang gumalaw kaya nasagi ng kaniyang paa ang ilan sa mga patalim.

"Franche! N-Narinig mo 'yon?" sabi pa ng boses ng isang babae. Narinig niya ang mga yabag ng mga taong nagsitakbuhan malapit sa pinto ng silid.

"T-Totoo ba talagang may m-multo dito?" tanong ng isa pang boses. Nalilito si Adelaida kung totoo ba ang kaniyang naririnig o isa na naman bang panibagong sumpang ipinarusa sa kaniya.

"Sus! Ikaw nagyaya na mag ghost hunting tapos ikaw 'tong naihi sa pantalon mo, Claude?" pang-aasar ng isang lalaki. Nagtawanan naman ang mga boses.

"Hoy gago! Hindi ako naihi 'no! Naluha lang ang pantog ko, di pa makamove-on sa A Walk To Remember," sagot ng isa pang lalaki. Napatakip si Adelaida sa kaniyang tenga, nagugulumihanan siya sa panibagong mga tinig na naririnig niya.

"Hahaha! Hoy kanina ka pa tahimik Bato ah! Nagro-rosaryo ka na ba sa isip mo?" dugtong pa ng lalaki. Nagtawanan ulit sila. Parang sasabog na si Adelaida sa panibagong sensasyong nararamdaman niya. Gumalaw ang kaniyang mga binti at nasagi na naman nito ang mga patalim.

"S-Shit! Narinig niyo 'yon?"

"H-Hoy! Alis na tayo!"

"In the name of the Father, and of the Son, and of the Hol—"

"Mga bakla! Bubuksan niyo 'tong pinto o ako ang bubukas sa mga bungo niyo?" sigaw ng isang matapang na babae.

"Eh ikaw kaya ang magbukas Sanchez!"

"Sige! Ako ang magbubukas pero kayo gagawa ng essay ko! Five pages ha?!"

"Payag daw si Bato! Magvo-volunteer siya! Diba Bato?"

"Gago."

Matapos ang ilang minutong katahimikan ay biglang umalingawngaw ang kalabog ng bumukas na pinto. Napapikit si Adelaida sa isang malabong liwanag na tumama sa kaniyang mga mata. Narinig niya ang mga sigaw ng kanina'y tumatawa na mga boses. Narinig niya ang kanilang takot, kaba, mga mura, at ang di makapaniwalang mga ekpresyon.

"Tangina! Takbooo!" sigaw ng isang lalaki at nagsitakbuhan silang lahat maliban sa isang babae na matapang na humakbang papasok sa kadiliman. Ilang minuto ang lumipas bago ito nagsalita.

"H-Hey, you are alive, right?" tanong ng babae. Hindi niya maaninagan ang hitsura nito. Nang mapagtantong wala itong kahit ni isang saplot na suot, niyakap niya ang sarili. "Shit. Buhay ka nga."

KadenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon